IV.

4.2K 413 168
                                    

*** 

"Hindi ko po alam kung bawal sa inyo 'tong dala ko pero gumawa po kasi ng siomai si Auntie . . ." sabi ko nang ipatong ang box ng pagkain sa mesa sa paanan ng higaan ni Misis Feliz.

Nasa ospital ako para dumalaw. Mommy at daddy lang ni Aurora ang naroon.

Matipid ang ngiti ni Misis Feliz at mabigat ang paghinga. Bakas sa mukha at katawan niya ang iniindang sakit. Pinilit kong ngumiti rin. Pinaupo niya ako sa upuan malapit sa kanya.

"Gusto po sanang dumalaw ni Auntie, pero busy siya ngayon, kaya ako na lang muna. Sa isang araw po siya pupunta," sabi ko.

"Love, kumuha ka muna ng maiinom ni Maxwell . . ." anito sa asawa.

Nag-excuse ang daddy ni Aurora sa amin.

"Kumusta po kayo?" tanong ko.

Malungkot ang ngiti ni Misis Feliz. "Hindi ko rin alam, Maxwell."

Natahimik kami roon.

"Kumusta si Aurora sa school?" aniya.

"Ang totoo po niyan, akala ko makikita ko siya rito ngayon. Bihira ko po siyang makita sa school kaya hindi ko rin po alam ang isasagot."

Nagbuntonghininga siya. Matagal natahimik habang nakatingin sa kawalan, bago nagtuon sa akin. "Noon ko pa ito gustong itanong sa'yo, Maxwell. May gusto ka ba sa dalaga namin?"

Napalunok ako, lalo na dahil bumalik ang daddy ni Aurora at inabutan ako ng bote ng juice. "Opo. Gusto ko po si Aurora."

May unawa sa ngiti ni Misis Feliz. "Sinabi mo na ba sa kanya?"

"Hindi pa po."

Tumango-tango siya. "Sasabihin mo ba isang araw?"

"Opo. Tumitiyempo lang po ako."

"Ano ba 'yang mga tinatanong mo sa pamangkin ni Mona . . ." mahinang sita ng daddy ni Aurora.

"May gusto siya sa anak natin, Herman," sabi ni Misis, at tumingin sa akin. "Baka . . . hindi na ako umabot sa isang taon, Maxwell."

Nakuyom ko ang kamao ko. Nakita ko namang nanghina si Sir Herman sa narinig.

"Gusto kong gumaling . . . pero hindi ko nararamdamang mangyayari . . ." Huminga siya nang malalim. "Alam kong mabuti kang bata. Masaya akong marinig na may balak kang magtapat kay Aurora. Ang alam ko, gusto rin siya ni Calyx. At . . ." Mabilis napuno sa luha ang mga mata niya at sunod-sunod na pumatak. "Baka kasi hindi ko na makita kung sino ang mamahalin ng bunso ko. Pero sana, kung sakali, ikaw na lang o si Calyx. Mapapanatag ako kahit pa'no." Kinuha niya ang kamay ko at pinisil. "Maxwell, kung sakaling gusto mo pa rin si Aurora sa mga susunod na taon—sa panahong wala na ako—ikaw man ang lalaking mahalin niya o hindi . . . ingatan mo siya, ha? Kung pareho pa rin kayo ng school o maging magkatrabaho kayo, could you look after her? Kahit paminsan-minsan lang?"

"Feliz . . ." sita ni Sir Herman.

Ginagap ko ang kamay ni Misis Feliz. "Sa susunod na mga taon, tingin ko po, gusto ko pa rin si Aurora. Ako man po ang lalaking mahalin niya o hindi, susubukan ko, kasama si Calyx, na mabantayan siya. Gaya n'yo, gusto ko ring masaya siya. sPero Ma'am, mas magiging masaya po si Aurora kung kasama niya pa rin kayo hanggang sa araw na 'yon. Kaya sa ngayon po, ang isipin n'yo sana ay pagpapagaling."

Napatungo sa pag-iyak si Misis Feliz habang hinahagod ni Sir Herman ang likod niya. Hinayaan kong hawak niya ang kamay ko sa nanghihina niyang palad. 

Cliche (Candy Stories #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon