Applicant #7: Bai

346 30 21
                                    

Nakatingin lang ako sa kaniya habang pilit na inaalis ang kumakawalang emosyon sa aking mga mata sa simpleng dahilan na, "hindi puwede". Napalunok ako nang tumama ang tingin ko sa salamin kung saan ko nakita ang matang binalutan ng matinding galit, hinanakit at lungkot.

"Bai." Napalingon ako sa kasamahan kong tumawag sa akin. Bai. Matagal ko na ring hindi narinig iyan magmula nang inatake ng mga sundalo ang tahimik naming lugar. "Narito na si Ka Rashid."

Pinilit kong huwag manginig. Hindi na ako ang dugong-bughaw na kinilala nila magmula nang pinapatay ng Pangulo ang aking mga magulang sa kasalanang hindi nila ginawa. Hindi na ako ang Bai na kilala ng lahat; dahil kahit ayaw kong magbago...

Kailangan.

"Papunta na siya sa kapitolyo. Ang kailangan lang nating gawin ay patayin sa harap ng bayan." Lahat ng atensyon ay nakatuon kay Ka Rashid. Ngunit natigilan kaming lahat nang marinig ang senyales na nasa kapitolyo na siya.

At parang magigiting na sundalo ay agad nilang pinulot ang sari-saring armas, ngunit bago ko pa ako makakilos ay pinigilan ako ni Ka Rashid. "Hindi iyan ang gagawin mo ngayon," aniya at nagsimula na ang giyerang inumpisahan ng pangulo at tatapusin naming mga rebelde.

Pinanood ko ang pagpapalitan ng bala mula sa magkabilang kampo. Lumabas ako at mula sa aking kinatatayuan ay nakita ko ang takot sa mukha ng anak ng pangulo, ang kanilang bai, isang titulong hindi na mapapasaakin dahil sa pagsira nila sa reputasyon ng aming pamilya.

Natigil ang lahat at tahimik akong naglakad patungo sa kaniyang kinaroroonan. Ang aking kasamahan ay yumuko bilang paggalang sa dating prinsesa ng Mindanao. Nahihintakutang tumingin siya sa bitbit kong espada ngunit agad siyang yumuko nang makalapit ako. "Bai Isabella Masdad. Nandito ho ako para humingi ng tawad sa pagkakamaling ginawa ng aking ama. Walang kasalanan ang iyong mga magulang kaya't nandirito ako upang hingin sa inyong tapusin na ang giyerang ito."

Ang luha niya ang nagpatigil sa akin upang muntikan ko nang mabitawan ang aking espada. Kasabay ng kaniyang pag-iyak ay ang pag-agos ng sakit na naramdaman ko mula noon.

Pinahid ko ang luhang isang taon kong pinigilan. "Wala akong nagawa noong harap-harapang pinatay ang aking mga magulang!" Paulit-ulit siyang humingi ng tawad at sabay kaming humikbi. Nilingon ko si Ka Rashid na parang nag-aalala sa kakaiba kong kinikilos. Mariin akong pumikit at mabilis pa sa kidlat na hinarap ang bai ng bansa.

"H-hindi ko kaya..." Umiiyak kong sambit at lalong hinigpitan ang hawak sa espada nang makita ko ang pag-agos ng dugo mula sa kaniyang bibig. Lalo ko iyong diniin sa kaniyang tiyan at saglit kong nakita ang payapa niyang tingin. "Hindi ko kayang balewalain ang ginawa ng iyong ama! Patawad..."

Nakangiting tumango siya at tuluyan nang bumagsak nang hilahin ko paalis ang espadang tumagos sa kaniyang katawan. Isinigaw ng aking mga kasama ang pangalan ko ngunit biglang natahimik ang buong kapitolyo nang sa sariling katawan ko naman isinaksak ang espada.

"Bangani ako sa lab-ananam." Tapusin na natin 'to.






Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon