Rinig niya ang bawat pagpapalitan ng putok sa labas. Walang may balak na magpagapi sa parehong hanay. Parehong gustong kitilin at ubusin ang itinuturing na kaaway.
Araw-araw, gabi-gabi, palala nang palala ang sitwasyon. Walang nakakapigil. At ang nagbabalak ay sila rin nitong kinikitil.
Tago ang komunidad nila–nasa itaas ng bundok, kaya't nagsilbing taguan ng mga rebelde. Tanging sinag ng buwan na lamang ang siyang nagpapaliwanag sa lugar sapagkat walang kuyente rito.
'Di siya nakatiis. Lumabas na siya ng tahanan at nagtago sa likod ng puno. Doon, nasilayan niya ang baril ng mga ito na nagmistulang mga kutitap. Nakakabingi ang ingay na kaniyang tinatamasa. Palingon-lingon, kinakabahan ngunit desidido na sa kaniyang gagawin.
Humakbang siya palabas ng malaking punong pinagtataguan, nang bigla niyang makita ang kaniyang inang nasa gitna ng sentro ng alitan. Napabuntong-hininga siya't kasabay niyon ang pagpatak ng kanyang mga luha.
"Inay, yumuko ka po't umalis sa 'yong kinaroroonan. Ako na pong bahala rito. Umuwi na po kayo," aniya
Imbis na sumunod, ito pa'y sumigaw nang pagkalakas-lakas. 'Di alintana rito ang panghihina dulot ng sakit sa baga. Natigil ang putukan.
"Ano? May mapapala ba kayo 'pag napatay n'yo na ang mga kalaban n'yo? Pareho kayong nasa mali. Maraming batang nadadamay. 'Di sila makapamuhay nang normal dahil sa walang katapusang giyerang ito," anito.
Humakbang siya papalapit sa ina.
"Pare-pareho lang kayong mga tuta ng sinuman. Utusan at papet ng dayuhan. May magandang pinaglalaban ngunit mali ang pamamaraan. 'Di n'yo ba naiisip kung ano at sino ang pineperwisyo n'yo? Ang sarili n'yo rin mismo! Ang pamilya n'yo, mga karapatan n'yo bilang isang tao, pamumuhay n'yo at ng ibang tao. Isipin n'yo uli kung para saan n'yo iyan ginagawa?" Niyakap niya ito.
"Hindi ba't para sa bayan? Pero, sa ginagawa nyo bang iyan pakiramdam n'yo natutulungan n'yo sila? Hindi! Pinapatay n'yo ang sarili nyo para lang kumita ng pera. Pera na kapalit ay buhay ng iba, maluha-luha nitong sabi.
Isang nakakabinging putok ang bumasag sa katihimikang namamayani sa lugar; isang putok na siyang tumama sa dibdib ng kaniyang ina; isang putok na siyang kumitil sa buhay nito.
Kitang-kita niya ang pag-agos ng dugo mula sa dibdib nito. Parang bahang umagos ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. Nangangatog ang kanyang tuhod–nanghihina siya. Sinusubukan niyang magsalita ngunit walang lumalabas sa kanyang bibig. Tila nawalan siya ng tinig.
Nag-alab ang kaniyang puso. Nag-apoy sa galit sa taong siyang bumaril sa kaniyang ina. Ngunit 'di niya alam kung kaninong kampo iyon nanggaling.
Ang ina niyang pinakamamahal, wala na. Kinitil, pinatay nang walang kalaban-laban. Ito na lamang ang siyang kayamanan niya, nawala pa. Walang-wala na talaga... Wala na...
Nilingon at nilapitan niya ang mga ito, ngunit sinalubong ng isang lumilipad na bala. Ito'y tumama sa kaniyang utak na siyang dali-dali niyang kinamatay.
Maluha-luha ang mga mata, ngunit may sayang nadarama. Makakasama pa rin naman niya ang kaniyang ina. Mabubuo na uli ang kanilang pamilya.
Ginulo. Inistorbo. Nagalit. Nagsalita. Pinatay. Ganiyan talaga ang buhay.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
De TodoThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.