Chapter 15

1.4K 89 179
                                    

“Uh nanay, tatay, magandang umaga po” ang nahihiya niyang bati sa kanyang mga magulang kinaumagahan. Napansin niya ang pagkabalisa sa mukha ng kanyang mga magulang, hindi pa kasi niya nakausap ang mga ito tungkol sa mga nangyari kagabi. Nagpalipas muna siya ng ilang oras sa labas ng kanilang bahay para magpalipas ng mga gumugulo sa kanyang isipan.
Tumango ang kanyang nanay “maupo ka na at ipaghahain kita ng almusal, gumawa ako ng sinangag at maraming sobrang kanin kagabi, ininit ko rin ang ulam na dala ninyo ni Claire” ang sagot ng kanyang nanay, katulad din lang ng pangkaraniwan na mga sinasabi sa kanya iyun, pero, dama niya ang kaibahan, matamlay ang boses ng kanyang nanay at ang tatay naman niya ay tahimik lamang na nakaupo at humihigop ng kape.
“Sige po nanay, salamat po” ang mahinang sagot niya at naupo na siya sa may upuan sa harapan ng lamesa. Tiningnan niya ang kanyang ama, alam niya na hindi siya nakikita nito, ngunit nadarama siya.
“Uhm, tatay, pasensiya na po kayo sa mga nangyari kagabi, sa inasal ko po at sa inasal ni Claire, kakausapin ko po siya mamaya” ang mahinang sabi niya sa kanyang tatay at kahit pa alam niya na hindi siya nakikita nito, ay di pa rin siya makatingin ng diretso sa mga mata ng ama.
“Balewala sa amin ang nangyari Antonio, naintindihan na namin ng nanay mo ang  mga nangyari, hindi ka sa amin na dapat na manghingi ng paumanhin kundi sa kapatid mo at kay Nikita” ang mariin na sabi ng kanyang ama sa kanya.
Tumangu-tango siya at napabuntong-hininga, “alam ko po tatay, iyun po ang gagawin ko” ang sagot niya sa kanyang tatay.
Inilapag naman ng kanyang nanay ang plato sa kanyang harapan na naglalaman ng kanyang almusal na sinangag at manok na ininit ng kanyang nanay sa kawali. Saka ito tumalikod na muli para kunin ang kanyang kape na nakapatong sa tiled kitchen counter, na may kalumaan na rin.
“Hindi ka namin pinalaki na bastos ang bibig at magaspang ang pag-uugali Antonio, kaya hindi ko matanggap ang ginawa mo kagabi, iyan ba ang nakuha mo sa halos tatlong buwan na relasyon ninyo ni Claire?” ang diretsahan na sumbat ng kanyang nanay sa kanya.
Muli itong humarap at ipinatong ang mug ng kape sa ibabaw ng mesa sa kanyang harapan at napayuko siya sa kahihiyan sa sinabi ng kanyang ina.
“Nanay, pagpasensiyahan na po ninyo si Claire, hindi naman po talaga ganun ang ugali niyun, malamang ay nagselos lang si Claire sa atensyon na ibinigay ninyo kay Nikita”-
“Kami ba ang may problema Antonio?” ang putol na tanong ng kanyang nanay sa kanyang sinasabi.
Napabuntong-hininga siya at napailing, “hindi po nanay, ang ibig ko lang sabihin, nag selos lang si Claire dahil, kinuha ni Nikita ang atensyon ninyo” ang paliwanag niya sa kanyang ina, kahit pa baluktot ay pilit niyang pinagtatakpan ang kanyang nobya.
“Anak, hindi kasalanan ni Nikita kung siya ang kau-kausap namin kagabi, si Claire ang ayaw na makihalubilo sa amin, ramdam ko iyun, noong una pa lang pero, pilit ko na kinukuha ang loob ni Claire, kaysa si Claire ang kumuha ng loob namin” ang giit ng kanyang nanay sa kanya at masakit man ay tinanggap niya iyun dahil iyun ang katotohanan.
“Si Nikita, siya ang nakibagay sa amin, at magaan siyang kausap, kaibigan na rin siya ng kapatid mo, pero kung para sa ikatatahimik ng relasyon ninyo ni Claire, hindi na namin tatanggapin si Nikita rito sa bahay para di kayo magkasira ng nobya mo” ang mariin na sabi ng kanyang nanay at ang tatay naman niya ay nanatili na nakikinig at tahimik lamang.
“Hindi naman po sa ganun nay” ang mahinang sagot niya habang nakatungo.
“Ganun na rin iyun, para sa ikatatahimik ng lahat at ng bahay na ito” ang sagot ng kanyang nanay sa kanya. Hindi na siya sumagot at nanatili na tikom ang kanyang bibig.
“Ano rin ba yung sinabi mo tungkol sa inaalok na trabaho ni Nikita sa iyo? At kinukulit ka? Bakit ka niya aalukin ng trabaho?” ang usisa ng kanyang nanay sa kanya. Hindi na siya makapagsisinungaling pa at narinig na ng kanyang nanay at tatay ang lahat kagabi.
“Uhm, nanay, kasi, nagsara na po yung pinagtatrabahuan ko na law firm” ang mahinang sagot niya at nakita niya ang gulat at pag-aalala sa mga mata ng kanyang nanay at nakita niya na nagitla ang kanyang tatay. Dahan-dahan na naupo ang nanay niya sa silya, na para bang naupos na kandila.
“Ganun ba? Bakit? Bakit di ka nagsabi sa amin?” ang mahinang tanong ng kanyang ina.
Umiling siya, “ayoko po kasi na mag-alala pa kayo sa mga ganitong bagay, at saka nagtatrabaho na po ako kina Claire sa car wash niya, hanggang sa wala pa akong makita na trabaho nanay at saka, nakuha ko na rin pala yung, separation pay ko nanay pwede na po tayo magsimula ng tindahan o kaya, yung dating balak ninyo? yung magtinda ng lutong ulam sa harap ng bahay? Mamili po tayo ng mga kakailanganin ninyo sa Linggo, samahan ko po kayo" ang excited na sabi niya sa kanyang nanay.
"Maganda po yung may mapaglilibangan kayo rito at ako naman ay magtatrabaho pa rin” ang masayang sabi niya sa kanyang nanay na nagliwanag ang mukha ng marinig ang sinabi niya. Matagal na rin kasing gusto nito na magtinda, para makatulong sa kanya. Kaso kulang ang pangpuhunan nila kaya ngayon ay matutupad na niya ito.
“Magandang balita iyan, may pagkakaabalahan na ako rito sa bahay at kumikita pa tayo” ang masayang sagot ng nanay niya sa kanya.
“Opo, alis po tayo sa Linggo para makapamili” ang masayang sabi niya sa kanyang nanay at napasulyap siya sa kanyang tatay na may ngiti na sa mga labi nito.
*****

“Oh nakausap mo na ba yung Nikita na yun at sinabihan na huwag ka ng kulitin?” ang tanong sa kanya ni Claire habang nakahalukipkip ang mga braso nito at nakataas ang isang kilay sa kanya, nang tanungin siya nito pagkarating niya sa car wash.
“Kinausap ko na siya kagabi Claire hindi na siya mangungulit okey?” ang napapagod na niyang sagot kay Claire. Alam niya na totoo ang sinabi ng kanyang nanay pero, pilit niyang, pinapalagpas iyun para lang hindi lang sila magkaproblema ni Claire.
Hinubad na niya ang suot niyang t-shirt para magpalit ng sando, nang lapitan siya ni Claire at hinimas ang kanyang dibdib.
“Mahal mo talaga ako at ginawa mo iyun para sa akin?” ang malambing na tanong ni Claire sa kanya.
Tiningnan niya sa mga mata si Claire at pilit niya na ngumiti, tumingkayad si Claire para hagkan ang kanyang mga labi nang lumabas mula sa pinto ng bahay ang batang kapatid nito, na si Neil at ngumisi ito sa kanya.
“Huh, may bago pala tayong boy?” ang mapang-insulto na sabi ni Neil pa tungkol sa kanya at tumikom ang kanyang mga labi.
“Hoy! Yung kotse ko linisan mo!” ang utos nito sa kanya habang nakatayo ito sa may labas ng pintuan.
“Neil! Pwede ba!” ang saway ni Claire sa kapatid, bahagyang pumihit ang katawan nito para harapin ang kapatid na nakangisi lang sa kanya.
“Ha ha ha” ang malakas na tawa nito, “bakit ate? Kina Lino nga nagpapalinis ako ng sasakyan ko, babayaran ko yang jowa slash boy mo” ang sagot nito na tumatawa.
“Neil, pwede ba umalis ka nga! Pumasok ka na!” ang galit na sagot ni Claire sa kapatid at ngumisi lang muli sa kanya si Neil, tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa, tila ba minamaliit ang kanyang pagkatao.
Napayuko na lang siya at tumikom ang kanyang mga labi, at narinig pa niya ang malakas na tawa ni Neil bago ito umalis para sumakay sa sasakyan nito.
“Tara, doon muna tayo sa loob, nag breakfast ka na ba?” ang malambing na tanong nito sa kanya.
“Uhm, Claire aalis na muna ako” ang mabilis na sabi niya kay Claire at humakbang siya papalayo rito, at nakita niya ang gulat na mukha ng nobya. Magkasalubong ang mga kilay nito at nakabuka ang bibig, marahil sa pagtataka nito sa kanyang biglaan na pag-alis.
“Wait, saan ka pupunta?” ang takang tanong nito sa kanya habang nakasunod sa kanyang likuran at siya naman ay muling isinuot ang hinubad na puting t-shirt. Inilusot niya ito sa kanyang ulo at ang sleeves sa kanyang mga kamay at braso saka niya hinila ang laylayan pababa.
Dinampot niya ang kanyang backpack, at lumingon siya kay Claire na nanatili na nakatayo sa kanyang likuran at naghihintay ng kanyang sagot.
“Uh may pupuntahan lang ako, mag-iikot lang muna” ang sagot niya.
“Anong mag-iikot?” ang nalilito na tanong ni Claire at lalong kumunot ang noo nito sa kanya.
“Maghahanap ako ng mga job openings, baka mayron lang dito sa malapit” ang walang buhay niyang sagot sa tanong ni Claire.
“Huh? Pero, bakit?” ang tanong nito at humakbang si Claire papalapit sa kanya at hinawakan ang kanyang kanan na balikat. Hinila siya nito para humarap siya sa kanyang nobya na nagtatanong ang mga mata sa kanya.
“Bakit ka pa maghahanap ng trabaho? Hindi ka ba masaya magtrabaho rito sa akin? Magkasama na tayo? May tip ka pa at sahod araw-araw?” ang tanong ni Claire sa kanya.
Napabuntong-hininga siya, “mabuti na yung magtrabaho ako sa iba Claire” ang sagot niya.
“Gusto mo bang taasan ko ang sahod mo? Gagawin ko” ang mariin na sabi nito at mabilis ang kanyang pag-iling. Naalala tuloy niya ang sinabi ni Nikita sa kanya noon. Ang pagkakaroon ng special treatment ni Claire sa kanilang mga nagtatrabaho rito.
“Hindi iyun Claire, saka, hindi ba sabi ko sa iyo na huwag mo akong bigyan ng special treatment? Gusto ko pantay-pantay kaming lahat ng nagtatrabaho rito sa iyo?” ang pagpapaalala niya kay Claire.
Napangibit si Claire sa kanyang sinabi at naghalukipkip ito ng mga braso sa dibdib nito.
“Kahit anong gawin mo Antonio, hindi maiaalis na nobyo kita and I’ll treat you the way I want to treat my boyfriend” ang pagmamatigas na sagot ni Claire sa kanya, “please Anton, kalimutan mo na itong kalokohan na paghahanap ng iba pang trabaho” ang pakiusap ni Claire sa kanya.
Mahigpit na pumikit ang kanyang mga mata at napakamot ang kanyang kaliwang kamay sa kanyang noo saka siya nagbuntong hininga.
“Claire, hayaan mo muna ako na lumabas sandali, babalik din ako” ang pakiusap niya rito saka niya dinampot ang kanyang bag at inilagay sa kanyang saka siya mabilis na lumabas ng carwash.
“Anton!” ang narinig niyang malakas na sigaw ni Claire sa kanyang pangalan, pero, nagpatuloy lang siya sa kanyang paglalakad papalayo. Isinuksok niya ang kanyang mga kamay sa loob ng harapan na bulsa ng kanyang maong na pantalon.
Biglang sumagi sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Neil sa kanya. Siya ay isang boy ng pamilya nito. Tumikom ng mahigpit ang mga labi niya. Gumuhit ang kirot sa kanyang dibdib. Masakit para sa kanya ang mga narinig na salita mula sa bibig ng kapatid ng nobya. Labis ang liit ng tingin nito sa kanya. Pero ang mas masakit ay ang ginawa ni Claire. Ay, hindi ang HINDI ginawa ni Claire.
Kagabi, nang sabihin nito sa kanya ang mga tungkol sa ginawa ni Nikita at ng mga magulang niya rito ay agad niyang pinagsalitaan ng masama si Nikita. Kahit pa, nagdulot ito ng di pagkakaunawaan sa pagitan nilang magkapatid at kanyang mga magulang. Kanina, ni hindi man lang nagawa ni Claire na pagsabihan ang kapatid nito, oo pinaalis niya, ngunit, hindi man lang siya nakarinig na pagsabihan nito ang kapatid patungkol sa masamang turan ng kapatid nito sa kanya.
Napabuntong-hininga siya at nagpatuloy siya sa kanyang paglalakad, ni hindi niya alam kung saan siya patungo, hinayaan niyang magkaroon ng sariling isip ang kanyang mga paa at dalhin siya nito sa kung saan. Ni hindi na nga sumagi sa isip niya na magtingin ng mga nakapaskil na mga job for hire. Nagpatuloy na lang ang kanyang mga paa, sa kung saan siya nito dadalhin. Ilang minuto na rin ang lumipas sa kanyang paglalakad, hanggang sa kalayuan ay napagtanto niya kung saan siya dinala ng kanyang mga pagyapak.
Mula sa kalayuan ay nakita niya ang kulay itim na lettering ng pangalan ng negosyo nito, na malaking nakasulat sa salamin na bintana. At habang papalapit siya ay natatanaw na niya ang mga display ng mga panloob ng babae na nakasuot sa mga manekin.
Naglakad siya papalapit hanggang sa maabot na niya ang harapan ng shop ni Nikita. Tumayo muna siya sa may harapan ng salamin na bintana at pinag-aralan niya ang mga disenyo ng mga panloob na suot ng manekin. Kumunot ang noo niya, magaganda ang mga disenyo ng bra at panty na suot ng manekin, pero, parang may kakaiba at hindi niya iyun mawari.
Matagal pa siyang tumayo sa harapan at tinitigan niya ng husto ang nakadisplay at nang hindi pa rin niya masabi ang kakaiba sa kanyang tinitingnan ay muli niyang binasa ang pangalan ng Brand ni Nikita.
“Bewitched, Custom-Tailored” ang mahinang pagbabasa niya sa mga salita na nakasulat sa salamin na sign sa itaas ng bintana.
Muli niyang tiningnan ang mga nakadisplay at doon niya napagtanto ang ibig sabihin. Ang mga manekin ay hindi pareho ang mga size. May manekin na malaki ang dibdib pero maliit ang pwetan. Mayron naman maliit ang dibdib, pero malaki ang balakang at ang pwet. At mayron din para sa malalaking size ng babae. Hmm, ang mga size ng gawa ni Nikita ay realistic. Dahil sa hindi naman lahat ng katawan ng babae o lalaki ay proportion. At mukhang, pwedeng magpasadya ng gawa rito kumporme sa sukat ng iyong katawan.
Hindi niya napigilan ang ngumiti, napaka galing ng naisip ni Nikita, siya pa lang yata ang may ganun na negosyo sa Pilipinas pagdating sa mga panloob na isinusuot ng mga babae at lalaki, ang sabi niya ng kanyang isipan na labis na humanga kay Nikita.
Naalala na naman niya ang mga sinabi niya kagabi kay Nikita, gusto niya itong makausap, hindi man niya tatanggapin ang trabaho nito, pero, hihingi siya ng paumanhin at dispensa kay Nikita.
Naglakad na siya patungo sa pamilyar na pintuan, at naalala niya ang gabing tinulungan niya ito. Nagreport kaya ito sa pulis? Ang biglang tanong ng kanyang isipan.
Itinulak niya ang pinto at sumalubong sa kanya ang mabangong hangin mula sa loob. Tila ba may natapon na pabango sa loob ng shop, bahagyang nanlaki ang butas ng kanyang ilong nang masamyo niya ang mabangong amoy.
“Good morning sir, how may I help you? Do you need some lingerie for your special lady?” ang tanong ng isang magandang babae? Ang takang tanong niya sa sarili. Hindi kasi siya sigurado.
Umiling siya at nagpalinga-linga ang kanyang ulo sa loob ng shop. Ngayon lang niya ito napagmasdan ng husto.
“Uhm, gusto ko sana na makausap si Nikita?” ang tanong niya sa babaeng lumapit sa kanya.
“Ah, si ma’am Nikita po?” ang gulat na tanong nito sa kanya at nabasa niya sa mukha nito, na interisado ito sa kanya, marahil sa kadahilanan na kung bakit niya hinahanap ang ma’am nito na si Nikita, ang sabi ng isipan niya.
“Uhm, oo, narito ba siya?” ang umaasa na tanong niya.
Ngumuso at bumagsak ang mga balikat nito, “ay sir, wala pa po si ma’am Nikita, nagpasabi po ito na mamaya pa po ito makakapunta rito sa shop” ang malungkot na sabi nito sa kanya.
“Uh, ganun ba?” ang tanging naisagot niya at nakaramdam siya ng panandalian na kabiguan sa kanyang dibdib. Huh, ano bang dapat niyang asahan? Sa estado ng buhay ni Nikita, normal lamang na maging abala ito. Kaya nga, nang maisip na naman niya ang ginawa nito kahapon, ang pagbibigay nito ng oras para tanggapin ang pag-anyaya ng kanyang kapatid ay nagpakirot ng kanyang puso. Pero, pagkatapos kaya ng ginawa niya rito, kakausapin pa kaya siya ni Nikita? Malamang hindi na. Malamang hindi nito tanggapin ang kanyang sorry, at paghingi niya ng tawad, at kung ganun man ay maintindihan niya ito. Kasalanan naman niya.
“Ano pong pangalan nyo sir? Para po kapag tumawag siya mamaya sa akin ay mabanggit ko po ang pangalan ninyo?” ang tanong nito sa kanya.
“Uh ako si Antonio, Antonio Alimbuyugin” ang pagpapakilala niya.
“Ako naman po si Ginger, sige sir Antonio kapag tumawag po si ma’am o pagdating po niya babanggitin ko po ang pangalan ninyo na mahirap banggitin” ang pabirong sabi sa kanya nito na may kasamang ngiti.
Hindi rin niya napigilan ang ngumiti “salamat” ang matipid na sagot niya at nang papaalis na siya ay may umagaw ng kanyang paningin, at natuon ang kanyang mga mata rito. At hindi niya namalayan na unti-unti na siyang humakbang  papalapit rito habang nakapako ang kanyang mga mata sa isang malaking frame na nakasabit sa may dingding ng shop. Hindi niya iyun napansin noong gabi na narito siya sa loob ng shop at nakaupo sila sa may sofa. Marahil ay dahil sa ang atensyon niya ay nasa babaeng nagbebenda ng kanyang sugat sa palad. At ang mga pekas nito sa mukha na gusto niyang…
Nilinaw niya ang kanyang lalamunan at pilit na binura ang mga nasa isipan niya, at muli niyang tinitigan ang litrato sa likod ng salamin ng frame. Litrato iyun ng isang lalaking model na nakasuot ng isang underwear. Maganda ang pagkakakuha ng lalaki, hindi iyun malaswa, bagkus ay napakaseksi ng dating nito at galing ito sa kanya na isang lalaki rin. Kaya niya rin ang pose nito, kung tutuusin ang sabi ni Antonio sa sarili. Nakaupo ito sa kama at bahagyang nakabuka ang mga hita at nakaliyad ang pang itaas na katawan. Ganito ba ang gusto ni Nikita na trabaho para sa kanya? Ang tanong ng isipan niya.
Bahagya siyang umiling para mabura ang nasa isip niya, bakit ba noong una ay malaki ang pagtanggi niya sa trabaho na ito. Pero ngayon na nakita na niya ang litrato, bakit niya nasabi na kaya niya rin ang pagpose ng lalaki? Hindi, hindi niya ito tatanggapin ang sabi niya sa sarili. At saka siya nagpasalamat na muli sa babae na bantay ng shop at saka siya lumabas ng pintuan na baon pa rin sa kanyang isipan ang litrato ng lalaki.









Custom-Tailored ( Romantic - Suspense) [ Completed] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon