ABC (31) - "Tatanggapin na lang."

1.6K 42 3
                                    

ABC (31) - "Tatanggapin na lang."


"O? Ba't ganyan ba kayo makatingin sa akin?" Tanong ko sa kanila habang ineenjoy ko ang pagkain ng chocolates na nilibre nila sa akin.

Nandito kami ng buong barkada ngayon sa ilalim ng puno sa may tabi ng gym. Sobrang layo nito sa mga buildings ng school at kakaunti lang ang mga estudyanteng tumatambay dito.

Hindi ko na tinanong kung bakit dito nila napiling tumambay at kumain ngayong lunch. Gusto ko rin muna dito, ang malayo sa tao, malayo sa tsansang makasalubong siya.

Lahat sila ay tumitingin sa akin ng may simpatya sa kanilang mga mukha. Na para bang nakakaawa ako. Ingat na ingat sila sa bawat kilos nila na para bang anytime ay mababasag o sasabog ako.

"Say something." Wika naman ni Jerome.

Pinilit kong tumawa sinabi niya. "'Di pa ba ako nagsasalita ngayon? Hahahaha!" Pagbibiro ko ngunit ako lang ang natawa dito. Lahat sila ay seryosong nakatingin lamang sa akin.

Huminga ng malalim si Ayuii at hinawakan ang kamay ko. "Sesha. Sumigaw ka, mainis ka, manapak ka, umiyak ka. Kahit ano, basta't 'wag ka lang tatakbo. 'Wag mong tatakbuhan ito. Wag mo kaming takbuhan." Pagmamakaawa niya.

Kanina ko pa gustong tumakbo. Kanina ko pa gustong takasan ang lahat ng ito at 'wag nang bumalik pa. Pero saan ako tatakbo? Kung ang nag-iisang taong gusto kong puntahan ay siya pang nanakit sa akin.

"A-ano bang pinagsasasabi mo, Ayuii? Hahaha! Di kita maintindihan." Pagkukunwari ko.

"Andito kami, Sesha. Handa kaming makinig sa'yo. Kahit gaano katagal, kahit gaano kahaba, kahit gaano kasakit, handa kaming makinig. Kaibigan mo kami e. Hindi namin hahayaang masaktan ka nang mag-isa. Kaya sabihin mo na sa amin, kung gaano kasakit at bakit masakit." Mahabang sermon ni Ayuii sa akin.

Tumingin ako sa kanilang lahat. Lahat sila ay nakatingin lamang sa akin. Nag-aabang sa bawat hakbang na gagawin ko. Oo nga naman. Bakit ko sosolohin ang problema kung nandito naman sila? Kung handa naman silang tulungan ako?

Huminga ako ng malalim. At saka nagsalita. "Pwede bang humiga muna tayo? Dito sa damuhan?" Tanong ko sa kanila sabay turo sa damuhang kinauupuan ngayon na nasisilungan ng malaking puno.

"Sesha.." Aapela pa sana si Yuni pero pinutol ko siya.

"Sige na. Kahit ngayon lang. Feel ko humiga e." Pilit na ngiti ko sa kanila kahit nanghihina ako.

Nagkatinginan silang lahat at sinunod rin naman ang gusto ko. Magkakahilera kaming nakahiga dito sa damuhan.

Naramdaman kong nakatingin lang sila sa akin, nag-aabang sa bawat sasabihin ko. "'Pwede bang huwag kayong tumingin sa akin? Tumingin lang kayo sa mga ulap." Pakiusap ko naman sa kanila. "Ayokong nakikita niyo akong umiiyak." Mahinang dugtong ko.

Narinig ko ang buntong hininga ni Lyme at Ayuii na nasa magkabilang gilid ko. Sinunod din naman nila ang request ko.

"Noong bata ako, akala ko wala nang mas nakakabaliw pa sa panunuod ng mga paborito kong cartoon. Wala na kong  magugustuhan nang higit pa sa mga candy. Wala nang mas hihirap pa sa multiplication table. At wala nang mas sasakit pa sa injection ng nurse." Napangiti ako sa ideya kung gaano lang kasimple para sa akin ang buhay noon. Simpleng saya, simpleng lungkot. Ang sarap talaga bumalik sa pagkabata.

"Pero bakit ganun? Bakit habang patanda ka nang patanda ay pabigat nang pabigat ang mga problema mo? Pahirap nang pahirap? Pasakit nang pasakit? Hindi ba pwedeng sa umpisa ay mahirap na agad para sa dulo ay masaya ka na? Para hindi ka na gaano mahihirapan? Para hindi na ganito kasakit?"

"Akala ko ngayong fourth year na tayo, ang proproblemahin ko lang ay ang Physics at Trigo. Mahirap na nga 'yun e. Pero ba't sinama pa ni Lord itong puso ko? Bakit nagdagdag pa siya ng problemang hindi ko alam kung paano ko malulusutan?"

Akala ko pag nakahiga ako ay hindi na ako maluluha, pero nagkamali ako. Nangingilid nanaman sila sa mga mata ko.

"Alam niyo, naiinis ako sa inyo. Lalo na kayla Amy, Yuni, Veil at Ayuii. Bakit hindi niyo man lang ako binalaan? Bakit hindi niyo man lang sinabi sa akin na ganito pala kasakit?" Nanginig ang boses ko at tuluyan nang tumulo ang mga luha ko mula sa aking mga mata.

"Para akong sinasakal, laging may bumabara sa lalamunan ko, laging may bigat na pumapasan sa dibdib ko. Parang sinisira ang puso ko... Bakit ganito kasakit? Bakit hindi ko kayang pigilan?" Nanginig ang baba ko dahil sa sobrang pagpigil ng iyak. Humanga ako sa sarili ko dahil nakaya kong pigilan ang sakit na ito kanina.

Narinig ko ang mga hikbi ng mga kasama ko habang nakatingin kaming lahat sa asul na langit. "Pero hanga ako sa inyo, ganito pala 'yung pakiramdam ninyo nang pinaasa, sinaktan at iniwan nila kayo. Ang galing niyo palang umarte, ang galing niyong magpanggap. Ang galing niyong ngumiti kahit ang sakit-sakit na."

Pinunasan ko ang luha sa aking mga pisngi na hindi napapagod sa pag-agos. Napahikbi ako.

"Akala ko dati, ang gusto ko lang para kay Chaser ay si Penny. Nilalakad ko pa nga siya sa kanya e. Dahil sa lahat ng naghahabol sa kanya, si Penny lang ang alam kong mahal talaga siya. Hindi dahil sa itsura kundi dahil sa buong pagkatao niya. Alam kong magiging masaya si Chaser sa kanya."


"Pero bakit biglang nag-iba? Biglang gusto ko ako na lang? Bakit biglang nanghihina na ako sa mga titig niya? Bakit biglang naiilang na ako pag nandyan siya? Bakit biglang naiirita na ako pag malapit ang ibang babae sa kanya?"

Naalala ko 'yung mga panahong gusto kong tumakbo dahil sa malapit na distansya ng mga mukha namin. 'Yung udyok na naramdaman ko noong may lumapit na babae sa kanya para magpapicture. 'Yung bilis nang tibok ng puso ko pag papalapit na siya.

"Narealize ko kung ano ang mga sintomas na 'yun. Gusto ko na siya. Gusto ko na ang bestfriend ko." Napangiti ako nang maisip ko ang pangyayaring iyon. Habang na kwarto ako noon, nakatitig sa dingding, ay naamin ko sa sarili kong gusto ko na siya.

"Ginusto ko mang pigilan pero wala akong nagawa kaya hinayaan ko na lang. Itinago ko na lang. Tutal, puro excitement lang naman ang nadudulot sa akin nito. Hindi sakit. Hindi ko inaasahang makaramdam ng sakit mula rito."

"Pero noong aksidenteng naghalikan sila sa gym? Parang may tumusok na kahoy sa akin. Nagvolunteer 'yung mga luha kong tumulo. Hindi ko kinayang makita silang dalawa doon. Pakiramdam ko trinaydor nila ako. Niloko nila ako. Kahit hindi naman talaga." Pahikbi-hikbi kong sabi.

"Akala ko wala nang mas sasakit pa doon. Pero 'yung makita ko sila kanina? 'Yung tinawag niyang hon si Chaser? 'Yung lumapit siya sa kanya at makita no ang concern sa mga mata niya? May mas sasakit pa ba doon?" Huminga ako at nagpatuloy kahit pahina na nang pahina ang boses ko.

"Ang sakit dahil pinangarap kong sana ako rin. Sana ako na lang iyon. Sana naiparamdam ko na lang din sa kanya na kaya ko ring maging ganun. Sana ako na lang ang mahal niya."

Hinawakan ni Lyme ang kamay ko at pinisil ito. Si Lyme ang klase ng taong hindi magaling sa mga salita ngunit ang kanyang mga kilos ang magpapakita sa'yo kung gaano ka kaimportante sa kanya. Kaya mas lalo akong napaluha.

"Ang sakit tanggapin ng katotohanang may ibang taong deserving sa kanya. May mga taong kayang ibigay sa kanya ang lahat ng higit pa sa maibibigay mo. May ibang taong kayang mahalin siya ng higit pa sa pagmamahal mo. Ang hirap tanggapin. Nakakainis."

Tuloy-tuloy ang pagbuhos ng mga luha ko. Kasabay nang paghikbi ng mga kaibigan ko.

Humampas ang malakas na hangin sa amin. Kasabay nang pagdampi nito sa aking mukha ay ang pagtanggap ko sa mga dapat kong gawin.

"Siguro nga, dapat tanggapin ko na lang. Ang role ko sa mundo niya ay kaibigan lang. Bestfriend lang. Hanggang doon na lang. Wala naman akong magagawa e. Siguro nga tatanggapin ko na lang. Kahit mahirap, kahit masakit. Tatanggapin ko na lang."

A Best friend's Chase (Completed)Where stories live. Discover now