Applicant #15: Digmaan sa Himpapawid

314 19 15
                                        

Sumasabog ang bawat tamaan ng panira ng maroon na jet na gamit niya. Ang mga nagliliparang pugita, tiyanak at anghel sa kalawakan na gustong sumakop sa daigdig ay sapul lahat sa kaniya. Mabilis niyang naiiwasan ang iba't – ibang bala na ibinabato sa kaniyang jet. Iba't – ibang hugis, iba't – ibang laki. Malapit na siyang tamaan ng laser ng isa sa mga kalaban nang gamitin niya ang isa sa tatlong bombang natitira.

"Akala niyo ha! Mga gagong alien kayo! Yan ang dapat sa mga pangit ninyong mukha!" sandali siyang nangulangot at ngumiti.

Pinagmasdan niya ang kalangitang binalot ng kulay ng digmaan. Magkahalong kulay kahel at usok ang kalangitan na nagliliwanag sa tuwing may sumasabog na mga sasakyan ng kalabang alien.

Marami pa ang tumabi sa kaniya para matulungan siya sa pakikidigma at marating ang pinakamalaking sasakyan na nilalabasan ng daan - daang kalabang tiyanak, pugita at anghel. Marami ng eroplano ang napasabog ng mga alien nang tumabi sa kaniya ang isa sa pinakamagaling niyang kaibigan: si Nardo.

"Pre, ikaw na ang bahala sa mga tiyanak. Ako ang bahala sa mga pugita at anghel." Ang pag-uutos niya rito. "I-reserba natin ang natitirang lakas ng sasakyan at ang mga bomba para patayin ang master ng mga gagong 'to!"

Nilapitan ng kaibigan niyang si Nardo ang eroplano niya bago ito magfocus sa digmaan.

"Okay, pre. Galingan natin! Para sa kaligtasan ng buong mundo!" sabay abante ni Nardo sa jet nito. Sunod – sunod at pakalat ang tira ng camouflage na jet na kinokontrol niya. Nauna nang lumusob si Nardo at bawat daanan ng panira ng kaniyang jet ay sumasabog rin, walang nakakaligtas. Ubos ang mga tiyanak sa himpapawid.

Siya naman ang nagpakitang gilas sa kaibigan pagkatapos. Ang diretsong panira ng jet ang umubos at nagpasabog sa mga pugita at anghel . Malapit na nilang marating ang pinakabase ng master nang makaramdam siya ng matinding kilabot.

Kilabot na hatid ng sipol na pamilyar sa kaniya ang tunog. Nagpatuloy pa sila ng kaibigan niyang si Nardo sa pagpatay sa mga alien. Nasa kuta na sila ng master at halos kumpleto pa ang power ng jet na sinasakyan at ang bomba nang muli niyang marinig ang napakatinis na sipol. Nagmadali siya. Nalito sa sunod – sunod na pagpindot sa mga button ng panira at pagkambiyo ng stick na kumokontrol sa jet na minamaneho niya.

Isang malakas na pingot ang nagpahinto sa kaniya sa paglalaro.

"Ikaw talagang bata ka! Iniwan mo na naman yung sinaing ng dahil sa video game na 'yan!" ang sermon ng kaniyang ina. Kinaladkad siya nito patungo sa kanilang bahay ilang metro lang ang layo mula sa video game-an.

Nagtawanan ang mga batang nakapila at naghihintay ng pagkakataong makalaro. Namatay ang jet nilang dalawa ng kaibigan niyang si Nardo. Nag-unahan ang mga bata na makahulog ng piso. Nagsimula ang tugtog ng video game na hudyat ng simula ng laro.

Umpisa na naman ang digmaan. Ng mga batang naghihintay makalaro kahit hindi pa nanananghalian.




Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon