TCWDM: At heto na nga po ang pagdadaldal ni Maxwell ~
***
Maaga kong nalaman ang tatlong bagay: na hindi lahat ng umaalis, umaalis nang may katanggap-tanggap na dahilan; na hindi lahat ng nagmamahal, nananatili; at na hindi lahat ng bumabalik, may babalikan. Iniwan kami ni Mama no'ng six years old ako sa dahilan na siya lang ang naniniwala. Dahil bata pa 'ko, wala akong ibang naiintindihan no'n kundi takot. Nakatatakot ang maiwan sa compound—sa mga bagong mukha at bagong tao. Nakatatakot ang wala siya. Nakatatakot ang hindi siya makita araw-araw.
Kaya araw-araw, sa pagitan ng takot at pag-iyak, sinusubukan ko siyang hanapin. Baka kasi nakalimutan niya lang umuwi. Baka kailangan lang siyang sunduin. Baka kapag nakita niya ako, isama niya ako.
"Wala sa playground si Maxwell, Ma'am."
"Wala rin sa mga classrooms. Naku, Sir, sa'n nagsuot 'yon? Ibinilin pa naman 'yon ng Auntie niya kasi mahilig nga raw tumakas. Baka mamaya, sumakay sa tricycle o sa jeep."
"Nakapagtanong na ako sa mga driver sa labas, Ma'am, wala naman daw nagsasakay pa ng bata."
"Maghanap uli tayo."
Sumiksik ako sa sulok ng maliit na bodega na pinagtataguan ko. Niyakap ko ang mga tuhod ko. Lagayan dito ng panlinis at walis at basahan. Inilabas ko lang ang timba para kasya ako. Mamaya, 'pag hindi na sila naghahanap, saka ako lalabas at tatakas.
Hintay ako nang hintay pero laging maraming lakad nang lakad sa labas. Tinatawag nila ang pangalan ko. Baka mamaya, mag-uwian na. 'Pag nag-uwian na, baka hindi na ako makaalis. Hindi ko na mahahanap si Mama.
'Pag hindi ko nahanap ang Mama ko, wala nang magmamahal sa 'kin.
Maya-maya, bumukas ang pinto ng bodega. Pumikit ako kasi akala ko sina Ma'am, 'tapos pagagalitan ako.
"Tama nga ako. Nandito ka."
Binuksan ko ang mga mata ko. Si Aurora pala. Kaklase ko siyang babae. Mahaba ang buhok 'tapos laging may pink na headband. Lagi siyang nakangiti.
"'Wag mo 'kong isusumbong," sabi ko.
Pumasok siya sa loob. "Kanina ka pa hinahanap nina Ma'am."
Hindi ako sumagot. Umupo rin siya. Tumabi sa 'kin.
"Baka umiyak na 'yon si Ma'am," dagdag niya.
Sumimangot ako. "Malaki na siya, kaya na niya umiyak."
"Pero bad 'yong pinagwo-worry mo sila."
"Eh 'di bad."
Ngumuso siya. "Bakit ka nagtatago dito?"
Siyempre, hindi naman puwede sa madali akong makikita. "Ewan."
"Madilim dito."
"Oo nga."
"Hindi ka natatakot? Baka may bugs."
"Hindi."
"Ano'ng gagawin mo pagkatapos mong magtago?"
Ang dami niyang tanong. "Hahanapin ko Mama ko."
"Pa'no 'pag 'di mo nakita?"
Lagi ko ngang hindi nakikita. 'Pag sumasakay ako ng jeep 'tapos nakikita ako ng mga driver, 'tapos tinatanong ko sila kung nasa'n Mama ko, hindi nila alam. Dinadala ako sa may kapitan o sa may pulis. 'Tapos, ibabalik ako sa compound. 'Pag sumasakay ako sa mga taxi, dinadala ako sa mga opisina ng mga tao, 'tapos ibabalik ako sa compound. 'Pag sa may tricycle naman, ibabalik ako sa talyer.
BINABASA MO ANG
Cliche (Candy Stories #5)
Ficção AdolescenteGrowing up insecure, Aurora firmly believes she does not suit someone as perfect as Maxwell. But with him continuing to love her despite her insecurities and fears, will Aurora finally choose to let Maxwell in--or will she keep pushing him away even...
