Chapter 6

150 60 8
                                    

BUMUNTONG-HININGA si Andy nang matapos niyang basahin ang pinahiram sa kaniya ni Mitch na libro. Umunat siya habang nakaupo sa swing na nasa porch ng bahay. Nahagip ng mga mata niya ang mayabong na palmera na nakatanim sa malaking paso malapit lang sa kaniya at nanatili roon ang kaniyang paningin hanggang sa may narinig siyang tinig.

"Andy," tawag sa kaniya ni Nanay Angge na nakatayo sa bungaran ng pinto.

"Po?" Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa swing para lapitan ito.

"Maaari mo bang tawagin sa labas si Mimi? May ipapagawa lang ako. Si Mitch ay mamaya pa iyon uuwi."

Tumango siya saka nagsimulang tunguhin ang mababang gate ng bahay. Pagkalabas niya sa kalye ay tumambad sa kaniya ang mga bata na naglalaro ng tumbang preso sa gitna ng daan. Hindi niya nakita si Mimi kaya nilapitan at tinanong niya ang isang batang lalaki. Madungis ito dahil sa maghapong paglalaro.

"Si Ate Mimi?" Kumamot ito sa ulo bago itinuro ang direksyon ng isang bahay. "Doon ko po siya nakita kanina, pero baka umalis na. Sigurado ako na pupunta siya kay Kuya Ion na nasa unahan pa ng bahay na iyan," sabi nito.

Nagpasalamat siya rito saka tinunton ang daan papunta sa itinurong direksyon ng bata.

Lampas na siya sa tinukoy na bahay no'ng batang lalaki ngunit hindi pa rin niya nakita ang hinahanap. Nakailang hakbang pa siya bago niya natanawan ang pamilyar na bulto ni Mimi. Nagtaka siya sa ayos nito na nakakubli sa halamanan. May kasama rin ito na hindi niya mamukhaan dahil nakatagilid iyon katulad ng sadya niya.

Tinawag niya ang pangalan ni Mimi ngunit parang hindi naman siya nito narinig. Unti-unti siyang naglakad palapit sa mga ito. Nagsalubong ang mga kilay niya dahil tila may sinisilip ang dalawa. Tinawag niya ulit ang pangalan ni Mimi ngunit imbis na ito ang lumingon sa kaniya ay ang kasama pa nito. Mistulang nakakita ng multo ang huli nang makita siya.

Huminto siya sa paghakbang nang hilahin ng babae ang buhok ni Mimi na hindi man lang natinag sa ginagawa. Inulit-ulit ng dalagita ang aksyon na iyon hanggang sa wakas ay mapuno na si Mimi. Hinampas nito nang malakas ang likuran ng balikat ng kasama nito. Halatang masakit iyon dahil napakalakas ng naging tunog.

"Para ka namang ewan, Pita! Kita mo nang hindi pa nga tapos," pabulong ngunit may panggigigil na sabi nito sa tinawag na 'Pita'.

"Eh, k-kasi. . ." Tumingin ang bata sa kaniya.

Pinaikot na muna ni Mimi ang mata nito bago tumingin sa kaniyang direksyon. Halos lumabas sa eye sucket ang mga mata nito sa sobrang panlalaki nang makilalanan siya.

"A-ate. . . Ate A-andy. . ." utal-utal na tawag nito sa kaniya. Lumunok ito bago palihim na siniko sa bandang tagiliran ang kasama. "Bakit hindi mo sinabi na nand'yan pala sya?" tanong nito.

"Hindi nga kita mapunit kanina pa," sagot dito ni Pita.

"Ano ba'ng sinisilip ninyo d'yan?"

Nagsimula siyang maglakad palapit kina Mimi kahit todo ang ginawang pagpigil ng mga ito sa kaniya. "What?" Napansin niya na nakayuko ang dalawa at hindi maayos ang tayo simula pa kanina.

Tumingin siya sa mahabang bakod na halaman. Mababa lang iyon at litaw ang hanggang dibdib niya. Lumampas pa ang paningin niya hanggang sa mahagip ng kaniyang mga mata ang pigura ng isang lalaki na walang suot na pang-itaas na damit habang mag-isang naglalaro ng basketball. Nakilala niya ang lalaki nang humarap ito sa gawi nila. It was Ion.

Noon lang siya nakakita ng aktuwal na lalaking walang suot na pang-itaas at kita ang magandang katawan. Naglalangis din ang matipuno nitong dibdib dahil sa pawis. Para siyang nilagutan ng hininga habang nakatingin dito.

The Depth WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon