Gustong itapon ng kahon ang nakatagong antigong itak at pinaglumaan na panulat sa pag-iingay ng mga ito. Araw-araw nagtatalo ang dalawa. Nagyayabangan na tila sila lang ang dalawa ang bagay sa mundo.
"Ikaw, magaling? Ni hindi mo napatunayan ang sarili mo sa digmaan." Tuya ng itak.
"At ang pagkitil ng buhay ang pinagmamalaki mo?" Sarkistong tugon ng panulat.
"Kung ang pagpatay ang magpapalaya sa lahat. Bakit hindi?"
"Hangal! Mas mabuti pang dumanak ang tinta kaysa sa dugo."
"Martir! Walang nagawa ang tinta mo, mga punyetang makabayang salita lamang ang kaya mo pero hindi mo nagagawan ng aksyon." Mababakas na ang inis sa itak.
"Ang mga punyetang salita na 'yan ang nagmulat sa mga tao. Kaya huwag mong maliitin."
"Pero siya ring nagpahamak." Giit pa ng itak.
"Nang putol ang tabas ng dila ng tao, ang tulis ng dulo ko ang nagpahayag na gusto nila ng pagbabago at kalayaan."
"Hindi sapat ang tulis mo, kaya ang tulis ko ang pinili nila. Mas matalim at mas bumabaon."
"P-pero--" Garalgal na ang boses ng panulat.
"Namatay nang hindi lumalaban ang mga taong gumamit sa 'yo. Naging duwag at nagtago sa likod ng mga salita, samantala ang mga taong pinili ako ay matapang na lumaban. Binuwis ang buhay para sa bayan." Tumawa nang mapanuya ang itak.
Katahimikan. Walang imik ang panulat. Masayang pakanta-kanta ang itak.
"Hindi." Napahinto ang itak at napatingin sa panulat. "Hindi sila duwag." Malungkot na sinabi ng panulat nang maalala ang mga taong ginamit siya. "Nagbuwis sila ng buhay. Pinahalagahan nila kaya hindi nila pinili ang dahas. Ikaw itak, hindi ka ba nalungkot nang minsan kang ginawang instrumento para patayin ang sariling lahi?"
Tinitigan ng itak ang panulat. Natigilan siya at binalikan din ang mga alaalang napasakamay siya ng masasamang tao. Paghihinayang. Dalamhati. Pagkasuklam.
"Mga puta sila, pero ano ang magagawa ko? Ginawa ako para pumatay at walang pinipiling tao." Naging malungkot ang itak.
Katahimikan ang pumagitan. Napangiti naman ang kahon.
"Sino ang nanalo?" Tanong niya.
Nagulat silang dalawa. Sa unang pagkakataon, nagsalita ang kahon.
"Narinig mo lahat ng pagtatalo namin?"
"Oo. Himala nga na tumahimik kayo."
"Pasensya na."
"Sa tingin ko walang mali sa sinabi niyo. Hindi niyo na kailangan magtalo. Alinman sa dalawang paraan ang piliin niyo at kung iisa ang layunin niyo pwede naman kayong magkasundo. Kayo ang instrumento pero nasa tao pa rin ang gawa."
Ngumiti ang dalawa sa narinig.
"Siguro wala kaming magawa sa loob nito kaya ang pagtatalo ang naging libangan namin." Magaang sabi ng panulat.
"Makakalaya rin kayo. Hintay lang kabigan at habang ginagawa niyo 'yon, nandito ako at magkukwentuhan tayo."
"Hindi ko maipapangako na hindi tayo magtatalo pero kung kwentuhan lang naman, marami akong baon." Pagmamayabang ng itak.
"Mas marami ako."
"Hindi! Alam mo bang..."
Napabugtong-hininga na lang ang kahon. Mabuti na lang at sanay na siya sa ingay ng dalawa. Kung kwento lang din naman ang pag-uusapan, aba'y mas marami siyang baon. Katulad ng kwento ng antigong itak at pinaglumaang panulat.
Kailan kaya ulit ako magkakalaman ng bago? Nasasabik na ako.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
DiversosThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.