Chapter 60

8 0 0
                                    

MANAKA-NAKA ang ginagawang pagsulyap ni Mitch sa rear view mirror para tingnan si Kaloy na tutok ang atensyon sa daan habang nagmamaneho ng sinasakyan nila pauwi. Marahas siyang bumuntong-hininga saka dinala ang isang kamay sa kumikorot niyang sintido. Kinagat niya ang kaniyang ibabang labi at lakas-loob na bumaling sa kasintahan.

"Galit ka ba?" tanong niya rito.

Galing sila sa bahay ng tiyahan ni Kaloy para ipakilala siya sa mga kamag-anak nito. Hindi pa man sila nagtatagal doon ay nag-aya na siyang umuwi. Noong una ay nakiusap sa kaniya ang nobyo pero nang lumipas ang ilang minuto ay muli siyang nagpumilit. Narinig iyon ng tiyahin ng binata na malugod naman silang sinabihan na gumayak na. Mukha namang hindi nagustuhan ni Kaloy ang nangyari at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya pinapansin.

"Hoy." Sinungkit niya ang tagiliran ng binata na agad pumiksi sa kaniya. "Kaloy. . ."

"Ano bang problema mo, Mitch?" asik nito na nakapagpaigtad sa kaniya. "Ilang araw ka nang ganyan. Sa tuwing lalabas tayo lagi kang atat umuwi. Pinagbibigyan naman kita, 'di ba, sa gusto mo? At ngayon simpleng pakiusap ko sa 'yo hindi ka man lang mapagsabihan," anito habang hindi pa rin inaalis ang atensyon sa ginagawa. "Tita ko 'yon, Mitchell. Matagal ka na nilang gustong makilala tapos ganon lang inasal mo."

Bahagyang umawang ang bibig niya dahil sa mga sinabi nito na hindi niya inasahan. May sakit na lumatay sa dibdib niya na dahilan para sumadsad ang likod niya sa andigan ng inuupuan niyang passenger seat.

"I'm sorry, babe. Naalala ko lang kasi si Andy."

"Puro ka na lang 'Andy'," narinig niyang bulong ni Kaloy. Humigpit ang pagkakahawak nito sa manibela saka pinilig ang ulo. "Hindi na 'yon bata. May nobyo na nga, 'di ba?"

She jumped on her seat. Pumalatak siya at namamanghang tumitig sa kasintahan. "Kaibigan ko siya. Masama na bang mag-alala ako sa kaniya? Pansin mo ba na ilang araw nang tila may hindi sila pagkakaunawaan ni Ion?"

"Problema na nila 'yon! Bakit ka ba nakikisali?"

"Kasalanan n'yo kasi. Kasalanan ng babaeng Danica na 'yon," sabi niya na marahas na nagpabaling sa lalaki.

"Ano'ng kinalaman ko? Bakit nadamay na naman si Danica, eh, wala ngang ginagawang masama 'yong tao? Kung alam ko lang na ganyan ka kapraning—"

"Ano?" putol niya rito. Biglang natahimik si Kaloy, nakita niya rin ang ginawang paglunok nito.

"Ewan ko sa 'yo," anito mayamaya.

Umismid siya. "May nalalaman ka ba na hindi mo sinasabi sa akin? Nagloloko ba ang best friend mo sa kaibigan ko?" pang-iintriga niya rito.

"Tumigil ka na, Mitch. Walang ginagawa si Ion. Kung ano man ang namamagitan sa kanila ni Danica, purely business matter na lang 'yon."

"Letseng business na 'yan!" singhal niya.

Nagsalubong ang kilay ni Kaloy. Binagalan nito ang pagpapatakbo sa sinasakyan nilang kotse para matingnan siya nang maayos. "Kung wala kang tiwala sa kaibigan ko, huwag mo akong idamay. At pwede ba, ilugar mo naman 'yang obsession mo kay Andy."

"Obsession?"

"Bakit, hindi ba?" tanong nito. "Kung hindi ka obsessed kay Andy, ano'ng tawag dyan?"

"Shit ka. 'Wag mong bigyan ng ibang kahulugan ang concern ko sa kaibigan ko dahil wala kang gaanong alam." Muntikan nang masubsob ang mukha niya sa dash board dahil sa biglaang pagpreno ng nobyo, saka lang rumehistro sa utak niya na wala siyang suot na seatbelt. Kay-lakas ng naging kabog ng dibdib niya.

Tiningnan ni Mitch ang katabi. Nabanaag niya ang pinaghalong gulat at sakit sa mga mata nito, hindi dahil sa nangyari kundi sa mga sinabi niya. She had hurt him. Mitch raised her hand to reach for him but he started maneuvering the car again.

The Depth WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon