Applicant #17: DUMMY WORLD

352 31 16
                                    

Manloloko!
Peymwor amputa!
Hindi ka naman magaling magsulat!
Ni wala ka pa sa kalingkingan ni Gabi!
'Tang ina mo, poser!

Iyan ang mga salitang halos araw-araw na lang laman ng inbox ko sa aking social media account. Inaalmusal ang mura, tanghalian ko ang panlalait nila at hapunan ang kanilang pagbabanta. May bonus pang meriyendang virtual sampal at sabunot. Lahat na yata ng masasakit na salita ay isa-isa nilang pinalamon sa akin. At ang ugat ng lahat ay ang bintang ng followers ni Gabi na ginagaya ko raw ang istilo niya sa pagsusulat at ninakaw ko raw ang ideya ng kanyang isang istorya.

Magnanakaw!

Iyan ang huling kumentong natanggap ko mula sa isang taong may 'WP' sa dulo ng pangalan. Hindi na ako nakatiis at tumipa ako sa tiklado. Kailangan kong ipagtanggol ang aking sarili. Ayaw ko namang manahimik na lang basta.

Ano ba'ng pinagkaiba natin kung parehas lang tayong nagtatago sa ibang katauhan? tugon ko sa isang iyon.

Hanggang sa ito ay nasundan pa. Dumami na nang dumami ang nagkukumento sa paskil ko. Hinahanapan nila ng butas ang mga salitang binibitiwan ko. Kulang na lang ay lumabas sila sa screen ng monitor ko para masaktan nila ako ng pisikal. Lahat may bitbit na patutsada na parang mga palaso at isa-isa nilang inasinta ang aking puso.

Wala ka bang sariling diskarte kaya nagnanakaw ka na lang ng ideya ng iba?
Kunwari inosente, paawa epek lang, 'te?
Kung ako sa 'yo, lisanin mo na ang mundo ng dummy. Nakakahiya ka!
No wonder, kaya wala kang kaibigan kasi ang sama ng ugali mo! Magnanakaw!

Iba-ibang pangalan. Iba-ibang mukha. Lahat nagtatago sa mundo ng pagkukunwari. Lahat gustong takasan ang reyalidad. Mga nag-aastang matapang para pagtakpan ang sariling kahinaan. Mga taong takot mahusgahan pero wala namang habas kung makapanghusga. Mga taong punong-puno nang pagdududa dahil minsan na rin silang nagtiwala sa mga taong sumira ng pagtitiwala nila. Kanya-kanyang rason kung tutuusin.

Kawawa ka naman, wala kang kaibigang magtatanggol sa 'yo. Teka, bakit nga ba wala, Elle?

Napapikit ako sa kumentong iyon galing sa isang kaibigan ni Gabi. Napasandal ako sa aking kinauupuan at pilit na nilabanan ang napipintong pagbagsak ng aking mga luha. Sa puntong iyon, sinampal ako ng katotohanang wala ni isa man ang may kusang lumapit para ipagtanggol ako.
Ilang sandali akong nag-isip, at nang makahanap ng solusyon ay agad kong ni-logout ang account ko. Nangiti ako sa naisip kong ideya. Kasabay nang ngiting iyon ay ang pagtulo nang aking luha habang gumagawa ako nang panibagong account. Alam kong pagkatapos nito, may matatawag na rin akong kaibigan. May magtatanggol na rin sa akin gaya ni Gabi.
"Ano pa bang ginagawa mo riyan, Gabrielle? Tena't kakain na!" sigaw iyon ng mama ko.
"Susunod na, 'ma!"
Pinunasan ko ang bakas ng luha ko at ngumisi. Gaya ng ginawa ko sa main account kong 'Gabi', may magtatanggol na rin sa akin bilang 'Elle'. Isa-isa kong ni-logout ang mga ginawa kong account sa iba't ibang internet browser saka ako bumaba para kumain.





Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon