Malakas na pagsabog, sigawan at paghingi ng tulong ng mga tao at ang sirena ng ambulansya ang kaniyang naririnig sa kaniyang paligid. Mga pagpapalitan ng putukan ng mga baril ay umaalingawngaw sa magkakabilang kalye. Nagkalat din ang mga basag na salamin na galing sa mga tindahan at ang mga taong wala ng buhay na pakalat-kalat sa daan.
Bigla siyang natigilan sa kaniyang pagtakbo. Nang marinig ang pagsigaw at paghingi ng tulong ng isang bata ay lumingon siya sa paligid para hanapin kung saan nanggagaling iyon. Dumako ang kaniyang atensyon sa isang sulok kung saan may humahagulgol na bata--sunog ang kalahating parte ng katawan nito at namamaga na ang mga mata.
Tumakbo siya papalapit dito at agad na hinawakan ang kamay nito para ilayo sa gulo. Ngunit agad niyang nabitawan ang kamay ng paslit nang marinig ang pagdaing nito. Sinipat niya ito at nakita niya ang pagdurugo ng maliit nitong kamay na marahil ay natamo niya sa mga tumalsik na basag na salamin. Wala sa loob siyang napatitig sa mga mata ng musmos. Takot at lungkot--iyan ang ilan sa mga nakita niya sa mga mata nito.
Nang marinig ang malakas na pagsabog na ilang metro na lang ang layo sa kanila, mas mabilis pa sa alas-kwatro nang buhatin ang walang kamuwang-muwang na bata. Sa murang edad nito, hindi dapat nito nasasaksihan ang eksena tulad ng gulong ito. Gaya ng karamihang mga bata, nag-aaral dapat ito sa eskwelahan ngayon at masayang nakikipaglaro sa mga kaibigan. Ngunit dahil sa mga walang awang mga teroristang biglang sumugod sa kanilang bayan, nasira na ang kinabukasang dapat nilang maranasan.
Tumakbo siya ng mabilis sa abot ng kaniyang makakaya. Kailangan niyang iligtas ang bata. Hinding hindi siya papayag na bawiin agad ang buhay na ibinigay ng Maykapal dito dahil marami pa dapat siyang matutunan at malaman sa mundong ibabaw. Hanggang nasa kamay niya ito, hanggang nasa piling niya ang batang ito, ilalayo niya ito sa kapahamakan at gagawin ang lahat para mailigtas lamang.
"Mama," sambit ng kaniyang bitbit na musmos at ramdam niya ang takot sa boses nito.
"Huwag kang matakot. Ililigtas kita," wika niya sa pagitan ng kaniyang paghingal.
Kanina pa siya tumatakbo at nararamdaman na niya ang pagod ngunit hindi niya iniinda iyon. Kailangan nilang makalayo, hindi para sa kaniyang sarili lamang ngunit para na rin sa bata.
Huminto siya pagtakbo nang marinig ang kaniyang pangalan sa 'di kalayuan. May isang babae ang kumakaway sa kanila at inaaya silang papasukin sa tahanan nito. Hindi ito pamilyar sa kaniya at hindi niya maalala kung saan ito nakilala. Ngunit wala na siyang oras para alalahanin iyon dahil nagsasayang lang sila ng panahon. Hindi siya nagdalawang isip pa at agad na tumakbo palapit dito.
Bago pa man siya makapasok ay narinig niya ang malakas na pagsabog, kasunod ang pagsalubong sa kaniya ng malaking apoy. Humugot siya ng hangin sa kaniyang baga at huminga ng malalim. Agad na nagmulat ang kaniyang mata at bumungad sa kaniya ang kaniyang mga kapatid--nakaupo at abala sa panonood ng pelikulang aksiyon.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
DiversosThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.