Takipsilim. Panahong dapat ay komportable kaming natutulog ng mahimbing pero hindi, kailangan namin mailigtas ang sarili namin. Magkahawak kami ng kamay ni Inay habang tumatakbo sa kakahuyan. Maraming mga tangkay at mga halaman ang humaharang sa daanan namin pero hindi namin iyon alintana dahil ang mahalaga ay makatakas kami mula sa mga sundalong Hapon na humahabol sa amin.
Nagsalu-salo pa kami kanina sa aming hapunan pero ang salu-salong iyon ay napalitan ng pait nang binomba ng mga Hapones ang kampo na nagsilbi naming tirahan sa loob ng ilang buwan. Maraming nasawi, maraming mga nasawi, mga duguan na humihingi ng tulong ngunit hindi ko na nagawang maisalba nang hinila ako ni Inay, mabilis kaming nakatakbo sa kakahuyan. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko habang ang isang kamay ay pinupunasan ang luhang tumutulo mula sa kanyang mga mata.
Ramdam ko kung gaano katakot si Mama sa mga nangyayari ngayon. Simula nang magsimula ang giyera ay hindi maalis sa isip niya kung paano nawala si Itay at ang dalawa ko pang kapatid dahil sa kalupitan ng mga Hapones. Kami na lang ni Inay ang natira at naging magkasangga.
Pareho na kaming hinihingal ni Inay, unti-unti nang sumisilip ang araw. Patuloy lang kami sa pagtakbo hanggang sa makalabas kami sa kakahuyan ngunit sa kasamaaang palad ay naghihintay na pala sa amin ang katapusan namin. May isang batalyon ng hapon ang nakaabang sa lugar na iyon, kung bibilangin ay humigit sa sampu ang bilang nila at kitang-kita ko ang pagguhit ng mga ngiti sa kanilang mga labi nang makita kami at itutok ang naglalakihan nilang mga baril sa direksyon namin.
Humarang si Inay upang proteksyunan ako. Nang tangkain naming tumakbo muli ay marahas kaming hinila ng mga sundalong Hapon. Dalawang Hapon ang nakahawak sa aming mag-ina. Tinatatagan ko ang loob ko, hindi ako umiyak para ipakita sa kanila na malakas ako at handa akong mamatay pero kabaligtaran no'n ang sa aking Inay. Nagmamakaawa siya sa mga Hapon at nakita ko ang ginawang pagbubulungan nila habang nakatawa at malagkit na tinitingnan ang aking Inay.
Nang masiguro ko ang gagawin nila ay do'n na ako nagpumiglas. Ang kaninang luha na pinipigil ko ay kusa nang tumulo sa aking mga mata. Pinaluhod ako ng mga Hapones at sa harap ko ay binaboy nila ang aking Inay. Marahas at salitan nilang pinagsawaan ang katawan ng aking Inay habang ang puso ko ay nadudurog dahil sa hirap na dinanas niya, wala akong magawa dahil kahit anong pilit ko na magpumiglas ay hindi ko magawang makatakas mula sa mahigpit na pagkakahawak sa akin ng mga demonyong 'to.
Iniwan nila kami, binalutan ko ng hinubad niyang damit si Inay. Ngumiti siya sa akin, kita ko sa kanyang mukha ang hirap na dinanas niya hanggang sa ipinikit niya ang kanyang mga mata at malagutan siya ng hininga. Niyakap ko siya at do'n ay humagulhol sa pag-iyak.
Hindi ko kayang mag-isa. Patawad, Inay. Kinuha ko ang matalim na bato sa tabi ko at itinarak iyon sa dibdib ko kung saan nakatapat ang puso ko.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
