Kanina lang, tahimik na kumakain sina Topat at ang kapwa tupa niya sa mga luntiang damo. Nakabantay sa tabi ang kanilang taga-pangalaga; sa takot na baka may mawala sa kanila at sa takot na baka may sumulpot na mabangis na hayop at kainin sila.
At iyon nga ang nangyari! Pumunta ang grupo nila sa ibang lugar. Nang tumalon sa harap nila ang isang tigre mula sa mabatong parte ng kapatagan. Ang kanilang apat na paa ay mabilis na gumalaw papunta sa gubat. Narinig pa nilang sumigaw ang kanilang pastol, ngunit mas umapaw ang tili ng kanyang ka-uri.
"Dito!" sigaw ni Ka Upat, ang kanilang lider. "Mas ligtas dito!" anito habang nakatutok ang nguso sa madilim na parte ng gubat. Tumakbo ang matandang tupa papasok at sumunod naman ang kanyang kasama. Labag man sa kalooban ni Topat ay kailangan niyang sumunod. Likas na sa mga tupa na dapat tumugon sa utos ng pinuno, kahit hindi mo man 'to gusto. Ito ang bagay na ayaw niya, bilang isang tupa.
Ingay ng palaka, nakakakiliting tunog ng ahas, matataas na puno at mahinang paghinga niya'y nagpapatayo sa malago at maputing balahibo ni Topat. Sa bawat apak ng kanyang mga paa, nakakagawa ito ng ingay na wari'y may nababali. Kasabay doon ang unti-unting pagdilim ng paligid-- ang ilaw na binibigay ng araw ay nasasapawan ng malalapad na mga dahon sa itaas.
"'Wag kayong matakot," wika ni Ka Upat, na nangunguna sa paglalakad. "Alam ko ang lugar na 'to. Mas maganda dito para hindi tayo makita ng mabangis na hayop na 'yon." Tumango-tango naman ang ibang tupa sa pahayag niya. Pero batid ni Topat natatakot rin ang matanda. Dahil wala nang magtatanggol sa kanila ngayon. Siguro hinahanap na sila ng kanilang amo, ngunit ang tanong: kailan?
May narinig siyang parang may nabaling sanga sa likod, sumunod ang nakakahindik na ungol. Lumingon si Topat at nasaksihan niya ang tigre: nalilisik ang mga mata at may tumutulong malagkit na laway sa bawat pagitan ng mga pangil nito. Natulala siya nang makitang nakatingin ito sa kanya. Napuno ng hiyawan ang gubat ngunit mas nangingibabaw ang kabog ng kanyang dibdib.
Ka-katapusan ko na, wika niya sa sarili.
Bumalik lamang siya sa wisyo nang gumalaw ang tigre. Napa-atras si Topat, tumalikod at hinabol ang mga kasama niya. Na kanya-kanyang tumatakbo. Ang lahat ay pursigidong makaligtas.
Nahagip ng kanyang mga mata ang bilugan na liwanag sa unahan, isang lagusan! Mas tinudo niya ang pagtakbo at ganoon rin ang iba. Walang lingun-lingon na nakalabas sila ng gubat ngunit napahinto sila, isang bangin ang nasa kanilang harapan.
Ang mas ikinagulat ni Topat, tumalon ang matandang tupa. Sumunod naman ang ibang tupa na walang pag-aalinlangan-- dahil si Ka Upat ang lider at alam nito ang ginagawa niya.
Hanggang si Topat na lang ang mag-isa sa itaas. Lumingon siya sa lugar na nilabasan nila. At ibinalik ang tingin sa asul na kalangitan at pumikit.
Bahala na, bulong niya sa sarili bago tumalon.
Kasabay doon ang paglabas ng kanyang amo; puno ng pawis ang mukha at malalim ang paghinga. May dala itong matulis at berdeng kawayan na puno ng dugo sa paligid.
A, siguro, patay na ang tigre.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.