Ang buhay ay isang walang hanggang proseso ng pagkawasak.
Ang sabi ng mga matatanda, ang sinumang lumabas sa silong ay hindi na makababalik. Lalamunin sila ng liwanag, aakitin sa kung saan, at kailan man ay hindi na makikita.
Ang mga sanga ng puno ay nakaduro sa langit na parang mga daliri ng isang matandang namamalimos. Nagmamakawa ngunit handang mangalmot kapag nasukol. Iihip ang hangin at, tulad ng isang praktisadong surgeon, mapuputol ang mga bulok na sanga. Maririnig ng mga ulap ang impit na pagsigaw at ibubuhos ang ulang papawi sa sakit at papatid sa uhaw.
Nakatayo sa hangganan ng mga anino ang mga bata, namumutik ang mga paa't puno ng mantya ang damit. Mula sa di kalayuan, sa gitna ng usok, ay magpapatuloy ang mga putukan. Nagmamakaawa ang puno. Tumatangis ang langit. Patuloy ang pagkawasak. Kahit nanonood ang mga paslit.
"Mag-ingat ka," babala ni Juno sa kanyang kalaro sabay hila rito palayo sa hangganan. "Baka hilahin ka ng mumu dyan."
"Asus," Ngumisi si Karlo, sampung daliri ang edad; ang nakatatandang kapatid ni Juno. "Wala naman talagang mumu. Imbento lang 'yun nina lola."
"Meron!"
"Wala!"
"Totoo sila!" singit ni Melo. "Nakakita na 'ko! Bumubuga sila ng apoy!"
"Kung totoong wala, bakit hindi na bumalik ang tatay ko?" Napatingin ang lahat nang magsalita si Natalia, ang tinuturing nilang bunso. "Kung totoong walang mumu, sino kumuha sa kanya?"
Sandaling natahimik si Karlo. Iihip muli ang hangin na may dalang yapos ng pag-iisa. "Dahil pinatay siya, Natalia. Pinatay ng mga dayuhan ang tatay mo."
Nagsimulang pumalahaw si Natalia't tumakbo papasok sa baryo, sa kalooban ng silong.
"Bakit mo sinabi 'yon?" Nakayuko si Juno, galit. "Alam mo bang aalis na rin mamaya si Tatay?"
"Kukunin rin ba siya ng mga mumu?" si Melo.
"Hindi," matigas na saad ni Karlo. "Papatayin silang lahat ni Tatay. Alam ko 'yun. Babalik siya, makikita n'yo. Babalik siya."
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
DiversosThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.