Sinakluban ng itim ang kalangitan. Nakasusulasok ang amoy ng mga bangkay na nagkalat kung saan-saan. Wasak kung wasak ang mga kubo't lugar-taguan. Laganap ang nakabibinging putukan at ang amoy ng sinindihang pulbura. Ang mga tao'y may kaniya-kaniyang pagtakbo palayo sa mga armadong lalaki na kanilang makakasalubong. Isa si Delilah sa kumakaripas sa pagtakbo. Iniiwasan ang lumingon sa sundalong may bayonetang humahabol sa kaniya. Pinunit na ni Delilah ang laylayan ng kaniyang kamison para sa mabilis niyang pagtakas. Takbo. Hingal. Tago. Sa mayabong na talahiban siya pansamantalang namalagi. Panay pantal at paltos na ang kaniyang braso't paa dulot ng mga talahib na nakapalibot sa kaniya.
Ilang saglit lamang ay narinig na niya ang kaluskos sa talahibang pinagtataguan. Ang yabag ng paa ay palakas nang palakas. Kinagat ni Delilah ang kaniyang dila upang 'di ito magpakawala ng malakas at nakaririnding ingay dulot ng kaba. Mula sa kaniyang kinalalagakan ay bigla na lamang may dalawang brasong bumalot sa kaniyang kurbadong pagkakahubog. Pinilit niyang makawala sa mala-kadenang gapos ng sundalong Hapon. Sa kaniyang panlalaban, binayonete na ng sundalo ang kaniyang ulo.
Aandap-andap na ang paningin niya sa paligid. Patuloy ang pag-agos ng masaganang pulang likido sa kaniyang sentido. Lumuray-luray ang kaniyang kilos. Tuluyang hinigop ang kaniyang lakas hanggang sa lumagpak na lamang si Delilah sa damuhan. Halos anag-ag na ang kaniyang paningin hanggang sa tuluyan siyang manlupapay.
Sa kaniyang panghihina dulot sa malakas na hambalos sa kaniyang puyo ay agad niyang naramdaman ang pagdakmal sa kaniyang suso. Sinundan pa ito ng agarang pagtaas ng kaniyang saya't pagbaba ng kaniyang salawal habang abala ang sundalo sa pagngasab ng kaniyang masaganang harapan. Ninais man niyang itigil ang kababuyang ginagawa sa kaniya'y sadyang mahina na ang kaniyang pangangatawan.
"Huwag...huwag...huwag po," sunud-sunod na bigkas niya ngunit nagtaingang-kawali lamang ang sundalo. Iniiyak na lamang niya ang lahat habang nararamdaman niya ang pagkirot ng kaniyang pagkababae hanggang sa tuluyan na nga siyang nawalan ng ulirat.
Sa pagmulat niya sa talahiban, tanging mga puting kobre ang kaniyang nakapitan. Malayo sa digmaang kaniyang sinabak kamakailan lamang. Nagngangalit, subalit bumulalas ang isang halakhak ng tagumpay. Nakatakas siya sa mga sundalong ilang dekada nang nakapaskil sa libro ng kasaysayan. Nakalaya siya sa kamay ni Kamatayan!
Mayamaya pa ay siya naman ang sumugod at hinampas ng catheter ang isang nursing aide na nag-aayos ng lislis niyang hospital gown. Kinaalarma naman ito ng nurse. Kakabitan na sana ng gait belt ang palibot ng katawan ni Delilah pero 'di naglao'y nakatakas ito. Sa kaniyang pagwawala, pinagbabato niya ng syringe ang bawat taong kaniyang makikita. Puno ng panggigigil ang bawat paghambalos. Pakiramdam ni Delilah, siya naman ang sundalo na nakikipagbuno sa mga rebelde ng lipunan.
Sa kaniyang pagwawala'y naramdam ni Delilah ang pangunguyupos na parang kandila. Unti-unting sumaliw ang musika ng pamamanglaw –ang musikang humahaplos sa bawat bahagi ng kaniyang katawan. Ilang gabi nang pasalin-salin ang diwa niyang 'di mawari kung saan siya dadalhin.
Ilang saglit lamang, nabalot muli ang kaniyang mukha ng ngiti. Tanda ng muling pagpasok sa mundong matatawag na kaniya lamang. Tanging kaniya...***
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
AcakThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.