Applicant #1: 99

866 33 14
                                        

Siyamnaputsiyam ang tawag sa isang eroplanong pandigma na naglalaglag ng siyamnapu't siyam na pampasabog sa lupa. Alam iyon ng bawat kalahi ko sa bayan, at sa maniwala ka man o sa hindi, lahat sila takot. Kahit pa si Damir na kinikilalang pinakamatapang na tao sa lugar namin e nanlalambot ang maskuladong katawan sa tuwing may nasigaw ng "Air raid!"

Ang tanging nilalang lang na nakilala kong hindi nawawala sa sarili sa presensiya ng Siyamnaputsiyam ay si Drigo. Si Drigo na minsan kong inasam na matawag na itay. Si Drigo na laging nagpapaalala sa 'kin na natural lang ang mamatay; na kasama iyon sa paulit-ulit na proseso ng pagkabuhay.

Nakilala ko si Drigo bilang isang matalinong tao. Marami siyang nalalaman tungkol sa mundo dahil sa dami ng librong nabasa niya. Ang pinakagusto kong natutunan sa kanya ay kung paano magbasa ng mga bituin sa kalawakan. Ang lagi pa nga niyang sinasabi sa'kin, "Drimm, ang karunungan ay lakas." Kaso hindi niya nagamit ang lakas na 'yon nang isang araw na muling umatake ang Siyamnaputsiyam sa bayan.

Nawala si Drigo kasama ni Inay sa binombahan na lugar na puno ng makinarya, kung saan pilit silang pinagtratrabaho ng gobyerno at ng mga kapitalista. Alam kong mahal nila ang isa't isa pero hindi naman siguro makatarungan na iniwan nila sa'kin ang dalawang batang mamumulat lang din sa magulo at marahas na mundo.

Si Dette, gabi-gabi na lang siyang umaatungal kahit hindi naman tumutunog ang kampana sa simbahan (senyales na may posibilidad na paatake ang Siyamnaputsiyam.) Lagi niyang sinasabi na paano kung ang simbahan ang unang puntiryahin at hindi namin maririnig ang alarma. Siya rin ang laging naghahanap kay Inay at sa tatay niya, at hindi ko alam kung paano maipapaliwanag sa kanya na may mga bagay na naglalaho sa apoy.

Si Desar naman, hindi ko alam kung paano ko siya magagawang pabusugin kahit sa isang araw man lang. Laging gutom ang bituka niya. Laging sa kanya ang malaking porsyon ng pinaghahati-hatian naming rasyon sa araw-araw. Kung hindi siya nahuhuli dahil sa pagnanakaw ng pagkain ng mga kapitbahay, sa kakahuyan ko pa siya nahahanap. Ang lagi niya pang katwiran sa tuwing pinapagalitan ko siya, hindi raw siya isang baboy na nasa kulungan.

Silang dalawa ang problema ko. Laging kapakanan nila ang iniisip ko, at hindi ko alam kung hanggang kailan kaming ganito. Minsan, sa pagdarasal ko sa gabi, napapahiling ako na sana bumagsak na ang siyamnapu't siyam na bala sa itaas habang mahimbing kaming natutulog. Sa gano'ng paraan, kahit papaano, wala na kaming mararamdamang paghihirap. Wala akong maririnig na iyak o sigaw. Tahimik at payapa. O siguro nga, nasa kabilang buhay talaga ang kapayapaan na ikinakauhaw ko.

Pero sa tuwing pinagmamasdan ko ang kalawakan, may kakaibang siklab sa dibdib ko. Mahirap ipaliwanag pero, kapag nakikita ko ang bagong hanay ng mga bituin, nababasa kong may makakagawa ng malaking alon sa sirang sistema ng mundo. Sigurado ako.

O' sana...

Naniniwala ako.

O' sana;



Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon