Chapter 39

49 8 6
                                    

NABULUNAN si Andy nang marinig niya ang malakas na tili at sigaw ni Mimi na nagmamadaling pumanaog sa hagdan. Agad naman siyang inabutan ng isang basong tubig ni Mitch na nalukot na naman ang mukha dahil umagang-umaga ay nagsisisigaw ang nakababata nitong kapatid.

"Ano ba, Mimi—"

"Mama! Mama!" Kumunot ang noo nila nang makitang umiiyak ito, kababakasan din ng takot ang mukha.

"Bakit ba, Mimi? Ang aga-aga ang ingay mo d'yan!" Hinarap ni Nanay Angge ang bunso nitong anak at pinamaywangan habang hawak pa rin ang siyanse sa isang kamay. "Hala! Ayusin mo na 'yang sarili at mukha kang bruha. Magsuklay ka!"

Hindi ito gumalaw at natuod lang sa kinatatayuan. Mas lalo pang lumakas ang hagulhol nito kaya napatakip siya sa kaniyang tainga.

"Mama! Mamamatay na ba ako?" umiiyak na turan nito.

Magkasalubong ang mga kilay na nagkatinginan sila ni Mitch.

"Ano bang klaseng tanong 'yan, Mickaella?" naiiritang tanong ng matalik niyang kaibigan sa kapatid nito. "Isa pang atungal—" dinampot nito ang isang pandesal at tinutok iyon sa bata, "—isusungalngal ko na 'to sa bibig mo!"

Tumigil si Mimi sa kakaiyak saka pinahid ang uhog nito gamit ang likuran ng palad. Napangiwi siya at nawalan na ng ganang kumain.

"Problema mo, ha?" tanong ni Mitch na tumayo at nilapitan ang kapatid. Lumambot na ang ekspresyon nito at may pag-aalala na rin ang mukha.

"K-kasi, ate. . ." Tumalikod ito.

Parang may dumaan na anghel dahil natahimik silang lahat sa nakita. Sa isip ni Andy ay may narinig pa siyang huni ng kuwago.

"Mama. . ." Nagsimula na namang umiyak si Mimi.

Umiling si Nanay Angge saka nginitian ang anak. "Hindi ka mamamatay, Mimi. Ano ka ba? Normal lang 'yan sa mga nagdadalaga." Tinapik nito ang braso ni Mitch. "Ihanda mo na ang pagliliguan ng kapatid mo. May napkin ka ba d'yan?"

"Wala po," sagot ni Mitch. "Tatawagan ko lang muna si Shonak. Sasabihan ko siyang magdala rito ng sanitary pads," paalam nito.

Tiningnan niya si Mimi na humuhupa na ngayon ang bugso ng emosyon. "Dalaga ka na. Congrats!" Kinuha niya ang baso ng tubig para uminom.

"You mean, normal lang na labasan ng dugo sa puwet?"

Nasamid siya sa narinig. Napapantastikuhang tinitigan niya si Mimi na inosentng nakatingin sa kaniya. Tumawa naman nang malakas si Nanay Angge dahil sa anak nito.

"Anak. . ." Pinahid ni Nanay Angge ang luha na umibis sa gilid ng mga mata. "Tinagusan ka kaya nasa puwetan ang dugo. Siguro naman ay alam mo na nireregla ang mga babae, 'di ba?"

"Regla? You mean mens?"

Andy chewed her lower lip. Oo nga pala't fourteen years ang agwat nito at ni Mitch. Hindi nito naabutan ang pinakaunang beses na dinatnan ang ate nito. Pero hindi ba't tinuturo naman sa elementary ang tungkol sa menstrual cycle?

Bago pa man masagot ang katanungan niya ay umingay na ang living room ng bahay. Dumating na sina Shonak dala ang pinasuyo ni Mitch. Bumalik na rin sa komedor ang matalik niyang kaibigan para utusan si Mimi na maglinis ng katawan.

"Congrats, Mimi! Dalagingding ka na!" tinig iyon ni Ching na sinundan naman ni Pelita.

"Totoo bang umiyak ka? Ang hina mo naman. Ito ngang si Pita chill lang noong first day niya."

Lumabas si Andy ng komedor para batiin ang mga kaibigan. Hindi niya akalaing maagang manggugulo ang mga ito.

"Dinatnan ka na, Pita?" tanong ni Mimi sa best friend nito.

The Depth WithinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon