Applicant #34: Luha ng Sundalo

294 18 9
                                    

Bumanaag na ang silahis ng takip-silim nang pamuli akong magkamalay. Binuksan ko ang pintuan. Hindi ko alam ngunit may kakaibang damdamin na bumabalot sa aking puso't isipan.

Nakita ko si Ina sa labas ng aming bahay. May lungkot sa kaniyang mga mata. Kagabi ko pa naririnig ang kaniyang pag-iyak dahil hindi pa rin umuuwi si Ama mula sa digmaan. Narinig namin sa radyo na pinasabog ng mga militar ang kanilang pinagtataguan.

Gusto ko nang tumakas sa pagiging isang rebelde. Gusto kong lasapin ang pagiging malaya.

Nagtatago kami ngayon ng aking ina at aking kapatid na sanggol sa isang tagong bayan kasama ang aming mga kasamahan. Naghihintay kami sa pag-asang darating sina Ama na nanalo sa kanilang laban. Ngunit dahil sa ibinalita kagabi ay tila nawalan ng boses ang aming lugar. Nanatiling tahimik ang lahat. Naghihintay na mayroong magsalita upang matapos na ang nakabibinging katahimikan dulot ng kalungkutan at pag-aalala.

"Nanay, 'wag na po kayong malungkot. Alam ko pong darating si Ama. Hindi ba't nangako siya sa atin na itatakas niya tayo sa ating kalagayan?" saad ko sa aking nakatalikod na ina.

Humarap siya sa akin at bigla akong niyakap. Humahagulhol siya. Marahil alam niyang kakarampot lang ang pag-asa na matupad ang aking sinabi.

"Mario, tandaan mong kahit anong mangyari, mahal na mahal ka namin ng tatay mo. Kapag nawala na kami, ikaw ang mag-aalaga sa kapatid mo. Mangako ka sa akin." aniya habang nakatingin sa aking mga mata.

"'Wag po kayo magsalita nang ganiyan."

Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking luha.

"Mangako ka, Mario." sambit niya.

"Opo. Nangangako po ak—"

Hindi ko natapos ang aking sinasabi dahil biglang nagkagulo ang aming mga kapit-bahay.

Sinilip ko kung ano ang nangyayari. Nakita ko ang mga sundalo na hinahalughog ang mga bahay. Marahil ay may nakapagsabi sa kanila kung saan kami nagtatago. Naririnig ko ang pag-iyak ng mga bata. Ang tahol ng mga aso.

Hinigit ako ni Ina papasok sa aming bahay at dali-dali niyang isinara ang aming pintuan at mga bintana.

Pumunta siya sa aming altar habang hawak ang rosaryo.

"Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasya..." naririnig ko ang papalapit na yabag.

"Ang panginoong Diyos ay sumasaiyo..." binabaklas na ang aming pintuan. Naririning ko ang iyak ng aking kapatid na sanggol dahil sa tunog ng mga baril.

Nagulat kami nang nakapasok ang isang sundalong may takip ang mukha na dala ang isang armalite.

"Maawa na po kayo. 'Wag ninyo po kaming patayin ng aking mga anak." sambit ni Ina habang lumuluha. Hindi siya pinakinggan ng sundalo.

Sa isang iglap, binaril niya ang aking Ina sa ulo.

Hindi ko mapigilan ang umiyak. Diyos ko. Tulungan ninyo kami ng aking kapatid.

Tumingin ako sa sundalo. Nakatutok ang kaniyang baril sa aking kapatid. Kukuhanin ko sana ito ngunit naiputok na niya ito agad. Napansin ko ang kaniyang pagluha. Bakit?

Tumingin siya sa akin. Pamilyar ang tabas ng kaniyang mukha.

"Patawad, anak. Kailangan kong gawin ito."

Narinig ko ang putok ng baril. At unti-unti, dumilim na ang aking paligid. 



Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon