Chapter 12

1.3K 93 39
                                    

Nanlalaki ang mga mata ni Antonio na tiningnan si Nikita na kalmado na nagmamaneho ng sasakyan nito. Pagkatapos nitong paandarin ng mabilis ang sasakyan nito kanina papalayo sa carwash para iwanan, o takasan ang galit na galit na si Claire na basang-basa ang mukha dahil sa pambabasa ni Nikita sa tubig sa mukha nito.
"Ano bang nangyayari sa iyo? Adik ka ba? Dapat yata sa iyo matokhang ka na" ang galit na sabi niya kay Nikita habang nakamulat ang mga kulay dagat niyang mga mata sa babaeng nagmamaneho na sa tingin niya ay nasisiraan na ng bait.
"Oo adik, adik sa iyo" ang mariin na sagot nito sa kanya kaya lalo pang kumunot ang noo niya sa sinabi nito, na hindi niya alam kung nagbibiro ba o seryoso ito.
"Tumigil ka nga!" ang galit na sigaw niya, "paano mo ako natunton sa carwash?" ang tanong niya habang nanatili na nakatuon ang mga mata niya rito.
Sumulyap ito sa kanya at muli na naman niyang nakita ang mukha nito, na hindi sa kanya nagpatulog. Oo, at nang makita niya ito kanina, nang lumabas ito ng sasakyan, ay nanlaki ang mga mata niya hindi dahil sa galit, kundi dahil sa mabilis na pagpintig ng kanyang puso nang mga sandali na masilayan na naman niya itong muli.
"Hinanap kita, nung nagpunta ako sa law firm na pinapasukan mo at nang sinabi sa akin ng mga kasamahan mo na nagpunta ka lang doon sandali at agad din na umalis ay nagpasya na akong hanapin ka, at naisip ko na madalas kang napapadaan sa area kung saan naroon ang shop ko which means, parati kang nasa area malapit sa shop at sinimulan ko na ang paghahanap ko sa iyo" ang saad nito sa kanya.
"Ano ba kasi ang kailangan mo sa akin Nikita? Pwede bang tantanan mo na ako" ang pakiusap niya rito, na hindi man lang siya tinapunan ng tingin sa kabila ng mga pakiusap niya rito.
"Kailangan mo pa bang tanungin kung anong kailangan ko sa iyo Antonio? Hindi ba at ipinaliwanag ko na sa iyo? Kailangan ko ang katawan mo, literally" ang giit nito sa kanya.
Umiling siya, napakakilit naman ng babaeng ito, ang sabi niya sa kanyang sarili.
"Hindi ba sinabi ko na sa iyo na AYOKO?" ang giit niya at itinaas pa niya ang kanyang mga palad para maipahatid niya ang diin ng kanyang salita, "na hindi ako interisado na ipangalandakan ang katawan ko? Hindi mo ba naintindihan iyun?" ang mariin na tanong niya kay Nikita.
Nagkibit-balikat lang ito sa kanya na mas lalo niyang ikinaasar, "Naintindihan ko" ang matipid na sagot nito sa kanya na lalo pa niyang ikinainis
"Tigilan mo na pati ang pang ba blackmail mo sa akin gamit yang resume! Dahil sa susunod hindi na uubra iyan!" ang giit niya kay Nikita at itinaas pa niya ang kanyang kanan na hintuturo.
"Sabi mo eh, pero, hindi dahil sa resume, kaya ka nasa loob ng sasakyan ko ngayon, kundi dahil sa injection" ang nakangiting sagot sa kanya ni Nikita at sumulyap pa ito sa kanya. At mas lalo pang naningkit ang kanyang mga mata rito sa inis.
"Huh, para namang magpapabakuna ako ulit" ang sagot niya rito, at narinig niya ang mahinang tawa nito.
"Oo Antonio, magpapa inject ka ulit kapag na impeksyon ang sugat mo, paiinjectionan ulit kita, nang paulit-ulit kapag makulit ka" ang banta ni Nikita sa kanya.
Nagsingasing siya at ngumisi, "mamaya ikaw injectionan ko diyan eh, makita mo" ang mahinang pagbanta niya rito.
"Ano yun?" ang tanong ni Nikita sa kanya na muli siyang sinulyapan, pero hindi na niya inulit ang kanyang sinabi, at iniba na lang niya ang isyu.
"Saka, bakit binasa mo sa mukha si Claire? Hindi mo ba nakita na napahiya yung nobya ko?" ang mga galit na tanong niya kay Nikita, na parang hindi man lang tinatalaban sa ipinapakita niyang pagkainis dito.
"Hindi ko iyun sinasadya Antonio, at saka, ikaw, hindi ka ba nahihiya? Mukhang iba ang pakikitungo ni Claire sa inyo, kumpara sa mga kasamahan mo? Hapon na pero wala pang tip na nakukuha yung iba mo kasama, samantalang ikaw mukhang may pa juice ka pa? Ano sa tingin mo ang nararamdaman ng ibang kasamahan mo?" ang sumbat sa kanya ni Nikita at tinablan siya sa sinabi nito. Alam niya na, hindi nga naging pantay ang pakikitungo ni Claire sa kanila.
Hindi na siya nakasagot at nanatili na lang na nakatikom ang kanyang bibig. At itinuon niya ang kanyang mga mata sa may bintana at tinanaw ang kanilang nadaraanan, hanggang sa bumagal ang takbo ng sasakyan ni Nikita at inihinto nito sa tapat ng isang malaking drugstore.
"Ano yung bibilhin na gamot? Para kay tatay Jose?" ang tanong nito sa kanya habang kinuha nito ang bag sa may sahig ng backseat.
Naghalukipkip siya ng kanyang mga braso, at mas tumikom ang kanyang mga labi, ayaw niyang mamalimos ng tulong, lalo na sa babaeng mukhang hobby na ang mang blackmail ng tao para makuha ang gusto nito, ang sabi niya sa kanyang sarili.
"Antonio" ang muling pagtawag nito sa kanyang pangalan at tiningnan siya nito at nag taas pa ng dalawang kilay sa kanya.
"Hindi ako tumatanggap ng limos" ang mariin na sagot niya kay Nikita, na napairap at napabuntong-hininga sa kanya at inis na ngumuso ito sa kanya.
"Alimbuyugin, para sabihin ko sa iyo, hindi limos ang ibinibigay ko sa iyo, saka yung ipambibili mo ng gamot ay yung bayad ko kanina sa carwash baka sabihin ng girlfriend mo ay estapadora ako, sa iyo ko na ibabayad ng diretso yung serbisyo mo kanina" ang sagot nito sa kanya at inilahad nito ang kamay sa kanya at hinihintay na iabot niya ang reseta ng gamot ng kanyang tatay.
Isang malalim na hininga ang pinakawalan niya bago siya nagsalita, "sasama ako sa loob" ang sagot niya. Saka niya binuksan ang pinto ng passenger door at itinulak para buksan iyun, kasunod naman niya na lumabas si Nikita. Sabay silang pumasok ng drugstore at may karamihan ang tao sa loob.
"Akin na yung reseta ako na ang pipila sa counter, may kailangan ka pa ba na bilhin?" ang tanong nito sa kanya.
Iniabot niya ang reseta ng gamot kay Nikita at umiling siya, "ah yung vitamins pa pala ni nanay at tatay, hindi nakalista diyan" ang mabilis na dugong niya.
"Sabihin mo na lang kung anong vitamins at bibilhin ko na, or magtingin ka sa mga nakadisplay na vitamins diyan tapos isabay mo na lang sa akin doon, mahaba pa naman ang pila" ang sabi ni Nikita sa kanya, at mabilis naman siyang tumangu-tango at naglakad na siya palapit sa mga eskaparate ng mga vitamins na nakasabit sa isang bilog na sabitan. Nakita niya ang ilan sa mga vitamins na kailangan ng kanyang tatay at nanay pero mayroon pang kulang, at mukhang sa counter iyun mabibili. Napasulyap siya kay Nikita at nakita niya na may kumakausap dito na katabi nito na naghihintay rin sa harapan ng counter. Kumunot ang noo niya, at muli niyang naramdaman ang naramdaman niya kanina habang kausap ni Nikita si Lino.
Oo hindi totoo na hindi niya sinasadya na pahagingan ang dalawa ng tubig habang nakaupo ang dalawa kanina at naghihintay. Para bang gusto niya talagang patamaan ng tubig ang nakangiting mukha ni Lino, habang bumabangka sa pagkukwento kay Nikita na tawa naman ng tawa. Kung alam niya lang na napaka corny naman ng mga jokes ni Lino. Hindi niya alam kung sadyang mababaw ang sense of humor ni Nikita o napipilitan lang siguro na tumawa ito.
Kunot noo pa na pinagmasdan ni Antonio ang lalaki na nakatayo sa tabi ni Nikita mukhang gusto talaga nitong makipag kwentuhan dahil sa umiwas na ng tingin at humakbang na palayo si Nikita ay sumunod pa rin ito.
"Loko ito ah" ang bulong ni Antonio at naglakad na siya papalapit kay Nikita at tumayo siya sa tabi nito at tiningnan niya ang lalaki na mukhang nahiya ng makita siya at matipid na ngumiti sa kanya at humakbang na palayo kay Nikita.
"Ano? May nakuha ka?" ang tanong sa kanya ni Nikita at tiningnan nito ang mga packets na hawak niya sa kanyang kamay.
"Ah kulang pa, wala pang b-complex na vitamins nila, sa counter siguro nabibili" ang sagot niya kay Nikita. At muli niyang sinulyapan ang lalaking kumakausap kanina kay Nikita na nahuli niyang pinagmamasdan pa rin si Nikita kaya kinunutan niya ito noo. At muling umiwas ito ng tingin sa kanya.
"Sige na akin na yan" ang sabi nito sa kanya at muling nagkahawak ang kanilang mga kamay ng kunin ni Nikita ang mga pakete ng vitamins sa kanyang palad. Mabilis na umiwas ng tingin sa kanya si Nikita at humakbang ito palapit sa counter nang may customer nang umalis at nakipagusap na ito sa pharmacist. Muli niyang sinulyapan ng tingin ang lalaki, pero, lumayo na ito sa kanila.
Muling sumagi sa isip niya ang sinabi ni Nikita patungkol sa trabaho niya sa carwash. Ayaw niya sana na gumawa ng hindi pagkakaunawaan sa kanyang katrabaho. Ayaw niyang isipin at makita ng mga ito na may special treatment, kahit pa iyun ang totoo. Hindi lang kasi umaasa ang mga ito sa sweldo, kundi sa tip na rin na ibinibigay ng mga nagpapalinis ng sasakyan, at mula ng dumating siya ay, sa kanya na lahat ibinigay ni Claire ang lahat ng dumating na customer at nawalan ng tip ang iba niyang kasamahan.
Napabuntong-hininga siya, kailangan na talaga niyang makahanap ng ibang trabaho, ang sabi ng isipan niya. Pero, ayaw naman niya ng inaalok na trabaho ni Nikita. Ayaw niyang magmodelo kahit na damit o panloob pa iyan, basta ayaw niyang magmodelo tapos, ang pagmamatigas ng kalooban niya.
Maya-maya pa ay humakbang na papalapit sa kanya si Nikita at isang malaking bag ang iniabot nito sa kanya. Kunot noo niya itong tinanggap at sinilip niya ang laman ng loob nito at nakita niya ang dalawang malaking lata ng gatas na pang matanda at alam niyang mamahalin ang gatas na iyun dahil sa nagtanong na siya noon ng presyo nito at naroon din ito nakasulat sa reseta.
"Bakit binili mo pa yung gatas?" ang nahihiya na tanong niya kay Nikita. Ang sabi lang kasi ni Nikita, halaga lang ng serbisyo niya kanina sa car wash ang gamot na bibilhin nito, pero mukhang ilang libo ang presyo ng binili nito. Nanatiling tahimik ito at naglakad palabas ng drugstore habang nakasunod siya. Pinagmasdan niya si Nikita na kinuha nito ang susi ng sasakyan nito at itinapat ang car lock remote nito at isang beep na tunog ang narinig bago nito hinila ang pinto ng driver.
Agad naman siyang sumunod at naglakad palapit sa kabilang side ng sasakyan sa passenger side at binuksan din niya iyun at sumakay na rin siya. Pinaandar na ni Nikita ang sasakyan nito, saka siya muling nagtanong.
"Bakit binili mo pa yung gatas?" ang muling tanong niya kay Nikita na sumulyap sa kanya bago ito nagsalita.
"Hindi ba sabi mo yung nasa reseta?"ang patay malisya na sagot nito sa kanya.
"Oo nga pero" napabuntong-hiniga siya, "mahal yung gatas, diba usapan natin kung magkano lang yung bayad mo sa paglilinis ko sa sasakyan mo? Eh nasa dalawang daan lang ang kita ko ngayon, labis-labis na ito"ang giit niya.
"Nakasale yung gatas wag kang mag-alala, buy one take one kaya bumili na rin ako, okey? wag mong masamain" ang mariin na sagot ni Nikita sa kanya. Hindi na siya sumagot at nanatili na siyang tahimik, hanggang sa marating nila ang kanilang bahay at inihinto ni Nikita ang sasakyan nito sa gilid ng kalsada sa harapan ng kanilang bahay.
"Pakikamusta mo na lang ako kina nanay at tatay, kailangan ko na kasi bumalik sa shop at may mga kliyente ako" ang bilin ni Nikita sa kanya.
Tumangu-tango siya at nagpasalamat saka siya lumabas ng sasakyan nito at isinara niya ang pinto. Pero bago pa umalis ang sasakyan ni Nikita ay kinatok niya ang bintana ng passenger door at hinintay niyang bumaba iyun.
"Yes?" ang tanong ni Nikita sa kanya at ang mga mata nito sa likod ng salamin sa mata ay diretso na nakatingin sa kanya at napako ang kanilang mga mata. At muling bumilis ang pintig ng puso niya at napalunok siya. Kailangan na niyang gawin iyun, ang sabi niya sa sarili.
"Nikita, hindi ko tatanggapin ang alok mo na trabaho, alam ko na, sabi mo nga na kailangan mo talaga ako pero, ayoko talaga tanggapin ang ganuon na trabaho, at saka huwag mo na sana ako puntahan pa, lalo na sa carwash, respeto naman sa girlfriend ko, kung pwede lang, ayaw ko na magkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ng dahil sa iyo" ang giit niya kay Nikita na mukha namang naintindihan nito ang sinabi niya.
"Antonio, narinig mo ba ang sinabi ko kanina kay Claire?" ang tanong nito sa kanya, pero hindi siya sumagot, "totoo yun, liligawan kita, hanggang sa mapapayag kita" ang mariin na sabi nito sa kanya saka nito pinaandar ang sasakyan palayo at nakasunod ang mga kulay asul-berde niyang mga mata.
****

"Nanay, tatay! Nandito po si Claire!" ang masayang bati ni Antonio pagkabukas niya ng pinto ng kanilang bahay. Sumama ulit si Claire sa kanya pauwi sa bahay nila. Pangalawang beses na itong ginawa ni Claire at natutuwa siya dahil nag effort si Claire na dalawin ang mga magulang niya.
"Good evening po" ang magalang na bati ni Claire sa kanyang mga magulang pagpasok nito sa loob ng kanilang bahay.
"Uy Claire! Mabuti at dinalaw mo kami ulit!" ang masayang bati ng kanyang nanay sa kanyang nobya. Marahan na idinikit ni Claire ang pisngi nito sa pisngi ng kanyang nanay at binati nito ang kanyang tatay na nakaupo sa pwesto nito sa upuan na kawayan.
"Nay, bumili po kami ng hapunan natin" ang masayang sabi ni Antonio sa kanyang nanay. At inilapag niya sa ibabaw ng lamesa ang binili nilang lechon na manok.
"Sige anak, maghahain na ako, tabihan mo na si Claire" ang sabi ng kanyang nanay sa kanya.
"Tulungan na kita nanay, Claire maupo ka na" ang sabi niya kay Claire na dahan-dahan na naupo sa may upuan sa may harapan ng lamesa.
Tumayo naman ang kanyang tatay at dahil sa alam na nito ang buong bahay ay di na nito kailangan na alalayan sa paglalakad. Kinapa na lamang nito ang lamesa at upuan at naupo ito.
"Kamusta ka naman Claire?" ang bati ng kanyang tatay kay Claire at napasulyap siya sa mga ito habang kumukuha siya ng mga plato.
"Mabuti naman po" ang matipid na sagot ni Claire sa kanyang tatay.
"Ganun ba eh ang mga magulang mo kamusta naman?"ang muling tanong ng tatay niya. Hinintay niyang sumagot si Claire, dahil sa nakatalikod siya sa mga ito. Pero hindi pa rin sumagot si Claire kaya lumingon siya at nakita niya na nagse cellphone si Claire. At napasulyap siya sa kanyang tatay na unti-unti na nabura ang malapad na ngiti sa mga labi nito at tumikom na lamang ang mga labi nito ngunit mababakas ang kalungkutan sa mga matipid na ngiti ng kanyang tatay.
Nasaktan siya sa ginawa ni Claire, katabi na nito ang kanyang tatay ngunit hindi man lamang nito nakuhang sagutin ang tanong ng kanyang ama at ang masaklap pa rito, ay ni hindi niya ito tinitingnan dahil na rin siguro, sa alam ni Claire na hindi naman ito nakikita ng kanyang tatay.
Bigla na naman sumingit sa kanyang isipan si Nikita. Kung paanong magiliw na nakipagkwentuhan ito sa mga magulang niya? Kung paanong tingnan ni Nikita ng diretso ang kanyang tatay sa mga mata nito kahit pa alam ni Nikita na bulag ang kanyang tatay, ay hindi nito trinato na isang bulag ang kausap nito.
Napasulyap siya sa pintuan. Halos isang linggo na ang lumipas nang ihatid siya nito sa bahay, noong bumili sila ng gamot at sabihan niya ito na tigilan na siya. Napagod na rin kaya ito sa kanya? Maaari na may nakita na ito na ipapalit sa kanya na magmomodel ng mga gawa nito.
Binitbit niya ang mga plato sa lamesa at ngumiti sa kanya si Claire ng matamis, at isang pilit na ngiti ang isinagot niya rito. Inayos niya ang mga plato sa ibabaw ng lamesa at nilagyan din niya ng mga kubyertos saka siya naupo sa upuan sa tabi ni Claire.
"Hindi ako kakain" ang sabi ni Claire sa kanya at nagtaas ito ng mga kilay sa kanya at siya naman ay kumunot ang noo sa nobya.
"Bakit di ka kakain?" ang takang tanong niya. Noong dinalaw siya nito, tinaggihan rin nito ang inalok na kape ng kanyang nanay, at pinalagpas niya iyun. Pero ngayon, pati ba naman hapunan, tatanggihan nito?
"Ayokong kumain" ang sabi nito sa kanya na hindi man lang bumuka ang bibig nito nang magsalita.
"Pero, hindi ba, usapan natin na dito ka maghahapunan?" ang giit niya kay Claire.
Napabuntong-hininga ito at mukhang nainis na sa kanya, umiling ito at matigas na nagsalita.
"Hindi ako kakain Anton, huwag mo na akong pilitin pwede?" ang sagot nito sa kanya.
Napabuntong-hininga na lang siya at tumango, at nagsandok sa siya ng kanin mula sa bandehado na inihain ng kanyang nanay sa lamesa.
"Oh, bakit si Claire hindi mo hainan ng pagkain niya?" ang tanong ng kanyang nanay ng makita na walang laman ang plato ni Claire.
"Uhm, busog pa po kasi si Claire nay" ang pagtatakip niya sa kanyang nobya.
"Uh ganun ba? Kape gusto mo Claire? Ipagtitim"-
"Hindi na po salamat" ang mabilis na tanggi ni Claire sa alok ng kanyang nanay, at tuluyan na rin siyang nawalan ng gana na kumain. Para kasing naging mabigat ang paligid at nagkaroon na rin ng pagkakailang na pakiramdam sa hapag.
Naging mabigat ang katahimikan sa harapan ng kanilang lamesa habang pilit na lamang nila na kumain, si Claire naman ay nanatili na nakatuon ang mga mata at atensyon nito sa hawak nitong cellphone.
Maya-maya ay bumukas ang pinto ng kanilang bahay at sabay-sabay na natuon ang kanilang mga mata sa pintuan, bumati sa kanila ang masayang mukha ni Arthur, at sa hitsura nito ay kitang-kita ang labis na saya sa mukha ng kapatid.
"Oh, Arthur, halika na at kumain" ang yakag ng kanyang nanay sa batang kapatid.
"Ah, nanay may bisita po ako" ang masayang sagot ni Arthur sa kanila at lahat sila ay hinintay na pumasok ang sinasabing bisita ng kapatid. At nang masilayan na ni Antonio ang bisita na sinasabi ni Arthur ay biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso sa kanyang dibdib.




Custom-Tailored ( Romantic - Suspense) [ Completed] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon