Chapter 18

689 64 5
                                    

(Fast forward)

"Anak...wala ka bang trabaho ngayon na out of town?" ang tanong ng kaniyang nanay sa kaniya nang umagang magsalu-salo sila ng agahan.

Nilunok niya ang piraso ng pandesal na kaniyang kinagat at nginuya at saka siya humigop ng mainit at makrema na kape para maitulak ang tinapay sa kaniyang lalamunan. At saka niya kunot na tiningnan ang kaniyang nanay.

"Pinapalayas niyo na po ba ako?" ang kaniyang tanong na may pagtatampo.

Mahinang natawa ang kaniyang nanay, "hindi sa ganun anak, naninibago lang ako sa iyo, dati kasi ay Panay ang alis mo ng Villacenco para magtrabaho sa iban lugar, ngayon...aba napirme ka na rito sa atin."

"Siyempre naman nanay, love your own muna ang sa atin," ang kaniyang pagtatanggol sa sarili at saka siya muling kumuha ng mainit na pandesal para pahiran ng butter.

"Sino pa ba ang dapat na maunang makinabang ng talento at talino ko, hindi ba dapat mga taga-Villacenco muna? O mga taga-Pilar muna?" ang giit pa niya sa kaniyang nanay bago niya pinunit ang malambot na pandesal at saka niya iyun isinawsaw sa kaniyang mainit din na kape.

"Aba kung ganun ang pasya mo oh eh di sige, may...trabaho ka ba ngayon?" ang tanong muli ng kaniyang nanay.

"Meron po," ang kaniyang pagsisinungaling. Wala pang kumukuha sa kaniya para maging isang eksperto sa agrikultura. Ang huling trabaho niya ay ang sa Villa Elena at hindi na iyun nasundan pa mula nang umuwi siya ng Villacenco para dumalo sa kasal nina Harlow at kaniyang kuya at sa binyag ng kaniyang pamangkin na si Caner.

Mukhang minalas na siya at walang iban dapat na sisihin dito kundi ang Ishmael na iyun! Ang inis na sabi ng kaniyang sarili.

Kaya pala nagmamadaling magbigay ng regalo kay Caner ay dahil sa lalayas na nang walang pasabi. Hmph, at talagang inagawan pa siya ng papel, dahil nalaman na lang niya na pati ang expenses sa binyag ni Caner ay sinagot na nito.

Ugh! Bakit ko ba iniisip ang lalaking iyun! Ang inis niyang sabi sa kaniyang sarili. At saka niya gigil na pinunit ang hawak niyang pandesal para isawsaw sa tasa ng kaniyang kape na tumalsik ang laman sa lamesa nang inis niyang isinasaw ang piraso ng tinapay. Tila ba kasi si Ishmael ang nilulunod niya sa laman ng kaniyang tasa.

"Ano ba iyan Cairo? Parang galit na galit ka sa tinapay ah? Nagkandatapon na ang kape mo," ang saad ng kaniyang nanay sa kaniya.

Hindi siya sumagot. Pinahid niya ng kaniyang daliri ang maliliitn napatak ng kape at saka siya kumuha ng tisyu sa ibabaw ng mesa para ipunas ang kaniyang kamay dito.

"Nga pala anak," ang sabat naman ng kaniyang tatay, "kinausap ako ng tatay ni Cade, yung may-ari ng isa pang rancho rito sa Villacenco."

Tumango siya at nagpatuloy siya sa pagkain. Magkakakilala naman ang halos lahat ng mga may-ari ng rancho ng Villacenco.

"Gusto ka niyang makausap, may...isang parte sila ng kanilang lupain na bakante, gusto ka nilang makausap tungkol sa kung anong puwedeng itanim sa lupain nila at kung anong patubig ang kailangan na ilagay," ang saad ng kaniyang tatay sa kaniya.

"Ugh, ikaw naman ang nakakaalam ng tungkol dun basta kayo na lang ang mag-usap," ang dugtong pa nito sa kaniya.

"Opo sige po, pupuntahan ko po ang bahay nila mamaya, pagkatapos kong dumalaw kina Harlow," ang kaniyang mabilis na sagot.

Mukhang sinusuwerte pa rin siya at may trabaho pa rin siya na makukuha sa Villacenco. Hindi niya kailangan na lumayo. At higit sa lahat ay maookupa pa rin ang kaniyang oras at hindi niya kailangan na tuparin na ang deal.

Mabilis niyang tinungga ang nalalabing laman ng kaniyang mug at saka siya dali-dali na tumayo.

"Oh saan na ang lakad mo?" ang tanong ng kaniyang nanay sa kaniya.

Cairo McLaury (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon