Chapter 54

745 60 34
                                    

"O anak magkape tayo," ang alok ng kaniyang nanay sa kaniya nang madatnan niya ito sa kusina kasama ang kaniyang tatay.

"Mamaya na lang po nanay," ang kaniyang sagot at saka niya tiningnan ang oras mula sa nakasabit na wall clock sa kanilang kusina.

"Aalis lang po ako sandali," ang pagpapaalam niya at tuloy-tuloy siyang naglakad patungo sa likuran na pintuan ng kanilang bahay sa may kusina.

"Susunduin mo na ba si Ishmael?" ang tanong ng kaniyang tatay sa kaniya.

"Opo."

"Hindi ba sabi ng kuya mo na ihahatid niya si Ishmael? Aba baka nagkakasarapan pa ng kuwentuhan at inuman ang mga iyun anak." Ang paalala ng kaniyang tatay sa kaniya.

"Baka naman isipin ng mga iyun na under mo na si Ishmael hindi pa man kayo naka-kasal na dalawa?" ang sabat pa ng kaniyang nanay na tinaasan siya ng dalawang kilay nito.

"Naku nanay, huwag niyo nga po munang sabihin iyang kasal-kasal na iyan," ang kunot noo niyang sagot sa kaniyang nanay.

"Saka hindi ko po siya susunduin dahil sa andredesaya si Mael, baka kasi sa halip na ako ang pakasalan na matagal pang mangyayari, eh yung kabayo nina Lucas ang mapangasawa nun!" ang kaniyang sagot at hinila niya ang pinto ng kusina para humakbang palabas ng kanilang bahay.

Agad niyang tinunton ang kaniyang sasakyan na matagal-tagal niyang hindi nagamit. At kahit pa isang mamahaling sasakyan ang ginagamit niyang transpo sa Monte de Oro, iba pa rin ang pakiramdam ng pamilyaridad ng kaniyang una at nag-iisang kotse.

Binuhay niya ang makina at kaniyang pinatakbo ang kaniyang kotse palabas ng kanilang property hanggang sa nasa main highway na siya.

Binuksan niya ang bintana at hinayaan niya ang sariwang hangin ng Villacenco na magbigay ng kaginhawaan sa kaniya.

Isang malalim na hininga ang kaniyang hinagap para punuin ang kaniyang baga ng preskong hangin.

Oo nga at malamig din ang hangin sa Monte de Oro, ngunit iba ang pamilyar na samyo ng hangin ng Villcenco. Labis ang kaniyang tuwa at muli siyang nakabalik.

Naalala niya noong hapon na nagbalik sila sa kanilang bahay. Umagos ang luha sa kaniyang mga mata. Tila ba lahat ng inipon niyang sama ng loob mula sa mga masasakit na nangyari sa kaniya sa Monte de Oro ay kaniyang ibinuhos nang sandali na iyun sa pamamagitan ng luha.

Hindi pa alam ng kaniyang mga magulang ang kaniyang dinanas na mga masasakit na kuwento sa Monte de Oro at laking pasalamat talaga niya na hindi na umabot pang muli sa kaniyang pamilya ang local news tungkol sa kaniya at sa kanila ni Ishmael. Alam niyang labis na masasaktan ang mga ito.

At ayaw niyang isipin ng mga ito na nagkukulang si Ishmael dahil sa ang katotohanan ay siya naman ang ugat ng mga nangyari sa kanila sa Monte de Oro.

At muli siyang nakaramdam ng kapanatagan nang muli siyang kanlungin ng kaniyang mga magulang.

At sa sandaling iyun ay umaasa siya na magtagal pa sila ni Ishmael sa kanilang rancho.

***

"Huh, tatahi-tahimik ka yun pala ang puntirya mo kapatid ko!" ang kunot noo na sabi ni Canaan kay Ishmael habang nakaupo sila sa labas ng bahay nina Lucas para uminom at magpalipas ng oras matapos ang mahabang gawain sa kani-kanilang mga rancho.

"Kaya nga, akala ko gentleman itong si Ishmael, mala-Alaric pala bantay-salakay!" ang sundot naman na pang-aasar ni Carlos bago ito tumungga ng beer sa hawak nitong bote.

"Ano? Ako na naman ang nakita ninyo?" ang angal ni Alaric na kumunot ang noo at napaatras ang mukha nang dahil sa sinabi ni Carlos.

"Ops-ops, hindi lang iyun," ang mariin na sabat ni Rauke, "yung tipong trabaho raw ang pakay pero iba pala ang gustong trabahuin ha ha ha! Aray!" ang hiyaw ni Rauke nang tumama sa noo nito ang tansan na takip ng beer na ibinato ng kuya nito.

Cairo McLaury (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon