SABADO. Maagang nagising sina Andy para ayusin ang mga gamit nila ni Mitch na dadalhin sa beach resort na kanilang pupuntahan. Matagal na palang balak ng mga ito na pumunta sa dagat at ngayon lang natuloy. Hindi sila nakapag-ayos ng mga gamit noong nagdaang gabi dahil dis-oras na nang umuwi ang kaibigan niya galing sa inuman, sa katunayan ay may hang-over pa rin ito.
"Ate, sama ako. . ." pamimilit ni Mimi kay Mitch na gusto ring sumama sa kanila.
"Hindi nga puwede. Walang kasama rito sa bahay si Mama. Overnight kami roon," sagot ng matalik niyang kaibigan sa kapatid nito.
"Mitchell, isama mo na 'yang kapatid mo. Ayos lang ako rito. Pero kung talagang nag-aalala ka, dito ko na lang papatulugin sa bahay si Madel," singit ni Nanay Angge na ikinatuwa nang labis ni Mimi.
"Ma. . . Magbibihis pa ito. Ang bagal pa naman gumalaw. Baka maiwan pa kami ng sasakyan," reklamo ni Mitch na hindi naman pinansin ng ina.
"Ako na ang bahala, Mitch. I will drive," presenta niya saka inilahad ang isang kamay sa harap ng kaibigan para hingin ang susi ng kotse niya. Hindi ito makakapagmaneho dahil masakit pa ang ulo.
Naningkit ang mga mata ni Mitch na tinitigan muna siya bago tumalikod. Ngumiti siya nang pagharap nito ay hawak na ang susi ng sasakyan.
"Akin na, Mitch," sabi niya dahil mahigpit pa rin ang pagkakahawak ng babae sa susi. She sighed then rolled her eyes. "Give me those keys." Hindi pa rin ito tumalima. Tinaas pa nito ang kamay as if naman hindi niya iyon abot. Hinablot niya mula rito ang susi saka hinarap si Mimi. "Maghanda ka na."
"Yes! Tatawagin ko lang po si Pita." At kumaripas ito ng takbo palabas ng bahay.
Binalingan niya ng tingin si Mitch. Sa paraan ng pagtitig nito ay parang wala itong kompiyansa sa kaniya.
"Doon na lang ako makikisabay sa jeep nina Kaloy," paalam nito saka dinala ang sariling bag.
Kumibit-balikat siya at hinayaan itong umalis. Hindi rin naman nagtagal ang paghihintay niya kina Mimi at Pita dahil noong nakaraang gabi pa nakapaghanda ang dalawa, taliwas sa sinabi kanina ni Mitch. Sa backseat niya pinaupo sina Mimi dahil panay ang daldalan. Marami ring pinaplano ang mga ito pagdating nila sa dagat.
Habang nagmamaneho ay tinitingnan ni Andy sa rear view mirror ang dalawang dalagita. Hindi mapuknat ang ngiti sa mga labi ng mga ito habang patuloy na nagbubulungan, manaka-naka pa niyang naririnig ang hagikgikan ng dalawa.
Pagdating nilang tatlo sa beach resort ay kabaliktaran ng iniisip niya ang nangyari— na kaagad na mag-uunahan sa tubig-alat ang dalawa. Nagtaka siya. Dapat nga ay mas masaya pa ang mga ito dahil nandoon na sila ngunit halos hindi maipinta ang mukha nina Mimi. Namumutla si Pita, hindi nagtagal ay naduduwal na ito.
"Ano'ng nangyari?" tanong ni Pelita habang dinudulog ang sumusukang kapatid.
Tumingin sa kaniya si Mitch. Sa hula niya ay lihim siya nitong isinusumpa sa loob ng isip nito. Nilapitan nito si Mimi na sobrang namumutla.
"Ayoko na sa k-kanya, ate. . . Para siyang nasa race track kung mag-drive," sumbong ni Mimi sa nakatatandang kapatid.
Tiningnan siya nang masama ng matalik niyang kaibigan. Kumibot ang labi nito pero hindi na nagsalita pa. Galit ito sa kaniya.
Sinugod siya ng kaniyang konsensya.
"Look," aniya. Bumaling naman sa kaniya ang mga ito. "I'm sorry. I really am. Hindi ko alam na may motion sickness pala sila."
Sa pagkabigla niya'y pumadyak si Mitch. "It's not about motion sickness, Andy! Ilang beses nang bumabiyahe itong dalawa at ito lang ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito. Ano ka ba naman? Wala ka sa karera ng mga sasakyan. That's why I never trusted you when it comes to driving. You're so reckless." Hindi na siya nito pinansin pa at inasikaso na lang ang kapatid. Ganoon din si Pelita na hindi naitago pa ang pagkadismaya sa kaniya.
BINABASA MO ANG
The Depth Within
General FictionTo her, writing is everything. Writer's block was her nightmare. Andy couldn't believe how her life had turned upside down and how her entities shattered when she had a writer's block. Her editor-turned-best friend, Mitch, saved the day by taking he...