Applicant #61: Tatapusin Ko

331 20 15
                                    

"Mas gugustuhin ko pang magpakalunod sa alak at mamatay kaysa malagutan ng hiningi nang dahil sa lintik na mga rebeldeng 'yan.

"Hinding-hindi ko ipagkakatiwala ang kamatayan ko sa kamay ng kahit na sino." Lumagok ulit siya ng alak.

Nasa truck kami, nakaupo. Katapangan dapat ang suot namin sa mga oras na ito pero tila ayaw makisama ng mga nangangatog na tuhod at nanlalamig na kamay. Si Jared, siya lang ang mukhang kalmado. Nagawa pa talaga ng gagong uminom sa lagay na ito.

"Ayaw mo? Madali lang 'yan, P're. Iuna mo silang isunog sa apoy na sila mismo ang nagsindi." Tumawa pa ako para maibsan ang tensyong nararamdaman ng lahat.

"Wala akong balak," walang ganang sagot niya.

Biglang natigil ang lahat. May sumabog. Agad kaming nagsitalunan nang malamang ang gulong ng truck ang tinira ng kalaban.

Nilawakan ko ang sakop ng tingin. Kita ko ang mga kasama kong nagtatago rin sa mga kabahayan. Depensa.

Kumakabog ang dibdib ko, malakas. Ito ang unang beses na sasabak kami sa tunay na bakbakan. Lampas kalahati ng bilang ng sundalo na ang nalagas. Halos sinakop na ng mga rebelde ang buong bayan. Tawag ng pagnanais ng matagalang kapayapaan ang nag-udyok sa'min para lumaban din. Lumaban sa mga rebeldeng pinipilit isiksik sa isipan namin ang paniniwala nila.

Mga sibilyan kaming nagboluntaryong sumapi sa hukbong sandatahan.

Mula sa pinagtataguan, nahagip ng mata ko ang sa palagay ko'y mag-inang takot na takot. Nasa loob pa sila ng kanilang bahay. Nangungusap ang kanilang mga mata, tila nagsasabing palitan na namin ng tuldok ang nagtatanong na pangungusap.

Napabuntong-hininga ako. Maging ako man din, 'di alam ang sagot sa tanong kung kailan ba makakamit ang kapayapaan o kung matutuldukan pa ba ang labanang ito.

Kung mayroon mang naghihiwalay sa tao at hayop, 'yun ay ang kakayahan ng taong mag-isip at paghiwalayin ang tama sa mali. Ang problema, minsan, ang pinaniniwalaang tama ng isa, siya namang mali ng isa pa. Walang pagkakasundo.

Napakunot ang noo ko nang makita si Jared. Nakatutok ang baril niya sa kanyang sentido.

"P're!" mahinang tawag ko sa kanya. "Anong--- Nababaliw ka na ba?"

"Tatakas." Kaswal lang ang pagkakasabi niya.

"Saan? 'Wag kang duwag!"

"Sa lugar kung saan payapa ang lahat. Walang gulo."

Ngumiti siya, mapakla.

Kinalabit niya ang gatilyo. Pumutok. Sapol sa ulo. Ang katawan, bagsak. Saksi ang malamig na semento sa nangyari.

Napanganga ako.

Marahil para sa kanya, 'yun ang tama. Para sa kanya, 'yun lang ang paraan para makamit ang kapayapaan. At hinarap niya ito nang buong tapang.

Hinawakan ko nang mahigpit ang iskopeta. Lalaban ako dahil sa sitwasyong ito 'di na mahalaga kung sino ang tama at mali. Sa labang ito, sa huli, 'di pa rin malalaman kung sino ang tama; kung sino lang ang matitirang nakatayo.

Matira ang matibay. Lalaban ako.

Tatapusin ko ang pangungusap na ito gamit ang tuldok.



Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon