Applicant #14: Depresyon

318 18 24
                                        

"Hayan, tumatangis ka na naman. Ano, iiyak ka na lang? Sugurin mo sila! Sila ng babaeng ipinalit niya sa 'yo!"

"Hindi. Nararapat lamang na intindihin mo ang mga bagay-bagay. Bawat pagtalikod ng isa ay ang pagdating ng isa pa."

"Kahangalan! Hahayaan mo na lang ba silang maging masaya habang ika'y nagdurusa? Mag-isip ka!"

"Huminga ka nang malalim, at saka isaalang-alang ang positibong parte, Yuri. Mas makabubuti para sa 'yo ang nangyari. Naganap ito nang maaga, nalaman mo ito kaagad, bago ka pa mag-alay ng lahat."

"Nasasaktan ka, Yuri. Galit ka. Pinagtaksilan ka ng 'yong nobyo at ang malala pa'y ang pinakamalapit mong kaibigan ang ipinalit niya sa 'yo!"

"Huwag na 'wag kang magpapadala sa galit. Bubulagin ka lamang nito."

"Kaawa-awa ka! Naglilimos ng pagmamahal sa mga taong hindi ka mahal. Wala nang magmamahal sa 'yo."

"Maraming nagmamahal at nagpapahalaga sa 'yo, Yuri. Nandiyan ang mga magulang mo."

"Hahaha! Hindi ba't may kani-kaniya nang pamilya ang mga magulang mo nang sila'y maghiwalay? At ang dal'wang taong lubos na pinagkatiwalaan mo, ngayo'y tinalikdan ka na. Tama, kung wala ka nang magagawa, may isang napakadaling paraan upang tapusin ang lahat."

"Nararapat lamang na sa bawat pagkabigo ay bumangon. Tumayo, sa bawat pagkadapa."

"Magwala ka, Yuri! Iniwan ka na ng lahat. Tama 'yan, itapon mo lahat ng madaraanan ng mata mo!"

"Galit ka lang. Huwag kang gagawa ng 'sang bagay lalo pa't wala sa kondisyon ang isip mo. Kumalma ka, saka mo harapin ang lahat."

"Naaawa ka na ba sa 'yong sarili? Hangal ka kasi! Nagpauto ka! Ano? Kung magpakamatay ka na lang kaya? Tutal wala namang silbi 'yang buhay mo!"

"Mahalin mo ang 'yong sarili. Huwag kang susuko."

"At ano pang ginagawa mo? Bakit mo tinatawagan ang numero ng lintik na lalaking 'yan? Tapos hindi ka rin pala magsasalita. Ang hina mo!"

"Sa ganitong pagkakatao'y ayos lamang maging mahina. Umiyak ka, ilabas ang sakit. Matapos ay tumayo ka upang bawiin ang dating ikaw na inalis nila sa 'yo."

"Ano na naman 'yan? Bakit ka tatawag ulit? Anong bye? Ganoon na lang 'yon? Ba-bye boyfie, doon ka na kay bestie?"

"Tama 'yan. Magpaalam ka na sa kaniya at maging sa masasakit na alaala. Darating ang bukas. May panibagong pag-asa. Maniwala ka lamang sa Ama."

"Hmm. Gusto ko ang itinatakbo ng utak mo. Tama, ituloy mo lang 'yan. Hayun, titigan mo ang basag na salaming dulot ng pagwawala mo kanina. Pulutin mo."

"Hindi solusyon ang pagpapakamatay."

"Tapusin mo na ang lahat ng 'yong paghihirap. Isang hiwa lang sa leeg o 'di kaya'y pulso, Yuri. Isang hiwa lang."

"Hindi ka malalagay sa tahimik, Yuri. Sasalubungin ka lamang ng nagbabagang apoy sa kabilang buhay!"

"Hahaha! Ako na naman ang nagwagi. Panibagong kalul'wa ang naialay ko sa diyos ko! Hindi na nila kailanman masusupil ang kasamaan!"




Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon