Apat na Buwan (Tula)

5 1 0
                                        


Mula noong tayo'y maghiwalay
Damdamin ko'y 'di na mapalagay
Bawat segundo, ika'y laman ng isip ko
Hindi maiwawaglit ang dati'y pag-ibig mo..

Sa unang buwan ako'y humagulgol
Sarili ko'y talunan at 'di maipagtanggol
Ano nga bang laban ng isang taong nagmamahal? 
Kung ito'y nag-iisa na lamang, at iniwan ng tulad niyang 'di makatagal..

Sa kalungkutan ako'y nalunod at nanatili
Dala-dala ang maskara't gagamitin upang magkunwari
Luhaan ang kalooban pagka't hindi pinili
Hinabol man kita ay 'di ko rin magagawang pilitin..

Nagdaan pa ang mga linggo at ako'y namanhid
Nais ko mang makaramdam, ngunit nasasapawan ng sakit
Sana'y may gamot na maaari kong ipahid
Madampian ang malamig na pusong nananabik sa init..

At sa kawalan mayroon akong naalalaIsang nilalang na ni-minsa'y hindi makita ng aking mga mata
Ngunit puso ko'y nagbukas upang 
Siya'y maaninag
Sa pag-iisa, 
Siya'y naging pag-asa, aking naging liwanag..

Sa pagdarasal ibinuhos ko ang lahat ng pighati
Ang puso'y binigay sa Kanya upang ito'y pahilumin
Walang katulad ang nararamdaman kong bigat
Wala ring makakapantay nang ito'y gumaan at ako'y Kanyang inangat..

Saka ko lamang napagtanto, lahat na yata ng hirap ay magagawa kong kayanin
Pagka't Siya'y nariyan na handa akong gabayan at yakapin
Ang isang tao ay hindi ko pala kawalan
Pagka't nariyan pa ang ibang tao, mga kaibigan na hindi ako pababayaan..

Hindi naging madali ang apat na buwan
Halo-halong emosyon ang sa aki'y nakasagabal
Natutunan kong magpakatatag, magpatawad at lumaban
Pinalaya ang aking sarili mula sa mapait na karanasan..

Nagawa kong tanggapin ang lahat ng nangyari
At ang taong sanhi nito, ay nagawa kong bukal sa loob na yakapin
Karapatan niyang sumaya at magkaroon ng kapayapaan
Sa buhay ko nama'y nagdulot rin siya ng kakaibang kasiyahan..

Salamat sa apat na buwang pagtitiis
Sa wakas ako'y nakalaya na sa hinagpis
Naging magandang aral ang dulot ng pagkakaroon ko ng sugat
Sa pusong nagpapagaling na't mababakas rin ang pilat..

MY RANDOM THOUGHTS, SHORT WRITINGS, POEMSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon