MAGMULA pa noon, nababa na ang tingin ko sa sarili ko. Ilang buwan din akong pagala-gala sa lansangan, akala ko habambuhay na akong magiging mag-isa. Hindi ko inaasahang magkakaroon pa ng halaga ang buhay ko. Na ang isang asong kalye na kagaya ko ay maaari rin palang ituring na isang bayani...
MAHIMBING akong natutulog noon sa damuhan nang magimbal kami sa malakas na pagsabog. Patalon akong napabangon sa gulat at mabilis na pumunta sa tabi mo. Walang sabi-sabi ay pumosisyon ka at ang mga kasamahan natin gaya ng ginagawa natin sa mga pagsasanay.
Nakaupo tayo sa likod ng isang malaking puno habang inaabangan ang mga rebeldeng sumugod nang ipatong ko ang mga paa ko sa balikat mo. "Ayos ka lang ba?" ang gusto kong sabihin sa pagtahol ko.
"Ayos ka lang ba, Kidlat?" tanong mo sa 'kin. "Ayos lang ang Tatay Lito mo, 'wag kang mag-alala. Andyan na ang mga rebelde, tatalunin natin sila't makakauwi na rin tayo sa atin," dugtong mo pa. Siguro ay gustong-gusto mo nang madakip ang mga rebelde nang sa gano'n ay makabalik ka na sa asawa mong dala ang magiging anak niyo.
Ilang sandali pa'y nagsimula nang magpaulan ng bala ang mga rebelde, kaya naman hindi nagtagal ay napuno na ng putukan ang buong paligid. Hindi na rin ako nagpatumpik-tumpik pa. Tumakbo na ako at humanap ng tyempo para sugurin ang mga kalaban.
Ito na ang ika-walong operasyon na magkasama tayo, kaya naman sanay na akong makipaglaban. Magaling kang magturo kaya naman alam ko na ang gagawin tuwing ganoon ang eksena.
Sa oras na makuha ko ang tamang tyempo, mabilis akong tumakbo para sugurin ang rebelde. Mariin kong kinagat ang binti niya dahilan para mabitawan niya ang bitbit niyang baril at mapaupo. Sa sakit na iindahin niya, tiyak na hindi na niya kaya pang makipaglaban.
Binitiwan ko na ang pagkagat ko sa binti ng kalaban at hinanap ka sa paligid. Nakita kita at nakatingin ka sa 'kin habang nakangiti. Nakita mo ang ginawa ko. Nakita mo!
Gusto ko na sanang umungol sa tuwa, pero tila huminto ang tibok ng puso ko nang makakita ako ng kalaban na nakatutok ang baril sa'yo. Hindi. Hindi ka niya maaaring kunin sa 'kin. Hindi ka niya maaaring kunin sa pamilya mo.
Ginamit ko ang buong lakas ko upang mabilis na makalapit sa'yo. At dahil ako nga si Kidlat, syempre ay nagtagumpay ako, ngunit hindi ko inaasahang iyon na pala ang magiging huli nating pagkikita. Ni hindi ko man lang naramdaman ang mga balang tumama sa katawan ko bago ako nawalan ng malay. Ni hindi man lang kita nahalikan para magpaalam at magpasalamat.
MAY plano ang Maylikha. Narinig marahil niya ang panghihinayang ko, kaya naman heto ako... sinasalubong liwanag kung saan ang nakangiting mukha mo ang nasa dulo. Sa unang pag-iyak ko ay nakita ko kung gaano naging masaya ang ekspresyon ng mukha mo. Sa bagong buhay na ipinagkaloob sa akin sa bagong pagkatao, pangakong ako ang pagmumulan ng kasiyahan mo, at iyon ang pasasalamat ko sa'yo.
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
RandomThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.