Ang Tao, Ang Kwento, at Ako (2018) - Tula

4 1 2
                                        


Natatanaw ko na ang isang binibini
Bakas sa kanyang mukha ang nararamdamang hapdi
Maghapon siyang naglalakad paroo't parito
Tila ba ang kanyang mga paa'y napapaso

Kitang-kita ang butil ng pawis na dumadaloy
Mula sa kanyang noo, ito'y pumapatak sa damit na suot
Maghapon siyang tila naglalaro sa apoy
Ang kanyang mukhang mababakas ang lungkot

Nais ko sana siyang tulungan
Batid ko ang bigat na kanyang pinapasan
Nilalagpasan ng mararangyang dumaraan
Minsa'y binabangga, madalas nadarapa ng tuluyan

Sa 'di kalayua'y natanaw ko ang isang matanda
Nakangiting mapait, karga karga ang batya
Iyon pala'y inilalakho ng matandang ale
Nang lumapit sa binibini, rinig ko'y "ina" ang kanyang sinabi

Tinulungan ng binibini ang kanyang ina
Para saan pa't kailangan nilang kumita
Gayon na lamang ang naramdaman kong hinagpis
Wala akong magawa, kahit pa ang tumangis

At siya'y tuluyan ng naglakad palayo
Habang ako'y nandito't, nananatili, natutuyo
Natuyo na ang tubig ulan na bumuhos sa akin kagabi
At ramdam ko na rin ang init ng sikat ng araw na dumarampi

Ganoon na lamang ang aking buhay
Daraan lamang ang mga taong may hatid sanang kwento
Madalas, nakakabagot na, at nakakaumay
Pagkat ilang beses nang walang karugtong at 'di ganap ang wakas nito

Ano nga ba ang karapatan kong magreklamo?
Buhay iyon ng mga dumaraang tao sa paligid ko
Nadarama ko man ang bigat o gaan ng kanilang mga yapak
Ngunit 'di ko na nasusundan pa ang landas na kanilang tinatahak

Ako'y isang konkreto, isang sinimentong daanan
Iba't ibang klase ng nilalang ang aking napagmamasdan
Kung tao lamang ako at may karangyaan
Hindi ko tutularan ang iba sa kanilang tinatapakan ang mga mamamayang sinalat sa yaman at ramdam ang kakapusan..

MY RANDOM THOUGHTS, SHORT WRITINGS, POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon