NANINIKIP ang iyong dibdib nang lumabas ka sa ospital.
Ngunit hindi mo ito inalintana, agad kang tumakbo palayo kahit hinahabol ka ng ilang nurses at ng mismong doktor na sumuri sa iyo. Nagbubunuan ang mga luha sa iyong pisngi't nag-uunahan kung sino nga ba ang karapat-dapat na unang lumagapak sa lupa. Pero bigo silang lahat... sapagkat nauna kang bumagsak.
Nanginginig ma'y pinilit mong tumayo't muling tumakbo hanggang sa makarating sa bus terminal.
Last trip na pala.
Kahit papaano'y nakahinga ka nang maluwag habang pinupunasan ang mga luha sa iyong pisngi. Agad kang pumasok sa loob ng bus kahit siksikan. Nagtiis kang nakatayo. Alam mo kasing kung hindi ka sasakay rito, aalis at aalis ito kahit wala ka. Ang tangi mong nagawa'y sumingit sa loob para lang magkaroon ka ng kaunting espasyong mapupuwestuhan. Para bang isang giyera pa ang iyong napasukan; kinakailangan mong suungin ang bawat nakaharang marating lang ang iyong paroroonan.
Dahil kung hindi ka lalaban, sino pang handang lumaban para sa 'yo?
"M-May pugot na mga ulo sa TV!"
Sa kalagitnaan ng pagtakbo palabas ng isang bintilyo habang nakahawak sa tiyan niyang naglalaman ng kumukulong sigalot, sa kalagitnaan ng pakikipagdigmaan ng drayber ng bus sa antok, sa kalagitnaan ng paglaganap ng samu't saring mala-mandirigmang amoy, at maging sa kalagitnaan ng traffic na nagdulot ng tensyon sa mga pasaherong kasama mo... isang sigaw ang 'yong narinig.
Saglit kang napatingin sa telebisyon at rumehistro sa iyong mga mata ang nakablurred na hile-hilerang pugot na mga ulo, wasak na mga katawan at lamang-loob. Ayon sa nakasulat sa ibabang bahagi ng screen, kagagawan daw 'yon ng ISIS.
Nahabag ka sa mga taong nawalan ng buhay at sa mga pamilyang naalisan ng makakapitan.
Nahahabag ka sa kanila, ngunit gusto mo rin namang alisin ang kapit ng nakasingit na bata sa iyong sinapupunan?
Tila nilamukos muli ang iyong puso; pinili mong umatras muna upang humanap ng mauupuan pero bumalik ka dahil may sagupaan pala ng mga naghahalikan at naglalampungan sa likuran.
Gabi na't gustong-gusto mo nang makauwi sa Mama mo... pero ang magiging anak mo'y tatanggalan mo rin ng karapatan na magkaroon ng ina?
"Oo na, wala na akong kuwenta!" pasigaw na bulong mo sa iyong sarili habang muling tumitingin sa harapan para lang salubungin ang malaking truck na sasalpukin ng bus na iyong sinasakyan.
Ramdam mo ang bumagal na patak ng mga segundo.
Yumanig sa loob ng bus at bigla kang bumagsak hanggang sa mapadapa ka. Nakaramdam ka ng matinding sakit sa iyong puson na tila ito'y binabarena. Nakabibinging ingit ang umalingawngaw sa iyong tainga ngunit nabingi ka nang makita mo ang dugong nanggagaling sa iyong pangeskuwelang palda na gumagapang papunta sa iyong ID.
'SHARMAINE DELA CRUZ
GRADE 5-MANGO
STA. ISABEL ELEMENTARY SCHOOL'
Samu't saring emosyon, desisyon, at pagsisisi ang naglalaban sa iyong puso't isipan pero lahat ng mga ito'y napigilan nang unti-unti nang dumilim ang iyong paningin.
Oo nga pala, isang singit ka lang din sa mundong ito't sa isang iglap lang ay maaari ring mawala.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
