CHAPTER 7

479 3 0
                                    

MAINGAT kong inakyat ang hagdan ng basement nang hindi gumagawa ng ingay. Nang tuluyan ko nang naakyat at makapasok sa loob ng kuwarto ni Darius ay para akong nakahinga ng maluwang nang makitang walang katao-tao sa loob at napakatahimik.

Naglakad ako at binuksan ang nakasaradong pinto ng kuwarto. Bumungad sa akin ang napakahabang hallway. Nakabuhay ang lahat ng ilaw.

Bahagyang napaawang ang labi ko. Anong klaseng lugar ba 'to? Nasa isang palasyo ba ako? Sobrang lawak ng hallway at puro puti ang buong paligid. Walang katao-tao kaya mabilis akong tumakbo.

Pagdating ko sa dulo ng hallway kung saan kailangan nang lumiko ay agad na nanlaki ang mga mata ko nang makita ang dalawang lalaking parehas may dalang armas at may nakasabit pang bala sa katawan. Mabilis akong nagkubli sa isang mamahaling vase na nakalagay sa gilid ng hallway. Napahawak ako sa sarili kong bibig para hindi makagawa ng ingay. Ramdam ko ang lakas ng pagkabog ng dibdib ko dahil sa sobrang kaba. Muntik na akong mahuli.

Nang makaalis na ang dalawang lalaki ay saka ako umalis mula sa aking pinagkukublihan at lumiko ng daan. Pero pagkaliko ko palang ay agad akong napatigil at napatingin sa malaking glass wall kung saan tanaw na tanaw ko ang malawak na karagatan at ang maliliit na alon na humahampas sa puting buhangin. Hindi ko alam kung pagabi na ba o paumaga, medyo may kadiliman na sa labas pero makikita parin ang ganda ng tanawin.

“It's beautiful,” I whispered. Hindi ko mapigilan ang hindi mamangha sa ganda ng tanawin na nakikita ko. Hindi ko na namalayan na nakangiti na pala ako habang nakatanaw sa malawak na karagatan.

Nawala lang ang ngiti ko nang mapadpad ang tingin ko sa mga lalaking naglalakad sa dalampasigan. May mga hawak silang baril tulad ng dalawang lalaking nakita ko kanina.

“Luging-lugi na tayo! Luging-lugi na!”

Napapitlag ako sa gulat dahil sa galit na boses na nagmumula sa di-kalayuan kung saan ako nakatayo.

Dala ng aking curiosity ay maingat akong naglakad palapit sa isang room kung saan nagmula ang tila galit na boses.

Bahagyang nakaawang ng konti ang pinto. Maingat akong sumilip para makita kung sino ba ang sumigaw.

Ganon nalang ang pagkunot ng noo ko nang makita ang kaganapan na nangyayari sa loob ng silid.

Sa isang sofa ay nakaupo ang isang lalaki na nakasuot ng business suit at parang galit na galit. Tingin ko ay hindi bababa sa 50 ang edad; may katabaan ito at may pumapalibot na balbas sa pisngi, may hawak pa itong umuusok na sigarilyo, at sa leeg nito ay may kumikinang na malaking gold necklace. May tatlong lalaking di-baril ang nakatayo sa likod nito na siyang tauhan.

Sina Larco at Darius naman ay nakatayo lang paharap sa lalaki. Hindi ko makita ang mukha nila dahil patalikod silang dalawa sa akin, pero ramdam ko ang namumuong tensyon sa loob ng silid.

“Kung hindi niyo kayang ubusin ang mga lintik na pulis na 'yun, p'wes pasabogin niyo ang Police Station! O kaya kumuha kayo ng isa sa kanilang pamilya at pugutan niyo ng ulo dito sa isla! Ang dapat sa mga ganyang pulis ay nireregaluhan ng mga ulo para matutong kumilala ng dapat kalabanin!” wika ng lalaking nakaupo.

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.
Pugutan ng ulo? Pasabogin ang police station? Pulis? Isla?

Tila kinilabutan ako nang unti-unti nang napagtanto ng utak ko ang sitwasyon na kinalalagyan ko ngayon.

Ibig sabihin ay nasa isang Isla ako, at hindi lang basta isla, kundi isla ng mga sindikato. At kung sakaling makita nila ako at mahuli ay paniguradong puputulan nila ako ng ulo base sa kanilang usapan at galit sa mga pulis.

Oh my god!

Napatakip ako sa sarili kong bibig at mabilis na nilisan ang silid ng hindi gumagawa ng ingay.

Heartbeat of the Ruthless Criminal Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon