Nagsimula ako sa pagsulyap
Palihim na hinahangaan ang iyong ganda
Ilang beses rin na mga mata'y 'di kumurap
Masilayan ka lang sa bawat sandali sinta..
Wala sa aking isipan na ika'y makakatabi
Akalain mo? Magkasunod pala ang mga apelyido natin
Tila nga itinadhana kung tutuusin
Ngiti'y unti-unting sumilay sa aking labi..
Sa bawat tanong ko'y iyong sinasagot
Matipid man ngunit sapat na upang hindi ako mabagot
Sa paglipas ng mga araw, tayo'y nagkalapit
Pinaglalayo man ng silya, sa huli'y niyayakap mo ako ng mahigpit..
Lumalim ang pagtitinginan sa isa't isa
Isang araw, nagising ka't, ako'y mahal mo na
Hindi man inaasahan, at ako'y may pag-aalinlangan
Kalauna'y sumugal pa rin sa pag-ibig at ika'y pinagbigyan..
Puno ng saya ang mga sandaling lumipas
Baguhan ako, ngunit hindi mo pinabayaan
Ipinaramdam ang pagmamahal na hindi kumukupas
Tanging mga awit at mga tula ay sa'yo inilalaan..
Dumaan tayo sa iba't ibang klase ng pagsubok
Unti-unting napapagod, nahihirapan ang mga puso
Hindi pa rin tayo nagpatinag, bagkus ay hindi rin sumuko
Kahit pa sa kalungkutan tayo ay nalulugmok..
Hindi ako bumitiw, ngunit nararamdaman ko na ang pagkalas
Sa aking braso'y unti-unti nang dumudulas
Ang iyong kamay na dati rati'y mahigpit ang pagkapit
Ako'y naluluha, dahan-dahan na ring pumipikit..
Hanggang sa tuluyan na nga't dinatnan ka ng pagod
At naiwan ako sa madilim na kwarto't humahagulgol
Wala nang magawa pagka't ako'y nalulunod
Ang talas ng pag-iibigan, ngayo'y naging mapurol..
At doon na nga nagtapos ang ating makulay na kwento
Walang dapat sisihin kahit pa magulo
Nagmahal lamang sa hindi inaasahang pagkakataon
At nagtapos rin sa hindi inaasahang panahon..
Walang pagsisisi, ngunit may aral na aking baon
Mahalin muna ang sarili bago magmahal sa iba ng lubos
At sana ang wasak na puso'y kalaunan ay mabubuo
Hindi man ngayon, ngunit balang araw, alam ko..
Minahal kita, minamahal at mahal pa rin hanggang ngayon
Kahit hindi man madali ang aking ginagalawang sitwasyon
Sana'y magawa mo rin na hayaan akong magpakalayo
Pagka't tapos na ito, at ika'y isa na lamang bahagi ng kwento ng buhay ko..
BINABASA MO ANG
MY RANDOM THOUGHTS, SHORT WRITINGS, POEMS
RandomBefore anything else, I would like to let you know few things about myself: 1. I'm gay (I love girls!) 2. I'm introverted. 3. I am a certified weirdo. 4. I love watching the night skies, interested about galaxies, heavenly bodies and time travel. 5...
