Applicant #32: Kawas sa Bawat Lamat

256 14 12
                                    

Ang kusina ay maituturing na isang langit para sa halos lahat ng taong nahihilig sa pagluluto o 'di kaya nama'y sa paglantak ng pagkain. Ngunit sa kabilang banda ay napupuno ng halu-halong emosyon ang dalagang si Lira sa tuwing nagagawi siya sa kanilang kusina. Mga emosyong tulad ng takot, kaba, at panghihinayang.

Hinding-hindi niya malilimutan ang gabing iyon kung saan nagdesisyon siyang tapusin ang sariling buhay. Mahimbing nang natutulog ang kanyang mga magulang. Dinig niya pa ang sagutang paghilik ng kanyang ama at kanyang kuya kahit na magkakahiwalay sila ng mga kuwarto. Gawa na rin siguro ito na wala silang kisame at tanging mga kurtina lang ang nagsisilbing kanilang pintuan.

Habang nakahiga sa sariling silid ay pigil niya ang sariling magpakawala ng hikbi sa pangambang magising ang mga ito. Tuluy-tuloy lang ang pagbuhos ng mainit na luha sa kanyang mukha. Ramdam niya ang paghapdi ng kanyang mga mata dahil sa walang tigil na pag-iyak. Kasabay noon ay unti-unting nawawala ang tunog ng pagpalatak ng butil ng ulan sa kanilang bubong dahil sa sipong bumabara sa kanyang ilong. Tangan ang kutsilyong nagtatago sa ilalim ng katabing unan, inalala niya kung bakit nararapat niya nang burahin ang sarili sa mundo.

Tatlong buwan na ang nakararaan magsimula ng insidenteng iyon. Hindi naituloy ni Lira ang kanyang balak dahil nakatulog siya sa sobrang pag-iyak. Subalit hindi maikakaila na ang tunay na dahilan ay ang panghihinayang na gumugulo sa pinakaloob ng kanyang pagkatao. Sapagkat sa paniniwala ni Lira, ang pinakamalaking digmaang nagaganap sa mundo ay napapaloob sa kanyang sarili. Isang digmaang nabuo ng kanyang katauhan nang hindi niya namamalayan.

Buong akala ni Lira ay lumaki siya bilang isang mabuting tao. At ang pagiging mabuti para sa kanya ay nangangahulugang pag-alala sa kapakanan ng iba. Mas gugustuhin niyang sarilinin ang mga problema kaysa abalahin pa ang buhay ng iba na may kanya-kanya nang inaalala.

Kaya naman sa tuwing tatanungin siya ng kanyang ama, "Oh, kamusta school?", walang pasubaling sasagot siya ng "Okay naman.", kasunod ang isang mapagkumbinsing ngiti. Pagkatapos noon ay sabay-sabay na bubugso ang bawat suliraning tinipon paloob sa kanyang isip. Hindi lang dalawa, o tatlo kundi maraming beses at paulit-ulit niyang inaanalisa kung tama ba ang pasya niyang manahimik. Pagdating sa huli ay kukumbinsihin niya ang sarili, "Tama lang 'yon Lira. Hirap na nga sa pagtatrabaho ang nanay at tatay para lang makatapos kayong magkakapatid. Marami na silang inaalala. 'Wag mo nang dagdagan pa."

Ngunit makikita sa kaibuturan ng kanyang puso ang pagdaramdam sa pagkimkim ng lahat. May mga pagkakataong maiisip niyang nagkulang sa pagsubaybay sa kanya ang kanyang mga magulang. Na sobra-sobra ang mga pangarap nila para sa kanya na hindi niya kayang tuparin. Sa isang iglap nama'y aakuin niyang siya ang pulot-dulo ng lahat. Na kung sana... na kung sana...

Kinabukasan din nang araw na iyon ay nalaman ng kanyang pamilya ang nangyari. Bumuhos ang lahat ng sama ng loob, pag-aalala, pagsisisi, at pagpapatawad sa buong mag-anak. At ang muling matanggap ng kanyang pamilya ang siyang tumapos sa giyera ni Lira.




Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon