KASABAY ng pagbagsak ng bawat bomba ay ang mga luhang sunod-sunod na dumadaloy sa pisngi ng pitong taong gulang na si Ato. Nanginginig ang kanyang buong katawan. Kitang-kita ang pighati sa kanyang mukha. Ang mga usok mula sa kagubatan ay nag-iwan ng dungis sa kanyang pisngi. Ang mga tunog ng putukan, hiyawan, at pati na rin ang mga yabag na pumapalibot sa kanyang kinalalagyan ay tila naglaho.
Sana, sinunod na lang niya pala ang utos ng inang manatili sa lugar kung saan siya iniwanan, sana naintindihan niya ang sinabi ng Ama na, "Ang tao'y wala sa kanilang katinuan ngayon. Sila ay sinapian ng demonyong kailanma'y hindi mo dapat hayaang sumapi rin sa 'yo. Manatili ka rito, anak. Ipikit mo ang 'yong mga mata at idilat mo na lamang kapag nagkasundo na ang mundo. Tandaang mo'ng hindi dugo ang sagot kun'di pusong sanay umunawa at tumanggap. Mahal na mahal ka namin anak."
Kung sinunod niya lang sana ang habilin ng magulang at hindi na hinanap pa sila e'di sana'y hindi niya nakita ang mga katawang nakahandusay sa lapag, naliligo sa sarili nilang dugo. Mga katawan na ang gusto lang naman ay kapayapaan subalit humantong sa kanilang huling hantungan.
Lumapit si Ato at napaluhod, tabon man ng dugo, ng putik, ng dumi ay hindi niya pa rin malilimutan ang pakiramdam ng presensya ng kanyang pinakamamahal na magulang.
Tinabihan sila ni Ato, katulad ng kanilang mga normal na gabi kung saan sila'y magkakatabi at mahimbing na natutulog. Hinawakan niya ang kanilang mga kamay, kapit na kapit, umaasang kakapit ito pabalik. Subalit hindi. Kawawang batang hindi pa ganoon naiintindihan ang nangyayari sa buhay.
MAKALIPAS ang ilang minuto'y nakatulog si Ato. Nagising lamang siya nang may narinig siyang boses.
"Chief, dito may buhay pa. Anak ni Ramirez," wika ng isang sundalong Pilipino.
"Sige, isama na sa atin 'yan."
ANG KARANASANG ITO ang nag-udyok kay Ato na ituloy ang nasimulan na ng magulang, ang maging sundalo. Subalit, hindi niya inaasahan na ito rin pala ang mismong kekwestsyon sa kanyang inaakalang pinaglalabang hustisya.
Katulad ng dating ritmo ng digmaan na patayin ang kalaban, 'yon ang kanyang ginagawa. Paalis na sana siya matapos maputukan ang isang tulisan sa loob ng kagubatan nang may narinig siyang pagngawa ng isang bata.
"Ama!" sigaw ng bata nang nakita ang kinahantungan ng amang tulisan.
Tila napako sa kinatatayuan si Ato. Hindi ganoon kalayo ang kanyang pwesto sa akto subalit alam niya, dama niya, ang nangyayari dahil 'yon mismo ang pinagdaanan niya, 'yon mismo ang dahilan kung bakit siya naririto ngayon.
Para siyang tumitingin sa sariling repleksyon ilang taon na'ng nakakalipas. Bumabalik sa kanya ang lahat. Ang bigat sa pakiramdam, ang sakit sa puso, ang lahat-lahat. Kusa na lamang dumulas mula sa kanyang palad ang baril. Isang luha ang pumatak mula sa kanyang mata at napapikit.
Sa sandali'y naguluhan siya kung ano pa nga ba ang pinaglalaban niya. Naalala niya ang sinabi ng Ama. Bakit dugo ang ginawa niyang sagot imbis na pag-unawa't pagtanggap? Ngayo'y isa na rin ba siya sa nasapian?
BINABASA MO ANG
Catharsis II: An Army of Words (AUDITIONS)
AléatoireThe gates have closed, and it's time to screen the applicants.