ABC (30) – "Hindi naman siya masasaktan."
Pinilit kong ibinangon ang sarili ko kinabukasan. Kahit parang nanlalata pa rin ako dahil kulang ang tulog ko. Kahit hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari. Bumangon pa rin ako.
“Ang tahimik mo ata ngayon, Sesha?” ibinaba ni Papa ang binabasa niyang diyaryo at tinignan ako.
Sabay kaming kumakain ng almusal dahil may pasok din siya tuwing umaga sa kanyang trabaho.
“Wala po.” Ngumiti ako sa kanya upang hindi na sila mag-alala pa.
“Ano ‘yun?” tanong naman ni Mama habang nilalapag ang niluto niyang hotdog at itlog sa hapagkainan. Tinanggal niya ang suot niyang apron at saka umupo na rin sa upuang nasa tapat ko.
Tumingin ako sa ulam na nilapag niya at nag-isip ng magandang palusot.
“Assignment lang po.” Matipid kong sagot.
Sandaling nanahimik ang paligid matapos kong sabihin iyon.
Umubo si Papa bago nagsalita.
“Kamusta ‘yung dinner niyo sa bahay nila Hunter?”
Natigilan ako sa sinabi ni Papa kaya nabitawan ko ang hawak kong tinidor. Kinabahan akong bigla sa kanyang sinabi. Ano bang nangyayari sa'yo, Sesha?
Pinulot ko sa sahig ang nahulog na tinidor at huminga ng malalim.
“Ahm. Mababait naman po sila. Binigyan po ako ni Tita Selena ng pasalubong.” Hindi ako makatingin sa mga mata nila habang sumasagot.
“Si Hunter? Walang sinabi sa’yo si Hunter?” mausisang tanong ni Mama.
Lumunok ako bago sagutin ang kanyang tanong.
“W-wala naman po.” Shit. Bakit ba ako nagsisinungaling kayla Mama?
Dahil nahihiya ako. Nahihiya ako na ang pinoproblema ko ay problemang pag-ibig at hindi tungkol sa pag-aaral na inaasahan nila.
Hindi ako masyadong close kay mama at papa, o kahit kay Kuya Shin. Hindi dahil may family problem kami o anuman. Typical na maayos na pamilya ang mayroon ako. Ewan ko, hindi naman ako iyong expressive na tao pagdating sa kanila. Dahil nahihiya ako, nahihiya akong yakapin sila, halikan sila o kahit magsabi man lang ng I love you. Nahihiya akong humingi ng payo sa mga problema ko, dahil baka sabihin nila ay napakababaw ko. Lalo na’t tungkol sa pag-ibig? Baka tadyakan ako ni Mama.
Lagi nilang binibilin na mag-aral ng mabuti, pagsikapin ko ang pag-aaral para balang araw ay may ipagmamalaki ko ang sarili ko. Kahit kailan, hindi nila ako tinanong kung sino ang crush ko, kung nagkacrush nga ba ako o may nagugustuhan na ba ko. Kaya’t inisip ko na lang rin na ayaw nga nila akong magkaroon ng mga ganun.
Narinig ko ang pagbuntong hininga nila bago magsalita.
“Kumain na tayo.” Sabi naman ni Papa kaya nagsimula na rin kaming kumain.
~~
Mabagal ang bawat hakbang ko papuntang classroom. Ewan ko, bigla na lang akong nanghina nang tumapak ako sa gate ng eskwelahan, parang may hindi magandang mangyayari.
Bawat hakbang ay pabigat ng pabigat, lalo na pag naiisip ko kung paano ko sasabihin kay Chaser ang nangyari.
Ahm. Chaser! Tang-ina, tinanong ako ni Hunter kagabi kung pwede ba niya akong ligawan! Hahahaha! Astig no!
Chaser. Tinanong ako ni Hunter kung pwede ba niya akong ligawan. Wala akong sinagot pero dahil natalo ako sa pustahan namin ay akala niya ata ay pumayag na ako. Hindi ko naman ‘yun ginusto. Pero wala akong nagawa, hindi ko siya kayang saktan lalo na’t kababalik lang niya. Hindi ko siya kayang saktan lalo na’t importante siya sa akin. Hindi ko kayang makita siyang nasasaktan. Pero ayoko. Ayoko dahil ikaw ang gusto ko.

YOU ARE READING
A Best friend's Chase (Completed)
Teen Fiction(Crazy Friendship Series #1) Kailan nga ba nananatiling kaibigan lang ang isang kaibigan? Hanggang kailan nga ba dapat habulin ang isang taong ayaw magpahabol? "Tao lang naman ako, hindi machine." Nanginginig ang kanyang boses. Malungkot ito at m...