"Subukan ninyo akong isuplong sa kinauukulan, hindi ako magdadalawang isip na patayin kayo!" Iyon ang mga nakakapanindig balahibong banta ng aking ama na nagpakaba sa akin.
Umuwi na naman siyang nakangisi habang nanlilisik ang namumulang mga mata. Wala siyang ginawa kundi uminom ng alak at magbisyo. Sa palagay ko'y hindi na tama ang pag-iisip niya dahil lulong na lulong na siya sa ipinagbabawal na gamot.
Bumibilis ang pintig ng puso ko sa sobrang takot sa tuwing nakikita ko ang
mala-demonyo niyang mukha.
Mariin akong napapikit habang rumaragasa ang luha sa aking mata. Rinig na rinig ko ang mga sigawang umaalingawngaw sa apat na sulok ng aming bahay, nang pagbabatuhin siya ng aking ina ng kahit anong kasangkapan na mahawak nito.
"Wala ka talagang kuwentang asawa!"
Hindi naman nagpadaig si Papa at isang malutong na sampal ang ginawad niya, na nagpatalsik kay Mama sa sahig.
Saksi ako sa paulit-ulit nilang nagbabatuhan ng masasakit na salita. Saksi ako sa paulit-ulit nilang pag-sasakitan. Para ba silang lion at tigre kung magsagupaan. Habang ako, umiiyak sa isang tabi at nagdarasal na sana panaginip na lang lahat ng ito.
Sa labing anim na taon ng buhay ko'y palagi ko iyon nasasaksihan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay.
Walang araw na hindi ko naririnig ang galit na sigaw ng aking ama na may kasama pang sampal, suntok, sipa at tadyak sa aking ina. Nararamdaman ko na lang ang mabilis na paglandas ng luha sa aking pisngi sa tuwing naririnig kong gumaganti si Mama. Kahit na alam kong nasasaktan na siya, nanghihina, nawawalan ng lakas ngunit patuloy pa ring lumalaban at hindi hahayaan na alipustahin lang siya ni Papa.
"Kapag hindi ka pa tumigil, papatayin talaga kita, Ana!"
Dumoble ang kabang nararamdaman ko nang marinig ko iyon. Hindi ako makagalaw sa aking kinauupuan ngunit ang buong katawan ko'y nanginginig. Mga sigaw at saklolo ni Mama'y paulit-ulit kong naririnig.
Gusto kong saktan si Papa at iparamdam sa kanya lahat ng sakit na ipinadanas niya sa amin. Gusto ko siyang murahin para magising siya sa katotohanan. Gusto kong isumbat lahat ng pagkukulang niya. Gusto kong ipamukha sa kanya na wala siyang kuwentang ama. Pero hindi ko magawa. Mas nananaig ang matinding takot sa puso ko.
Kahit anong pilit ko na magbulag-bulagan na lang, na magbingi-bingihan na lang ay hindi ko magawa. Palagi na lang akong hinihila ng masakit na katotohanan.
Kinakabahan man, tumayo ako't nilakasan ang aking loob. Pumunta ako sa kusina at tinangay ang isang kutsilyo nang bigla na lang magdilim ang aking paningin.
"Hayop ka!" hiyaw ko nang makalapit ako sa aking ama at walang habas na isinasak sa dibdib niya ang patalim na hawak ko.
"Jonna!" bulalas ni Mama.
"Hindi..." Kaagad kong nabitiwan ang duguang kutsilyo nang bigla kong mapagtanto ang aking ginawa. Napahawak ako sa aking tiyan nang maramdaman ko ang paggalaw ng limang buwang bata sa aking sinapupunan.
Napatay ko ang aking ama. Napatay ko ang lalaking lumapastangan sa aking kamusmusan. Napatay ko ang ama ng batang ito.
Napatay ko siya.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
