Hindi niya alintana ang nakaambang panganib. Marahan niyang pinasok ang kuwarto habang hawak ang kalibre .45 na baril.
Nang wala siyang makitang tao, kaniyang isinunod ang kabilang kuwarto. Dito tumambad sa kaniya ang isang lalaki. Agad siyang pinaulanan ng putok ng baril.
Agad siyang bumawi sa kalaban. Bang! Bang! Bang!
Maingay ang palitan ng mga bala. Bawat pindot sa gatilyo ay ang pag-usok ng nguso ng kanilang baril.
Tumakbo siya palayo nang maubusan ng bala. Pero tuloy pa rin ang kalaban niya sa pag-ariba. Sa pagtatangkang makalayo ay nahagip siya sa balikat. Duguan siyang nagtago sa loob ng banyo.
Pisil-pisil niya ang kaliwang braso upang di tumulo ang dugo. Hindi alintana ang sakit.
Mahinahong niyang pinalitan ang magasin ng baril at tahimik na pinakikinggan ang paligid. Tumayo siya at lumabas sa pinagtataguan. Hinanap niya ang lalaki.
Walang pasabing umulan muli ng mga putok ng baril. Agad siyang nagtago sa gilid ng isang lumang aparador.
"Sumuko ka na!" sigaw sa kaniya. "Alam kong paubos na ang bala mo! Wala ka nang kawala!"
Huminga siya nang malalim, tumayo, at walang atubiling lumusob papunta sa pinanggalingan ng boses.
Bang! Bang! Bang!
Umalingasaw ang palitan ng putok ng baril.
Tinamaan muli siya sa binti bago nakapagtago. Alam niyang agrabiyado siya pero hindi ito hadlang para tapusin ang binigay na trabaho sa kaniya–ang patayin ang utak ng himagsikan. Kung mamamatay ako, mamamatay akong lumalaban!
Lumipas ang mahabang saglit, pero tahimik pa rin ang paligid. Naghintay pa siya, pero gan'on pa rin.
Lumabas siya sa pinagtataguang sofa.
"Huli ka!" bumulaga sa kaniya ang baril.
Agad niyang sinunggaban ang baril ng kalaban. Sa kanilang pag-aagawan ay nasira ang baril.
Mula sa kusina, namayani ang nakabibinging tinig ng ina. "Anak ng! Ano ba Jun-Jun? Jom-Jom? Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na 'wag na 'wag niyong paglalaruan ang mga hanger? Kita niyo 'to? Sino nakabali nito?"
Nanahimik ang dalawa sa sulok, nakayuko at mangiyak-ngiyak.
"Sino?! Naku, naku! Kayo talagang kambal kayo! Makakatikim kayo sa akin!"
Lumapit ang ina upang paluin ang magkapatid.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
De TodoThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.