A/n: Dedicated to RobinDognidon, Sentsuna, and arianne015... Thank you for the continued support. Thank you to the silent readers :)
Umaligid ang mabibilis na anino sa maulap na kalangitan. Dinig ang pagaspas sa gitna ng madilim na karagatan.
Nakataob ang karamihan ng mga bangka samantalang nagliliyab naman ang mga barko ng pirata.
Nang dumapo ang apoy sa tubig, nagningas ang kumalat na mga langis. Nagliwanag ang kapaligiran. Isiniwalat ang kumpulan ng mga itim na dragon--- nagliliwanag sa pagka-asul ang mga mata, balot ng leather na baluti.
"WRAORRRR!"
Napangiwi ang mga nakadinig. Victorian man o pirata, player man o hindi, sabay-sabay silang napangiwi. Hindi naglaon kinuyog ng mga dragon ang natitirang barko sa laot.
"H-heneral," nanginginig ang boses ng isang kadete habang kasamang nakatanaw si Heneral Shostakovich.
"FORTY FIVE DEGREES! ITUTOK SA LANGIT ANG MGA KANYON!"
Nagmamadaling pinihit ng mga sundalo ang kanyon paitaas. Nanginginig man, itinutok ng Manta Ray marines ang hawak na rifle sa mga halimaw.
"FIRE!"
Kasabay ng sunod-sunod na pagbaril ng mga Victorian, dumagundong ang dagat sa pagputok ng mga kanyon. Nabuhay ang steam engines ng mga barko ng ASH fleet. Nagmistulang lumulutang na pagkain ang sino mang nasa laot.
Bilang kasagutan, higit na bumilis ang pagaspas ng mga dragon, nilibot nila ang kabuuan ng Vulcani Isles gamit ang mala-kidlat na bilis. Sa tyempong matapat sa mga barko napapadagit at buga ng apoy ang ang mga ito.
Walang layag ang natirang nakatayo, binalot ng mga nagngingitngit na baga.
Sa dalampasigang nasa pinakamalaking isla, nakasadsad ang ASH Cliffcastle. Nakapalibot dito ang Manta Rays at Harlequins habang pinoprotektahan ang mga sarili mula sa pirata't mga dragon.
Patay na ang corporal, ang nagsisilbi nilang commanding officer. Wala din maging si Natalia. Hati ang isip nila kung dapat ba silang magtago o bantayan ang mga sugatang kasamahan at nailigtas na sibilyan.
"Mamamatay tayo dito! Dalhin niyo sa Mavericks ang mga sibilyan!" sigaw ng isa sa mga Manta Ray. Naiiyak nalang na napatango ang ilan sa Harlequins.
Inalalayan nila ang mga bihag. Pinoprotektahan naman sila ng marines. Gusto nilang magpasalamat sa kapitan nila dahil sa walang hanggang pagpapatakbo sa training.
Tuloy-tuloy ang putok ng baril ng mga nakatagong Mavericks. Ligtas sila sa taklob ng halaman ng kalat-kalat na mga isla. Bawat isa ay pawisan habang nagmamadaling kumasa. Nakatingala sila sa langit at pinapaputukan ang lumalampas na mga anino.
Hindi nagtagal napatayo sila sa tinataguan at nagsitakbuhan dahil sa pagliyab ng kagubatang pinagtataguan nila.
"Takbo sa dalampasigan! Sumakay sa bangka ang unang squad at iutos ang retreat sa ibang mga isla," utos ni Nicollo. "Sumunod sa akin ang mga natira, susunduin natin ang ASH Cliffcastle!"
Lumakas ang ihip ng hangin sa buong Vulcani, magkakasabay ang naging pagaspas ng mga dragon na animo'y nakakapag-isip at nagkakaintindihan.
Dahil dito, lumakas maging ang mga alon. Walang ibang nagawa ang mga nasa barkong ASH Andalusia kundi mapakapit sa kahit anong mahawakan.
BINABASA MO ANG
The Glitch Conqueror [Dropped]
Fiksi Ilmiah"Tired of your country? then prove your worth and create your own." Ito ang mga katagang nakaimprenta sa isang kahon. Nasa loob noon ay isang virtual reality gear, Dreamscape kung tawagin. Kung gusto mong mabigyan ng pagkakataong maging hari, ito na...