Applicant #22: Fight For God

176 15 6
                                        

"Magsihanda kayo! Bababa tayo sa mundo ng mga tao upang pigilan ang kasamaan! Nagsimula na ang digmaan!"

Sabay-sabay naming inilabas ang puting pakpak sa aming likod.

Pinagaspas ko ang aking pakpak at lumipad. Sumunod sa'kin ang iba pang mandirigmang anghel.

Nayanig ang lupa nang lumapag kami.

Nagkakagulo ang mortal.

Agad natagpuan ng mata ko ang mga demonyo na may sungay, buntot at itim na pakpak. Walang awa nilang pinapatay ang tao.

"Iligtas ang mortal! Huwag nating hayaang lipunin ng kasamaan ang mundong ito!"

Agad kaming lumusob sa mga demonyo.

Tanging espada lang ang aming sandata, samantala ang mga demonyo ay may mga pana na nakakalason, espada na nag-aapoy. Ngunit mas lamang kami sa kanila, dahil kasama namin ang Diyos sa digmaang ito.

Ang tanging nakikita lamang ng mortal ay puting liwanag at itim na usok na naglalaban.

Hindi nila maaaring makita ang totoong anyo namin dahil purong kabutihan ang nananalaytay sa katauhan naming mga anghel, samantalang ang mga demonyo ay purong kasamaan. Maaari silang mabulag o mamatay.

Hindi ako nakaramdam ng takot nang makita ko ang isang kakaibang demonyo. Higit na malaki at malakas sa iba.

Kung hindi ako nagkakamali ito ang kanilang pinuno.

"Hindi niyo na dapat iligtas ang mga mortal. Hinayaan niyo na lang sana na mamatay sila sa kamay namin. Makasalanan sila at dapat lang sila mapunta sa impiyerno!"

Mabilis akong umilag nang panain niya ako. Nakaramdam ako ng kirot sa aking balikat. Tinamaan niya ako.

Lumingon ako at nakita ko kung paano umusok ang balikat ko dulot ng lason.

"Bakit hindi ka na lang umanib sa akin? Talo na kayo at wala nang magagawa ang Diyos mo." Humalakhak siya.

Nilibot ko ang paningin ko. Higit na malakas ang demonyo kaysa sa mga anghel. Nauubos na ang mga mandirigmang anghel.

Sa oras na mamatay ang isang anghel at demonyo wala na silang patutunguhan. Mawawala na sila habang buhay.

Tinutok niya sa leeg ko ang espada.

"Nasaan ang Diyos mo?"

Ibinuka ko ang aking pakpak at lumipad.

"Gaano man kasama ang mortal alam kong may kabutihan pa rin na nanunuot sa kanilang puso."

"Sa bawat kasalanan ng mortal mas lalo kaming lumalakas. Sila ang dahilan ng kaguluhang ito. Wala na silang pag-asa. Sa amin ang kaluluwa nila!"

"Habang may Diyos may pag-asa." Ngumiti ako.

"Katapusan mo na!"

Lumipad siya at sabay naming nilusob ang isa't-isa.

Itinarak ko ang espada sa kanyang puso.

"Nasaan ang Diyos namin? Lagi namin siyang kasama at hindi niya kami iiwan."

Nilamon ng apoy ang buong katawan niya at siya'y naglaho.

Napangiti ako nang makita ko ang dugo mula sa aking puso.

Hanggang sa huli kong hininga, nagtagumpay akong ipaglaban ang kabutihan.

Lalaban kami para sa kabutihan. Lalaban kami para sa Diyos. Higit sa lahat lalaban kami kasama siya.





Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon