Chapter 21

86 28 4
                                    

MASAYANG nagtungo sa kusina si Andy kung saan niya naabutan si Nanay Angge na naghahanda ng lulutuin para sa hapunan nila. Lumingon ito sa kaniya at malapad na ngumiti.

"Saan ka galing, Andy?" tanong nito.

"Sa bahay po ni Ion. Doon po ako nagsulat ng manuscript ko." Lumapit siya sa ref para kumuha ng tubig at uminom. Pagkatapos ay tumabi naman siya rito at pinanood ito sa ginagawang paghiwa sa bawang.

"Gusto mo bang tumulong magluto?"

Naalala niya ang sinabi kanina ni Ion dahilan para kumislap ang mga mata niya sa antisipasyon. "Puwede ho ba?"

"Aba'y oo naman!" Binitawan nito ang hawak na kutsilyo. "Ikaw na ang bahala rito sa mga rikado't huhugasan ko lang ang karneng baboy at gulay."

Kinakabahang pinalitan niya ito sa puwesto. Hinawakan niya ang kutsilyo at nagsimulang maghiwa ng sibuyas. Tumalsik pa ang rikado sa una niyang pagdampi ng kutsilyo. Hindi siya marunong sa ginagawa kaya tapos na si Nanay Angge siya nama'y hindi pa natatapos sa isang sibuyas.

"Mali ang hawak mo sa kutsilyo, Andy. Masasaktan ka niyan." Kinuha nito ang bagay sa kamay niya para mag-demo ng tamang paghihiwa. Tumango naman siya nang tanungin siya nito kung nakuha na niya ang dapat gawin. Bumalik siya sa dating puwesto dahil nagpaalam ito para pakuluan ang karneng baboy.

"Si Mimi ho?" tanong niya. She blinked when her eyes went misty and itchy.

"Nasa bahay nila Pita. Doon dumeretso pagkagaling namin sa palengke."

Suminghot siya at pinigil ang pagtulo ng luha niya ngunit huli na. Umiiyak na siya. "Uuwi po ba si Mitch?" Sa wakas ay tapos na siya. Pinahid niya ang kaniyang luha at kinusot ang kaniyang mga mata gamit ang kamay niya. Nagsisi siya dahil mas lalo pang humapdi ang kaniyang mga mata.

"Oo raw. Bumabiyahe na iyon ngayon."

Suminghot ulit siya at lumapit sa lababo. Binuksan ang gripo saka naghilamos. Pagkatapos ay nagtungo siya sa porch ng bahay dahil may narinig siyang tumawag. Naabutan niya roon ang dalawang babae na medyo may edad na. Malalaki ang katawan at may mapanuring mga mata. Hindi rin naitago ng mga ito ang pagkagulat nang makita siya.

"Hello po," bati niya sa mga ito. Hinanap ng mga ito si Nanay Angge kaya bumalik siya sa kusina at sinabi iyon sa ginang na abala sa pagluluto.

"Ganoon ba?" Tumingin ito sa kaniya at sa pagkabigla niya'y binigay nito sa kaniya ang hawak na sandok. "Ikaw na muna ang bahala rito, Andy. Sasaglit lang ako para kumustahin sila." At iniwan siya nito roon na tigagal sa kinatatayuan.

Wala sa sariling napakamot siya sa ulo bago lumapit sa kalan. "Ano na gagawin ko. . ?"

Wala siyang alam sa pagluluto. Pulos delivery lang ang kinakain niya noon o 'di kaya'y sa restaurant or fastfood chain. Bigla siyang nakaramdam ng pagsisisi. Bakit kasi hindi niya naisipan noon na pag-aralan ang pagluluto? At bakit kasi ginusto niya pang tumulong doon kay Nanay Angge? Mukhang wala namang balak bumalik agad ang ginang para asikasuhin ang niluluto nito.

Tarantag hinalo niya ang nasa kawali dahil natuyo na ang sabay niyon. Sunog na rin ang mga rikado. Impit siyang humiyaw nang matilamsikan siya ng mainit na mantika galing sa kawali.

"Whew! May bagong cook pala si Mama." Nilingon niya si Mitch na bagong dating. Sumungaw lang ito sa bungaran ng kusina at nginitian siya.

"M-Mitch. . . Puwede mo—" Nanlaki ang kaniyang mga mata nang kumibit-balikat ito at hinayaan lang siya roon. Naglakad ito papanhik sa kuwarto marahil upang magbihis. "Mitch!"

Nanggigigil na hinigpitan niya ang hawak sa sandok. Parang gusto na niya iyong itapon sa sobrang inis.


TINITIGAN lamang ni Andy ang ulam na nasa pinggan niya. Sobrang itim ng niluto niyang adobong baboy at malayo sa tipikal na adobo. Bumaling siya kay Mitch na nagpipigil pa rin ng tawa, ganoon din si Mimi. Binitawan niya ang hawak na kubyertos at pinanood ang mga itong sumubo ng pagkain. Hindi nakalusot sa paningin niya ang pagngiwi ng mga ito.

The Depth WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon