VI.

4.3K 387 222
                                    

TCWDM: SEND HELPPPP 

***

"Max? Ano 'yon? May kailangan ka?" Umaaninaw sa dilim si Auntie nang piliting bumangon.

Nasa kuwarto niya 'ko para kumuha ng band-aid sa tokador niya. Naubusan kasi ako.

"Kukuha lang po ng band-aid," sabi ko. "Tulog ka lang po."

Pero nakatayo na siya. Nakalapit na rin sa 'kin kahit singkit pa ang mata sa antok. "Band-aid? May sugat ka? Napa'no?" Siya ang lumapit sa tokador niya at nagbukas ng drawer do'n. "Bakit hindi ka nagbukas ng ilaw kung may hinahanap ka pala?"

"Ang himbing na kasi ng tulog mo. Pagod ka, eh."

Ngumiti lang siya. Pagpihit niya sa 'kin, hawak na niya ang isang maliit na kahon ng band-aid. "Dalhin mo na lahat ito. Sa susunod, 'wag kang pauubos."

"Opo."

Napatingin siya sa kamay kong may kaunting dugo. "Hindi 'yan paso, ah."

"Hindi po. Sa ano po 'to . . ." Napahawak ako sa batok ko. "Nagtanggal po ako ng tinik ng roses."

"'Yong dala mo kanina pag-uwi?" aniya.

"Opo."

Hinawakan niya ang kamay ko at inaninaw sa mahinang ilaw mula sa labas ng bintana niya. "'Yong para kay Aurora?"

"Opo."

Huminga siya nang malalim at ginagap ang palad ko. "Matamlay ka nitong mga nakaraan. 'Wag mong masyadong sugatan ang puso mo, ha?"

Late na para do'n, pero ngumiti ako. "'Wag kang mag-alala sa 'kin, Auntie. Tulog ka na uli. Baka magka-wrinkles ka."

Nagbuntonghininga si Auntie at naupo sa tagiliran ng kama niya. "Mahal kita, bunso. Ayoko lang na lagi kang malungkot."

"I love you, Auntie. Tulog na po."


Pagkatapos ng gabing pinigilan ako ni Aurora sa pagko-confess, binigyan ko siya ng mga regalo. Mga naipon 'yon na matagal ko na sanang naibigay kung nagkaroon lang ng pagkakataon. Ayoko na ring magtago ng feelings. Naisip ko, baka may magbago kung maipararamdam ko sa kanya na totoo ang sinasabi ko. If I tell her enough, show her enough of what I feel, she might change her mind.

Pero unang regalo pa lang, ayaw na niya.


Naghahanda pa lang akong mag-bake sa Le Bon Apetit nang umilaw ang cellphone ko. Si Aurora ang nasa linya.

Baka nakita na niya ang mga bulaklak. Kinakabahan ako, pero dinampot ko rin agad ang gadget. Baka kasi hindi na siya tumawag uli 'pag hindi ako nakasagot agad. Maghe-hello pa lang ako, parang iiyak na ang boses niya sa linya.

"Why did you give me flowers?" aniya.

Humigpit ang hawak ko sa phone. I miss her and I miss her voice. At mukhang pipigilan niya 'kong bigyan siya ng bulaklak.

"Hindi mo nagustuhan?" tanong ko.

"It's not . . . I'm . . ." Hirap siyang maghagilap ng salita. "They're beautiful . . . but . . . I don't like you giving me flowers."

'Ayun nga. Ayaw niya uli. "Why?"

Hindi siya nakasagot agad. Nagbuntonghininga naman ako. Mali yata ang magtanong ng 'bakit.' Kung ayaw niya, dapat irespeto.

Mahina ang boses niya nang magtanong, "Nanliligaw ka ba?"

Nangiti ako dahil parang siya 'yong kabado sa itinanong niya. "Sana po." 'Yon naman ang sinabi ko dati pa.

Cliche (Candy Stories #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon