"Halos isandaang sundalong Pilipino ang nasawi sa bakbakan para sa pakikipaglaban sa kasarinlan ng Pilipinas." Ipinakita sa camera ang kalunos-lunos na pagkasira ng Maynila; Makakapal na usok at mga nagliliyab na gusali. "Inaasahang hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Patuloy ang pakikipaglaban ng ating mga bayani. Ipagdasal natin ang mga nasawi." Nahagip ng camera ang isang putol na brasong may tattoo ng isang agila.
Naglabas ang telebisyon ng listahan ng mga pangalan ng sundalong nasawi sa bakbakan:
1. Arnold Zamora
2. Reynaldo Cruz
3. Henry Dominguez
.
.
.
43. Paulo Santos
44. Delfin Dominador
45. Bernie Pa....
Hindi pa man din natatapos ang balita'y pinatay na niya ang telibisyon. Inihanda niya ang sarili para sa tawag na natanggap mula sa kanyang commanding officer. Kinakailangan ng karagdagang puwersa sa kanilang hukbo. Alam man niyang mapanganib ang susuungin, pilit niyang tinatatagan ang loob. Sinubukan niyang tawagan ang kanyang pamilya ngunit hindi niya ito makontak. Nagdasal na lamang siya bago pa dumating ang truck na susundo sa kanya.
Sa loob ng truck, nagsisiksikan ang iba pang mga sundalo. Nakisingit na lamang siya sa may dulong bahagi para magkasya sila. Sa paglarga ng truck, bitbit ng bawat isa sa kanila ang kaba at pangamba. Kasabay no'n, ang tapang at dedikasyon para sa inaasam na kalayaan ng bansang kanilang pinaglilingkuran. Inisa-isa niyang titigan ang mga sundalo at pinakiramdaman ang mga ito. Matapos ay napatingin siya sa name pin ng isa sa kanila.
"Pablo, Bernie," bulong niya.
Nagulantang ang lahat sa isang malakas na pagsabog. Huminto ang truck at nagsimulang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng mga baril at kanyon. Matapos ay ang nakabibinging mga pagsabog na halos yumanig sa kanila. Hanggang sa sumabog na rin ang sinasakyan nilang truck. Lumiwanag ang paligid, matapos ay sandaling dumilim. May matinis na tunog sa tainga niyang pilit nagsumiksik.
Sa pagbalik ng kanyang ulirat, bumungad sa kanya ang kalunos-lunos na eksena. Mga gusaling nagliliyab. Nawasak na mga imprastraktura. Nakita niya rin ang mga bangkay ng mga kasamahan niya sa truck, at ang isang katawang putol ang braso. Ilang dipa mula rito, ang braso na pamilyar sa kanya; ang braso niyang may tattoo ng isang agila.
Naalala niya bigla ang balita. Kaya pala nabasa niya ang pangalan niya sa listahan ng mga nasawing sundalo sa digmaan. Pang-44 siya. Kaya pala.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.
