Applicant #62: Teritoryo

273 13 9
                                        

Kay dilim ng inyong kinalalagyan. Magkaibang mundo sa loob ng kuwadradong sisidlan. Masikip at hati-hating espasyo para may mapaglagyan ng iba pang mga kalahi.

Pakakainin at palalakihin para sa napipintong digmaan. Digmaang kinagigiliwan ng karamihan. Pinakahihintay na araw ng mga tinamaan ng magaling.

Sinungkit sa kung saang sulok ng halamanan o kung saan pa man. Lahi niyo'y kakaiba ngunit pilit na pinaglalaban. Dalawang lahi sa loob ng isang digmaan. Hindi niyo maintindihan kung ano nga ba ang inyong pinaglalaban. Tanging alam niyo lang ay kung sino ang buhay ay siya'ng panalo.

Natapos na ang paghahanda. Sumilip ang liwanag sa inyong selda. Naramdaman niyo na rin ang hangin na pilit ipinagkait sa inyo sa apat na sulok na kuwarto. Mabini ang galaw kasabay nang paglamon ng kaba. Ito na ang araw ng katapusan.

Iisang lugar lamang ang inyong gagapangan. Sa bawat galaw, hiyawan at tanging naghihintay na mga mata ang nakatutok. Kaniya-kaniyang bulungan kung sino ang mananalo. Kalansingan na ng barya ang maririnig. Lagayan ng salapi sa palad at huhudyat na ang simula ng digmaan.

Gumalaw ka, gumalaw din siya. Umurong ka, umurong din siya. Huminto, naghihintay kung anong gagawing atake. Nag-iisip, maraming naiinip hanggang sa lumindol at nag-unahan na sa pag-atake.

Umpisa at huling yugto; inyo nang ibinigay ang lahat. Kumaripas ka ng takbo, maging siya ay pursigido rin. Sa pagdaluhong ay ipuputok ang sandata't kulay puti ang lalabas. Bawat labas ay siya nga namang kailangang ilagan.

Naiputok na lahat, ngunit digmaang naganap ay hindi pa rin nagtapos. Inyong lakas ay unti-unti nang nababawasan. Hiyaw ng pusong gustong mabuhay ang nagsusumiksik. Tibagin man ang harang ay wala pa ring mangyayari. Mananatili at mananatili pa ring bulag at bingi ang mundo.

Teritoryo nga bang talaga ang pinaglalabanan o ang mga kamaong nakikipagmalakasan? Katanungang sumagi sa inyong isipan at muling nagpaulan ng puting pulbura.



Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon