"Anong nangyayari?" Tanong ni Duke Pale sa hinihingal na sundalo.
Kani-kanina lang ay abala pa siya sa opisina ngunit kaagad ding napababa dahil sa mga putok ng baril. Buhaghag pa ang ginintuan niyang buhok nang mapatakbo.
"Your grace Duke Pale.. Nilulusob tayo ng mga halimaw, nakapasok na sila sa pader," saludo ng sundalo.
Pinansin naman ng Duque ang mapulang hamog na bumabalot sa paligid tsaka nagbigay ng utos. "Dalhin ang mga sibilyan sa palasyo nagyon din. Kailangan kong makausap ang kapitan ng Paladins."
"Yes your grace."
Makapal ang hamog sa paligid. Nasa dalawang metro ang tanaw. At sa paglipas ng kada minuto, nahahaluan ito ng pagkapula.
Habang nasa magkabilang tabi ang mayordoma at mayordomo, napaayos siya ng suot na Amerikana. "Tipunin ang lahat ng empleyado at asikasuhin ang mga dadalhin sa palasyo."
Nang matapos sa pagbubutones, inilapit sa kanya ang isang kabayo. Kalaunan matulin niya itong pinatakbo sa direksyon ng mga putok ng baril.
Ang mga putok at kaguluhan sa gitna ng gabi. Noong huling beses niya itong maengkwentro, natabunan siya ng gumuhong gusali. Ilang araw din siyang walang malay bago nakabalik sa pagaasikaso ng syudad.
Kung tutuusin ay wala siyang araw na pahinga. Mas normal pa ang magising siyang nakatanaw sa bintana ng mansyon habang inaalala ang mga dapat niyang asikasuhing proyekto.
Mas pahinga pa sa kaniya ang paminsan-minsang kaguluhang dulot ng mga goblin mula sa kakahuyan.
Ngunit ngayong gabi... Hindi niya pupwedeng sabihing pahinga ang lahat. May nakapasok sa pader.
Ang ideya palang na muli niyang makikita ang madugong imahe ng mga bangkay ng mga bata at babae ay sapat na para mabalot ng karagdagang pait ang dati na niyang nakasimangot na muka.
Bilang katulong sa pagpapangasiwa ng syudad, ano pang silbi niya sa prinsipe?
Sa kabila ng mahamog na mga kalye, naging matulin ang kaniyang biyahe. Lampas sa mga sundalong nagsisikatok sa mga pintuan, lampas sa mga gusali, parke, palayo sa mga establishimento at palapit sa nakapalibot na pader. Palapit sa dilim kung saan parang kidlat sa maulap na langit ang putok ng baril.
Puno ng nakangingiwing hiyaw at alingawngaw ang paligid.
Habang paunti-unti nang nawawala ang katiting ng natatanaw niya, bumagal ang takbo ng kabayo.
Nasa gitna siya nang kawalan kung saan ramdam niya ang tindig ng balahibo. Nalalasahan niya ang mapaklang hangin. Sa pagsinghap, kasabay niyang nalanghap ang nakangangatal na sangsang ng isang bangkay.
"Duke Pale!" Sigaw ng isang lalaki.
Kasunod noon ay napadamba sa harapan niya ang isang nilalang na balot ng itim na likido at nabubulok na laman.
Dahil sa pagkabigla, napasingasing ang kabayo't napatayo sa dalawang paa bago magtatatalon at ihulog siya. Nakita niya pa ang pagkahulog ng mistulang mata ng nilalang bago ito maitakbo palayo ng kabayo patungo sa kailaliman ng hamog.
"Your grace! Ayos lang ba kayo?" Muli niyang rinig sa boses ng isang lalaki. Napatingala naman siya sabay abot sa inilahad na kamay ng isa palang sundalo.
"Colonel Machievelle Faynan of the 1st Maverick Battalion, reporting for duty! Duke Pale, naubos na ang karamihan ng mga sundalo sa pader, kailangan na nating lumikas," saludo't paliwanag pa sa kaniya nito.
Sa kabila nito, tinitigan niya lang nang matiim ang sundalo bago napahingi ng pistola at pangunahan ang martsa palusong sa hamog.
"Tipunin ang lahat ng makikita mong sundalo, kung mayroon kang masalubong na Paladin, utusan mong dalhin sa katimugang entrada at ilikas papasok ang mga magsasakang nasa labas ng pader."
BINABASA MO ANG
The Glitch Conqueror [Dropped]
Science-Fiction"Tired of your country? then prove your worth and create your own." Ito ang mga katagang nakaimprenta sa isang kahon. Nasa loob noon ay isang virtual reality gear, Dreamscape kung tawagin. Kung gusto mong mabigyan ng pagkakataong maging hari, ito na...