Applicant #6: Ang Pagsusulat, Ang Tax, Ang Puppet at Pagbabago

324 20 15
                                        

Ikauunlad ba ng Pilipinas ang pagsusulat ko?

Sa totoo lang, hindi ko alam ang isasagot. Nawawalan na kasi ako ng gana sa ginagawa kong ito.

Iba ang henerasyong ito sa kung ano ang henerasyon ni Gat Jose Rizal noon, e. Bakit ko itutulad ang sarili ko sa kanya? Isang estudyante lang ako na walang kinalaman sa pagsusulat ang kinukuhang kurso. Gusto kong maging negosyante, e. Magpapayaman ako dahil sa paraang iyon, maaari pang umunlad ang PIlipinas.

Pero malabo rin.

Magbabayad ako ng malaking tax. Mapupunta sa pondo ng gobyerno ang perang ibinayad ko. Ibubulsa ng kung sinong nakaupo sa trono. Mauulit hanggang sa mawalan nang perang ipapasok sa sirkulasyon.

Gaguhan ito. Binibitawan ko na pala ang pangarap ko. Hindi ako yayaman dito.

At nang dahil doon, may naisip na akong sagot.

Rebolusyon. Isulong na tanggalin ang demokrasya. Mayayaman lang naman kasi ang naikinabang sa 'boses' na 'yan. O kung hindi naman kakayanin, pasabugin na lang ang bansang ito. Tama. Ganoon na lang. Tutal isang zoo naman ang Pilipinas - puno ng buwaya, unggoy, at kuwago. Animal cruelty? Wala akong pake.

Subukan ko kayang gumawa ng kwentong lubos na sisira sa tiwala ng mga bansang kakampi natin nang gerahin nila tayo at matuloy ang ikalawang sagot na inihain ko?

Pwede rin. Para matapos na ang kahibangang ito.

Magkakaroon pa rin naman pala ng silbi ang pagsusulat ko. Iyon nga lang, hindi ang kaunlarang gusto n'yo. Totoong pagbabago ang ipapatikim ko sa inyo.

Humanda na kayo sa pagtakbo dahil tatapak sa ating lupain ang mga banyagang may baril at kanyon. Papalitan ng mga tangke ang mga dyip at bus sa kalsada. Bobombahin ng mga jet ang naglalakihang kagusalian sa Maynila.

Papatayin nila tayong lahat at walang matitira.

Ngunit oo nga pala, ayoko ng kabrutalan. Kaya heto ulit ako, may isa pang sagot na gustong ibahagi sa inyo.

Magmakaawa kayo sa lider ng bansang ito na ibigay na lang tayo sa Amerika. Tapusin na niya kamo ang kanyang pagtatrabaho bilang puppet. Uunlad ang bansang ito, pero magiging alipin nga lang tayo ng ibang lahi.

Teka! Maaari ko rin palang isulat ang katotohanan sa likod ng pamamalakad ng pangulo para magulantang ang mga tao! Kahit na hindi n'yo pansinin sa umpisa, ayos lang. May tamang panahon sa lahat, ika nga ng lola sa TV. Maisasabuhay na rin sa wakas ng mga hampaslupa ang aral na iyon dahil malapit na akong sumikat at makapagsimula ng rebolusyon.

Gusto kong magpasalamat na kaagad sa inyo dahil maaari ko pa palang matupad ang aking kahibangan. Magsisimula ng rebolusyon ang akdang isinulat ko. Magiging isang modernong bersyon ni Jose Rizal – mas tapat at malahad na hindi na kailangan pang magsulat nang malalim dahil hindi iyon maiintindihan ng mga tao sapagkat nalason nang media ang utak nila.

Bago tapusin ang kasulatang ito, uulitin ko ang aking tanong. Ikauunlad ba ng Pilipinas ang bansang ito?

Oo. Sisimulan ko na nga ang pagsusulat ng pagbabagong gusto n'yo, e. Maghanda na kayo para sa gulong gagawin ko.





Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon