Ito'y inspirasyon mula sa mga nararanasan ng ibang tao, maaring patungkol sa kaibigan, patungkol sa dating minahal, patungkol sa namumuong pagtatangi, na inilihim at hindi magawang banggitin ng may buong katapangan. Para ito sa mga naduduwag, naguguluhan, makasarili, walang karapatan, ngunit tunay na nagpapahalaga sa taong nasa kanilang paligid. Kayo na ang bahala kung paano niyo siya gustong isipin. :)
----
Para sa'yo,
Kailan nga ba tayo unang nagkakilala? Ilang buwan na rin ang nakalipas hindi ba? Maayos naman ang ating pag-uusap sa una, at nagbahagi na rin tayo ng mga bagay patungkol sa sarili natin, at karamihan dito ay hindi pa natin naipapaalam sa kahit sinoman. Napakagandang pundasyon nga naman ng pagkakaibigan-- naramdaman kong tunay ito, malalim, makahulugan, at makulay. Nang dahil sa'yo, naibsan din ang aking mga iniisip at naging mapayapa ang mga nakakapagod na araw na akala ko'y walang katapusan. Ngunit, kahit ayaw ko man na magbago ang lahat, sa unti-unti mong paglayo ay hindi na rin ako nagulat.
Napagtanto ko na hindi lamang sa akin umiikot ang iyong mundo, at ganoon din naman ako sa'yo. Kaya nga lang, ay hindi ko maiwasang balikan ang mga oras na kung kailan malaya nating naipabatid na kapwa tayong mahalaga para sa isa't isa. Nagising ako sa katotohanan na wala naman pala talagang permanente sa mundong ito, at sa pagkakaibigan na ating nabuo. Siguro kung mababasa mo ito, iisipin mo na hindi ako naging patas sa ating dalawa dahil ako lamang ang naglabas ng saloobin sa isang bagay na hirap akong ipaalam sa'yo, ngunit umaasa ako na maiintindihan mong naligaw ako mula noong hindi ko na maramdaman na kailangan mo ako.
Ako'y patuloy na nangungulila sa ating dalawa. Hindi dahil kita'y iniibig, marahil sa ugnayan na ating nabuo sa ating simpleng mundo. Kapwa natin natagpuan ang isa't isa sa isang pagkakataon na hindi natin kailanman inasahan. Pareho tayong naiinip sa panahong iyon, at naging mapaglaro ang tadhana dahil tayo'y pinagtagpo kahit pa nais natin na manahimik at mapag-isa. Nasaan ka na? Nasaan na ang kaibigan ko? Hindi ko alam kung magbabalik ka pa-- sana'y malaman mong nagdaramdam ngayon ang aking puso. Hanggang ngayon ay hindi ko mahagilap ang mga kasagutan, at baka hindi ko na rin makukuha ang mga iyon sa'yo kailanman.
Nalulunod ang aking isipan, at hindi ako makaahon mula sa paglubog. Kasalanan ko na rin siguro, sapagka't nagpadala ako sa alon ng aking mga emosyon. Ngunit, walang pagsisisi akong maramdaman habang isinusulat ang lahat ng ito. Sapat na sigurong dahilan na ito'y nagsisilbi kong hangin upang makahinga mula sa naninikip kong damdamin. Hindi ako ang klase ng tao na mananatili pa rin, lalo na't ipinararamdam sa akin na tila ako'y isang aninong nakakubli. Hindi ko magagawang ipilit ang sarili na gumawa ng apoy upang matunaw ang nanlalamig at nagyeyelo mong pader na nagsilbing harang mo laban sa akin.
Nanghihinayang pa rin ako-- sigurado akong mahirap para sa akin ang makawala mula sa mga alaala na patuloy akong dinadalaw bago mahimbing sa gabi. Nangungulila pa rin ako sa'yo, ngunit wala akong karapatang maramdaman iyon, sapagka't hindi lang ako ang mayroon ka sa buhay mo. Paninibugho nga bang maituturing ang mga sandaling masaya kang kasama ang iba, at nagtatampo ako sa'yo nang hindi mo nalalaman? Marahil ay hindi, mas nalalapit iyon sa inggit, dahil mas naramdaman ko na sa umpisa pa lamang ay nag-iisa lamang ako sa kabanata na ating sinimulan.
Hindi kita masisisi, at wala akong nakikitang kasalanan mo sa kahit na anong aspeto ng mayroon tayo noon. Pakiramdam ko nga'y sarili ko lamang ang aking binigo sa mga bagay na hindi ko kontrolado, at umasa ako na maiintindihan ako ng ibang tao, lalong-lalo na ng tulad mo. Kaya't kahit patuloy akong mangulila, uulit-ulitin ko sayo-- hindi kita sisisihin. Huwag mo sanang maramdaman na may kasalanan ka sa mga nangyari. Ako ang dapat na magdusa, magtigil, at nararapat na rin kitang palayain. Palayain mula sa aking munting mundo, at palayain sa aking pagiging makasarili, dahil kasama ako sa mga hindi makabubuti para sa'yo.
Alam kong matagal-tagal pa ang pananatili ko sa lilim ng ating mga nagdaaan. Hangad ko pa rin ang iyong kaligayahan at tagumpay sa mga bagay na nararapat mong makamtan, at nararapat para sa iyong kinabukasan. Masaya na rin ako na naging bahagi ka ng buhay ko. Hanggang dito na lang-- ilalaan ko maging sa huling tinta ang pagpapasalamat ko sa'yo at sa minsang liwanag na ibinigay mo sa tahimik at madilim na silid ng aking puso.
Kailangan kong matanggap at maunawaan na kahit maghangad man ako ng bagyo, mananatiling ambon pa rin dyan sa kinaroroonan mo.
Nagmamahal at nagpapaalam,
Isang hamak na duwag
BINABASA MO ANG
MY RANDOM THOUGHTS, SHORT WRITINGS, POEMS
RandomBefore anything else, I would like to let you know few things about myself: 1. I'm gay (I love girls!) 2. I'm introverted. 3. I am a certified weirdo. 4. I love watching the night skies, interested about galaxies, heavenly bodies and time travel. 5...