Di maaninag ang liwanag sa nag-aalitang pangkulay.
Bumubulong, sumisigaw nasaan ang liwanag sa mga nagtatalong pintura? Ayaw paawat. Mataas ang ere, pinapairal ang kayabangan. Isang kalabit na lang, lalagapak ang lahat. Magkakatalo-talo.
Nagsusumigaw si Pula. Naghahari ang kanyang boses sa magulong usapan. Pesteng MU, uso rin pala sa mga pangkulay na gaya namin.
Si Pula na simbolo ng pagmamahalan ngayon ay simbolo ng kaguluhan. Dadanak ang kulay na pula sa komperinsiyang ito kung hindi pa rin sila magkakasundo.
Nasaan ang liwanag? Nasaan na nga ba ang kanilang pinunong si Puti?
Ang Dilaw na simbolo ng pakikisama ngayon ay nagpapakita ng tapang sa pakikipag-alitan. Mainit rin ang ulo. Maramot. Maduga. Naghahanda ng hukbo, nagwikang matatapos lamang ang gulo kapag dinaan sa dahas. Gahaman sa puntong kahit ang napakasamang ugali ni Pula ay gusto nitong angkinin; manggagaya, peke, buwaya.
Ang Berde'y mga api. Wala bang katapusang pag-aalipusta na lang palagi ang kanilang matatanggap? Kailan nga ba matatanggap ng iba na ang lahi nila'y hindi matatapang ang kulay. Malamya. Malambot. Masarap kumembot. May damdamin rin naman sila kagaya ng ibang kulay ngunit bakit hindi sila matanggap ng karamihan sa lipunang kanilang kinabibilangan?
Saan ba matatagpuan ang mundong makulay, may pagkakapantay-pantay? Kailan ba babagay ang Berdeng lalang sa kanbas ng buhay. Kailan matatagpuan ang Pinunong Puti?
Si Asul na parang dagat. Maingay kung mababaw, tahimik kung malalim. Sa tuwing tinititigan ko siya wari ba'y nahihipnotismo ako sa kalmado niyang aura. Ganoon rin yata ang iba, nahihipnotismo silang kagaya ko. Karamihan nga sa mga kalahi ko'y gustong maging lahing asul dahil sa matindi nilang paghanga sa lahi nito. Usong-uso nga ang magpa-blueta.
Naitanong ko minsan kung si Asul ba ay may tinatagong kulo, palihim kung tumira? Pero, hindi...hindi naman siguro. Hindi ko alam kung bakit iyon dumaan sa aking isipan sa kabila ng mga tulong at pag-alalay na ginagawa niya, nila sa lahi naming api.
Kailan makukontento ang iba? Kailan hihinto ang paghahangad ng higit pa? Kailan maliliwanagan?
Saan nga ba nagsimula ang kaguluhang ito? Di ko na maalala. Nagkawatak –watak ba kaming pangkulay nang gamitin ng mga pulitikong hilaw ang mga kulay bilang simbolo ng kanya-kanyang partido? Ba't nagkakabangayan na? Dahil ba sa pataasan ng pagkakapresyuhan?
Ako na kulay lila, kailan nila maririnig ang boses ko? Kailan matututong pakinggan ang hinaing ng bawat isa? Lila lang naman ako hindi ulila sa pang-unawa.
Magkakasundo pa ba ang mga pangkulay?
Kagaya ng masasayang kulay sa kanbas nawa'y ang relasyon ay 'di tuluyang masayang. Kagaya ng bahagharing nagkakasundo. Kailan kaya sila maliliwanagang lalabas lamang ang Pinunong Puti kong kaming mga kulay ay payapang nagsasama-sama. Nagkakasundo. Nabasa ko ang impormasyong iyon sa Agham., iyong librong bigay sa amin ng mga lahing Asul...
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
