Chapter 5

167 62 16
                                    

SA LUMIPAS ang mga araw. Palagi silang pumupunta sa tabing ilog para tumambay kapag sobrang init ng panahon o kaya naman ay trip ng magkakaibigan. Palagi siyang sinasama ni Mitch sa tuwing may lakad ito kasama ang mga kaibigan nito. Magaan silang kasama at pawang hindi nauubusan ng kuwento at biro; katulad nang hapon na iyon habang nilalantakan niya ang nilutong camote cue ni Pelita ay nakikinig siya sa kuwento ng mga ito noong pagkabata.

"Bakla! Remember mo pa noong hinimatay ka habang tinutuli?" biglang tanong ni Ching. Nagtawanan ang mga ito siya naman ay natigilan.

Siniko ni Kaloy ang bakla na namula ang mukha sa topic na hinalungkat ni Ching.

"Kasama ko 'to noon. Alam nyo ba, sinubukan pa nitong landiin iyong nurse? Nagpapaka-macho, bali naman!" kuwento ni Kaloy.

"Heh! Ang sakit kaya. Ang yabang mo, ikaw nga itong umiihi sa salawal sa tuwing nakikinood sa amin ng horror movie," sikmat dito ni Shonak.

Habang nakikinig ay napag-alaman niyang magkamag-anak sina Shonak at Kaloy. Si Pelita naman ang pinakamalapit sa bahay nina Mitch. At si Ching naman ay naging kaklesa ng matalik niyang kaibigan mula elementarya hanggang high school.

"Wait. Paano nga ulit kayo nagkakilala ni Ion, Kaloy?" tanong ni Pelita sa lalaki na tumikhim muna bago tumingin sa kaibigan.

"Well. Ganito kasi 'yan," pagsisimula nito. "Naging schoolmate ko si Ion noon sa high school. Siya ang campus heartthrob namin at sikat. May pagkasiga ako noon kaya niyaya ko siyang makipagsuntukan sa akin sa gitna ng oval. Hindi niya ako pinansin kasi may hinahabol-habol din siya na babae. Nakalimutan ko na ang pangalan no'ng babae pero naging sila. Tama?" Sinuntok nito ang braso ni Ion na kiming tumango lang.

"Siyempre, nasaktan ang pride ko. Nag-isip ako ng paraan para mangyari ang gusto ko." Ngumisi ito.

"Ano'ng ginawa mo?" tanong ni Mitch sa binata.

"Hinalikan ko iyong nililigawan niya. Hindi ko naman alam na sila na pala. Sinuntok niya ako sa mukha at nawalan ako ng malay." — nagtawanan ang mga ito— "Na-guilty naman siya sa ginawa niya. Binuhat niya ako papunta sa clinic. Galante rin pala si Tsong! Binili niya ako ng maraming pagkain. Simula noon palagi na akong nagpapalibre sa kanya."

"Buraot ka talaga," komento ni Ching.

"Hep! Ako kaya ang dumamay sa kanya noong maghiwalay sila ni Miss D. Hindi ko siya iniwan sa first heart break niya," may pagmamayabang nitong sabi.

Hindi umimik si Ion bagkus ay kumamot lang sa noo. Tumingin ito sa direksyon niya kaya nagkasalubong ang kanilang mga mata. Ito na rin ang unang umiwas ng paningin sa kanilang dalawa.

"Ang init na!" sigaw ni Mitch. "Ligo na tayo, mga panget." Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa mahabang upuan na gawa sa kawayan.

"Andy, maliligo ka rin ba?" tanong sa kaniya ni Shonak na kanina pang nilalaro at inaamoy ang buhok niya. "Ano ang gamit mong shampoo?" usisa nito. Hindi na siya nakasagot dahil hinila ito patayo ni Mitch habang hatak ang buhok nito. "Aray ko, bakla!"

"Halika na, Andy," tawag sa kaniya ni Mitch. Pinatirik nito ang mga mata nang umiling siya. "Bahala ka! Masarap kayang maligo sa ilog. Parang swimming pool lang din. . . mas fresh nga lang," sabi pa nito.

"Hindi na 'yon fresh kapag nahaluan na ng libag ni Bakla." Nagtitili si Ching habang tumatakbo palayo kay Shonak na napikon dito. Naghabulan ang dalawa.

Napailing na lang si Andy sa mga ito. Naiwan siya sa open cottage. Nang mainip siya ay naisipan niyang maglakad-lakad. Nakasalubong naman niya si Ion.

"Pwede ba tayong pumunta roon?" tanong niya rito.

The Depth WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon