"Anak, halika nga rito," malambing na saad ng Ina ni Gera.
"Ano po 'yon ma?" Nakayukong lumapit si Gera sa kanyang Ina, dahil alam niyang may nagawa siyang masama kanina habang naglalaro sila ng kanyang mga kaibigan.
"Ano 'yong nabalitaan kong tinulak mo raw si Alvin, habang naglalaro kayo?"
Mas lalong napayuko si Gera sa tanong ng kanyang Ina. Pakiramdam kasi nito ay papagalitan ito. Hindi alam nung bata kung ano ang gagawin at sasabihin, kaya pinili na lang nitong tumahimik. Tuluyan na ring bumagsak ang kanyang mga luha, dahil alam niyang mali ang kanyang nagawa.
Niyakap naman agad ng kanyang Ina si Gera, at hinimas-himas ang likod nito habang pinapatahan. "Shh, Anak, tahan na. Hindi naman kita papagalitan e, hindi ko lang nagustuhan 'yong ginawa mo. Anak, lagi ko namang sinasabi sa 'yo na magpakabait ka."
"Kasi po ma, siya po 'yong nauna. Nang-asar po siya na mahilig daw po ako sa away, kasi Gera ang pangalan ko. No'ng una po, 'di ko pinansin. Pero po nang-asar po ulit. Tapos po tinulak ko na po siya. Saka ko na lang po naalala mga turo n'yo. Na bawal pong makipag-away. Sorry po mama. Nag-sorry rin naman po ako sa kanya, kaso po ayaw niya pong tanggapin." Patuloy pa rin ang pag-iyak ni Gera habang nagpapaliwanag.
Napangiti ang Ina ni Gera, dahil sa sinabi nito. Sa murang edad nito, na pitong taon, ay marunong na itong tumanggap ng pagkakamali.
"'Wag ka nang umiyak anak ko. Tumahan ka na, ang mahalaga anak, ay nalaman mo ang pagkakamali mo. Hindi masamang magkamali anak. Habang lumalaki at nagkaka-isip ka, lalong humihirap ang mga desisyon at pagsubok na makakasalamuha mo. Lalo na sa ating isipan. Araw-araw na may gera rito, gera ng mabuti at masama. Katulad na lang kanina, nanalo ang masama no'ng tinulak mo si Alvin. Pero nang nalaman mo ang pagkakamali mo at humingi ka nang tawad, nanaig pa rin ang mabuti. Lagi mong panatiliin sa puso at utak mo ang kabutihan." Napatigil sa pagsasalita ang kanyang Ina, at huminga nang malalim.
"Lagi mong tatandaan anak, wala sa pangalan ang kaugalian ng tao. Pangalan mo man ay Gera, na ang kahulugan ay kaguluhan, hindi pa rin nito mapapalitan ang kahulugan ng iyong pagkatao. Ikaw si Gera, na may mapayapang kalooban, dahil alam mo ang tama sa mali. At sinasapuso mo ang mga aral na itinuturo ko sa 'yo."
Humiwalay si Gera sa pagkakayakap ng kanyang Ina at ngumiti na ito. Tumahan na siya sa kanyang pag-iyak. At saka naman hinalikan ang Ina.
"Opo mama, naiintindihan ko po kayo. Pipilitin ko pong gumawa ng mabuti, at pipilitin kong ipanalo ang kabutihan sa isip ko kapag may gera po ulit na magaganap. Salamat po mama."
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
