Applicant #18: EMMANUEL

237 17 16
                                        

...Silent night...Oh, holy night...

Hindi ko na alintana ang lamig ng sementadong kalsada. Kailangan kong tumakbo ng mabilis para sa dalawang rason–buhay ko at buhay ng aking magiging mag-ina. Sumasabay sa paghampas ng malamig na hangin sa aking mukha ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Bagama't katatapos lamang umulan, ramdam ko ang pamumula ng aking mukha at 'di maampat na paggiti ng mga pawis sa aking leeg.

"Aray! Punyeta..."

Nilingon ko ang babaeng hindi ko sinasadyang mabunggo. Base sa kanyang marangyang kasuotan at postura, marahil ay isa siya sa mga nanggaling sa kalapit na simbahan, sa tahan ng itinituring niyang Diyos. Naririnig ko pa ang mga awitan at sermon ng pari na nagaganap para sa madaling-araw na ito ng Disyembre, sumasaliw sa pagragasa ng mura mula sa ginang.

" Tang'na Pre! Nakita ko lang dito kanina ang animal na 'yun. May pagka-hunyango ang putragis..." ani isang mabalasik na tinig. Nagbalik ang kilabot sa bawat himaymay ng aking katawan. Nakilala kong agad na si Topeng Damulag ang may-ari niyon, ang lider ng kalaban naming gang. Kapwa kilala at pinangingilagan ang Tres Ekis Diyes at Cristo Inferno, ang aking kinaanibang grupo, sa mga karatig-lugar ng kalyeng ito. Halos tatlong beses kada isang linggo kung magkaroon ng gang war ang aming mga pangkat. Latak sa lipunan— bansag na parati kong nilulunok kapag ako'y sasabak sa digmaang kalye. Musmos pa lamang ay ang bente'y nuwebe na ang kinikilala kong panginoon bukod sa aming Amang na supremo ng Cristo Inferno. Hindi kailanman nabali ng mga pulbura, punglo ng sumpak o kapwa nito patalim ang pananampalatayang sinisimbulo ng aking sandata. Ako'y malakas at hindi magagapi ninuman tuwing tangan ko ang aking diyos. Nakararamdam ako ng 'di matitingkalang kasiyahan sa bawat digmaang pinagwawagian naming dalawa at ng pangkat.

" Ayun si Jojong Talim! "

Ganito pala ang pakiramdam ng wala ang Diyos sa aking tabi. Takot, at sari-saring pangitain ang pilit nagsusumiksik sa aking pagkatao. Binitiwan ko na ang aking panginoon noong isang araw. Itinapon ko ang aking bente'y nuwebe sa tambakan ng basura upang tuluyang yakapin ang buhay palayo sa kinagisnan kong tahanan. Pinili ko si Marinella. Ibang Diyos ang gusto kong makilala ng aming magiging supling. Hindi kinakalawang.

Ilang ikot pa sa mga masisikip na kalye at napagpasyahan kong taluntunin ang daan pabalik sa munti naming tahanan. Hindi naman siguro makasasama sa kanya kung ipagpapaliban muna ang pag-inom ng tabletang ipinabibili sa akin ni Aling Rosaria. Mainit pa rin ang aking pangalan sa Tres Ekis kahit itiniwalag na ako sa aming pangkat, palibhasa'y batid nilang ako ang kanang-kamay ni Amang. Siguradong may nagaganap na namang digmaan noong ako'y mapadaan sa liwasan kung saan ako nasumpungan ni Topeng Damulag. Natatanaw ko na ang kariton kung nasaan ang aking si Marinella. Ilang hakbang na lamang. Napangiti ako ng maalala ang pakiramdam ng mahawakan ko sa unang pagkakataon ang aming Emmanuel. Kaunti na lamang at—

Mga munting palahaw at putok ng isang punglo ang huli kong narinig bago ako nilamon ng nakabibinging kadiliman...




Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon