Langit o Impiyerno. Iisa lang ang magiging huling hantungan ng bawat kaluluwa sa mundong ito. Iisa lang.
"Impiyerno!"
Luhaan siyang napaangat ng ulo at nakita niya sa kanyang harapan ang pagbabanggaan ng mga sandata: sandatang hugis tinidor para sa lalaking demonyo at espada para sa binatang anghel.
"Pag-aari siya ng Impiyerno!"
Natutuliro ang kanyang isipan at nanginginig siya sa takot habang nakaluhod at yakap-yakap ang sariling katawan. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na hindi totoo ang mga nangyayari at panaginip lamang iyon, pero...
"Siya nga ba? Kung gayon ay bakit ako nandito upang sunduin siya?" kalmadong tanong ng anghel habang nakikipagbuno sa kalaban, bago sumulyap sa gawi niya.
Biglang nanginig ang buo niyang katawan at napahigpit pa ang pagkakayapos niya sa sarili nang bumalik sa kanyang alaala ang pulis na tumutugis sa kanya kanina dahil sa pagbebenta ng droga. Napuruhan siya nito sa dibdib at tumagos ang bala sa mismong puso niya. Mas lalo siyang napaiyak sa napagtantong patay na siya at ngayon ay nasa gitna ng isang labanang ang premyo ay ang kanyang kaluluwa.
"Hangal na anghel! Isa nga siyang makasalanan!" Malakas na tinadyakan ng demonyo ang anghel, dahilan upang tumilapon ito malapit sa kanya, at sa nanlilisik na mga mata'y binalingan siya nito at nakakalokong ngumisi. "Ikaw, kaluluwang makasalanan, ay inaangkin na ni Satanas!"
Lumuluhang napatulala siya sa mabalasik nitong mga mata. Natatakot siya sa kanyang kapalaran, ngunit alam niyang lahat ng kasalanang kanyang ginawa ay may kabayaran. Wala siyang takas.
"Ngunit tinututulan iyan ng Diyos!"
Nakangangang napabaling siya sa anghel na nakatayo na sa kanyang gilid. Napa-iling siya dahil hindi siya makapaniwalang gugustuhin ng Panginoon na mapunta siya roon.
"Nagkakamali kayo. Totoong isa akong makasalanan. Walang kapatawaran ang aking mga ginawa." Kasabay ng pag-alpas ng kanyang mga luha ay ang pagragasa rin ng mga alaala. Hindi niya mapigilan. Lahat ng kasalanang ginawa niya mula sa pagpatay sa amaing gumahasa sa kanya, sa pagpapalaglag sa batang dinadala, sa pagnanakaw, sa pagsira niya sa kinabukasan ng iba dahil sa pagtutulak ng droga... Lahat nang iyon ay walang kapatawaran at alam niya kung saan siya nararapat.
"Sa Impiyerno ako dapat mapunta."
Isang matagumpay na halakhak ang pinakawalan ng demonyo nang marinig ang kanyang pag-amin. Nagbabaga ang mga mata at nanunuyang napangisi ito sa anghel. "Paano ba iyan, Anghel? Mula na mismo sa kanyang sa Impiyerno siya dapat mapunta... kaya akin siya!"
Ngunit hindi ito pinansin ng anghel at tiningnan lamang siya nang mataman. Kapagkuwa'y determinado nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa espadang dala at muling hinarap ang kalabang nagyayabang. Humakbang ito palapit sa demonyo, pero muli itong tumigil at nakangiting nilingon siya.
"Kahanga-hanga ang iyong ginawa at siguradong nagagalak Siya na sa wakas ay inamin mo na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, hayaan mo akong ipagtanggol ka dahil ito ang aking tungkulin. Ang nais ng Panginoon ay talikdan mo ang iyong mga mali at sumunod sa Kanya, sapagkat hindi ang mga matutuwid ang Kanyang tinatawag, kundi ang mga makasalanan. Hindi pa huli ang lahat. Tanggapin mo Siya."
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
